GORGY RULA
Nagsimula nang magkalat sa social media ang figures ng kinita ng first day ng 49th Metro Manila Film Festival na nagbukas noong Lunes, December 25, 2023.
Pawang FAKE NEWS ang nagpe-peddle ng ganoong post.


Ang natitiyak namin, hindi maglalabas ng figures ang MMDA o ang MMFF Executive Committee.
Iyon ang kalakaran noon pa.
Pero ayon sa ilang reliable sources na napapagtanungan ng PEP Troika, halos P74M ang kinita ng sampung pelikulang kalahok sa MMFF kahapon, araw ng Pasko.
Hindi pa iyan official, at kahit ang kinita ng bawat pelikula ay hindi rin namin puwedeng ilabas dahil hindi pa rin ito official o kinumpirma ng producers.
Sa totoo lang, itong P74M na first-day gross ng 10 pelikulang kalahok ay halos ganun din ang kinita sa unang araw ng MMFF 2022 na may walong entries lang.
Malaki lang ang agwat noon ng pelikula ni Vice Ganda na Partners in Crime at ng Deleter ni Nadine Lustre sa first day. Hindi kagaya ngayong taon na halos equally distributed sa siyam na pelikula.
Merong isang pelikula lang na talagang napag-iwanan.
Ayon sa iba pang napagtanungan ng PEP Troika, ang limang pelikulang talagang naglalaban-laban sa takilya ay: Rewind, Mallari, Penduko, Family of Two (A Mother and Son Story), at Kampon.
Meron daw isang pelikula na naglabas daw ang producer ng halos P4M para lang sa block screenings na ini-schedule nila.
Ang gusto lang daw ni Produ ay hindi sila mangulelat sa ranking ng box office.
Sana, ma-maintain nila ang lakas ng pelikulang ito.
JERRY OLEA
Bago mag-2 p.m. nitong Disyembre 25, Lunes, ay nasa SM North EDSA-The Block na ako.
Grabe ang pila roon sa takilya. Pagpunta ko sa kabilang panig, doon sa may IMAX at sa may Cinema 4, 5, 6 & 7… mas grabe ang pila!
Habang tumatagal ay dumarami ang mga tao, lalo pa’t dumarating ang mga artista para mag-theater tour at magbenta ng tickets sa takilya.
Una kong namataan sina Eugene Domingo at Pokwang ng Becky & Badette. Kasama nila ang producers na sina Direk Jun Robles Lana at Direk Perci Intalan.
Sabi ni Direk Perci, nasa The Block na si Matteo Guidicelli ng Penduko. Nagtatagal sa van sina Uge at Pokie, kaya minabuti ng mga itong magtungo na sa may IMAX area.
Kauumpisa pa lang naming manood sa 5:00 pm screening ng Mallari sa Cinema 5 nang pabuksan ang ilaw at itigil ang palabas. Andiyan kasi ang bidang si Piolo Pascual para personal na magpasalamat sa moviegoers.
Tuwang-tuwa siyempre ang audience, lalo pa yun mga nakapag-selfie with him. Kami, nagkasya na sa groufie with Papa P.
After the Mallari screening, nakita ko sa lobby sina Vilma Santos at Christopher de Leon.
Kagagaling lang siguro nila sa block screening ng When I Met You In Tokyo sa Trinoma, kung saan naimbitahan din ako ng Vilmanian for All Seasons na si Jojo Lim, pero hindi ko na napuntahan.
Wala pang limang minutong nakaalis sina Ate Vi at Boyet, heto naman sina Sharon Cuneta at Alden Richards ng Family Of Two (A Mother and Son Story).
Nag-enjoy rin sina Shawie at Alden sa pagbebenta ng tickets sa takilya.
Aba! Naso-sold out ang screenings!
From SM North EDSA ay dumiretso na kami ni ka-Troika Gorgy Rula sa DZRH para sa 10:00-11:00 pm radio program nila ni Morly Alinio.
Guest co-host ako doon. Na-phone patch doon si Ate Vi na pauwi pa lang from the theater tour.
Napagod man si Ate Vi ay masayang-masaya siya dahil masigla ang first day ng 49th MMFF!
Ngayong Disyembre 26, Martes ng tanghali, nabalitaan nating pila-pila pa rin ang moviegoers sa mga mall.
Doon sa bagong bukas na mga sinehan ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City, usad-pagong daw ang pila.
More and more and more ang mga manonood!
Bongga ang word-of-mouth sa Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Ngayong Martes magte-theater tour si Derek Ramsay para sa Kampon. Inilaan ni Derek ang Christmas niya sa pamilya.
Siguradong star-studded ang MMFF 2023 Gabi ng Parangal bukas, Disyembre 27, Miyerkules sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City!!!
NOEL FERRER
Tuluy-tuloy ang pila ngayong Disyembre 26, Martes ng tanghali, sa Power Plant Mall ng Rockwell Center, Makati City.
Nakakatuwa na ganito sa halos lahat ng sinehan sa NCR, Luzon, Visayas, at Mindanao.
Hindi gawain ng MMFF na maglabas ng trends hangga’t di natatapos ang festival para hindi mag-create ng bandwagon effect.
Gustong pakitain ang lahat ng mga lahok!
Ang tanging masasabi natin ay kumikita ang karamihan ng mga pelikula at papalakas pa ang mga ito lalo pa’t bakasyon ngayon.
Sana, tuluy-tuloy na ito hanggang sa awards night bukas at lalo na hanggang sa January 7 and beyond!
Mabuhay ang pelikulang Pilipino!
