JERRY OLEA
Bigo na naman ang Pilipinas na mapasama sa shortlist ng 15 films na pagpipilian ng limang nominado sa kategoryang Best International Feature Film.
Ligwak ang animated film na Iti Mapukpukaw (The Missing) nina Carlo Aquino, Gio Gahol, at Dolly de Leon sa shortlist ng International Feature Film para sa 96th Oscars o Academy Awards.
Read: Pagpili ng Iti Mapukpukaw bilang Oscars 2024 entry, kuwestiyunable?
Walumpu’t walo (88) ang eligible sa kategoryang ito.
Ang labinlimang (15) bansa at respective film na pasok sa banga:
Armenia, Amerikatsi
Bhutan, The Monk and the Gun
Denmark, The Promised Land
Finland, Fallen Leaves
France, The Taste of Things
Germany, The Teachers’ Lounge
Iceland, Godland
Italy, Io Capitano
Japan, Perfect Days
Mexico, Totem
Morocco, The Mother of All Lies
Spain, Society of the Snow
Tunisia, Four Daughters
Ukraine, 20 Days in Mariupol
United Kingdom, The Zone of Interest
Inilabas na rin ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences ang shortlist para sa siyam pang kategorya — Documentary Feature Film, Documentary Short Film, Makeup and Hairstyling, Music (Original Score), Music (Original Song), Animated Short Film, Live Action Short Film, Sound, at Visual Effects.
Ang nominasyon ay mula Enero 11, 2024, Huwebes, hanggang Enero 16, Martes.
Ia-announce ang nominations sa Enero 23, at ang 96th Academy Awards ay gaganapin sa Marso 10 sa Dolby Theatre ng Los Angeles, California.
GORGY RULA
Sa pagkakaalala ko, kahit noong mga nagdaang taon, halos lahat na mga pelikulang pinagpiliang mapasali sa Oscars ay hindi naman nag-hit sa takilya.
Kagaya nitong Iti Mapukpukaw na hindi man lang umabot sa kamalayan ng sambayanan. Ang mga mahihilig lang talaga sa pelikula ang nakakaalam nito.
Siguro, palakasin muna natin ang mga pelikula natin sa mga sinehan bago tayo mag-asam na mapasali sa Oscars.
Handa na ba ang mas nakararami sa ganitong klaseng pelikula?
Ang mahalaga pa rin ay kung may trabaho ba ang karamihan sa mga tagapelikula na nasa taggutom pa rin.
Ano na ba talaga ang puwedeng gawin ng ating pamahalaan para mapalakas pa ang movie industry?
Sana, meron tayong maganda pang balita pagkatapos ng 49th Metro Manila Film Festival.
NOEL FERRER
Sayang, kasi every year na lang, tantiyahan sa kung ano ang papatok sa U.S. Academy.
Mano na lang ba na i-pool lahat ng resources natin sa paggawa ng isang magandang pelikulang ipapadala at susuportahan talaga at ikakampanya sa Oscars.
Kung magkakaisa lang lahat ng ating husay at expertise, doon lang siguro natin makakamit ang inaasam na nominasyon at award mula sa Oscars.
Pero teka, Oscars nga ba talaga ang goal dapat natin para sa international validation? Magandang diskusyon din iyan!
