GORGY RULA
Masaya at ubod nang sigla ang mga artistang kasali sa mga pelikulang kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Nagtambay lang kami sa SM North EDSA nitong Disyembre 25, 2023, Lunes, magkakasunod na nagdatingan ang mga artistang nagpu-promote ng pelikula nila.
Nag-enjoy pa sina Sharon Cuneta at Alden Richards ng Family of Two (A Mother and Son Story) sa pagtitinda ng tickets.
Nakakatuwa raw dahil nasu-sold out ang bawat screening ng kanilang pelikula. “Masaya, eto,” pakli ni Alden habang hinaharap ang mga taong bumibili ng tickets.
Nagpagawa pa pala si Alden ng pins para ipamigay sa mga bumibili ng tickets.
Sabi naman ni Sharon, “Ako, dream ko ito nung bata ako, Maging cashier!”
Sabi pa ng megastar, bumabalik sa kanya nung kabataan niya na nag-iikot siya sa mga sinehan para i-promote ang pelikula niya.
“Kinukuwento ko nga dito sa anak [Alden] ko, nung teens ko, nung twenties ko, ginagawa talaga namin yung theater tours. Di ba, wala pang malls nun?
“So, hanggang nagkaroon na ng malls, nagpapalengke tour pa kami, at saka hanggang sa ibang probinsya, lumilipad pa kami.
“So sa akin, it’s just going back to what I used to do. Pero fun now, kasi wow, everything is so modernized na.
“Siyempre ang importante kasama ko ito. Sobrang strength ko itong anak ko. Kasi siyempre, hindi na ako twenty,” pahayag ni Sharon habang nakayakap sa kanya si Alden.
“Ako ang bahala,” sabi naman ni Alden sa Mama Sharon niya.
NOEL FERRER
In fairness, napakaganda ng standing ng Family Of Two (A Mother and Son Story) sa kasalukuyang MMFF.
Nagsanib-puwersa ba naman ang major Kapuso at Kapamilya actors and they truly delivered.
And theirs are really loyal fans na organized at sumusuporta talaga sa kanilang pelikula from mall shows hanggang block screenings.
Let’s also see how the movie fares in the awards tomorrow.
Basta, nakatatak sa puso ang Family Of Two (A Mother and Son Story).
Nakakatuwa na patuloy na dumadagsa ang moviegoers sa mga sinehan. Nakita ko mismo ang pila ng mga manonood ngayong tanghali sa Power Plant Mall sa Rockwell Center, Makati City, at ngayong hapon sa SM Megamall sa Mandaluyong City.
Siyanga pala, puwede kayong manalo ng cinemas passes sa pagpo-post ng groufie kasama ang pamilya o bakada.
Ang mechanics: Isama sa groufie ang poster ng pinanood na pelikula ng MMFF.
I-upload ang groufie sa inyong Facebook account na may hashtag #MMFF2023TaraNaMakisaya at i-tag ang @MMFFOfficial mula December 25 to 28, 2023.
I-follow ang FB Page ng Metro Manila Film Festival.
Pipili ng 25 na pinakamalikhaing groufie.
Abangan ang 25 winners ng MMFF passes sa official Facebook account ng MMFF sa Disyembre 30, Sabado.
JERRY OLEA
Mas gusto ba ng moviegoers ng MMFF 2023 ang humikbi at lumuha kesa matakot at tumili?
Humahaplos at kumukurot sa puso ang Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, ganoon din ang Family of Two (A Mother and Son Story) nina Sharon Cuneta at Alden Richards.
Heartwarming din ang When I Met You In Tokyo nina Vilma Santos at Christopher de Leon, at kakaibang love scene yung honeymoon ng characters nilang sina Azon at Joey.
Makabagbag-damdamin din ang Firefly nina Alessandra de Rossi, Euwenn Mikaell, at Dingdong Dantes.
Nagdudulot ng hilakbot ang Mallari ni Piolo Pascual, ganoon din ang Kampon nina Derek Ramsay at Beauty Gonzalez.
Educational ang GomBurZa. Magnificent, sabi ng National Artist na si Ricky Lee. Nakakapagpaalab ng puso ng mga Pilipino. Nawa’y tangkilikin ito ng mga kabataang #MaJoHa.
Pangiliti ang Becky & Badette nina Eugene Domingo. Mistulang love letter ito ni Direk Jun Robles Lana sa cult movies noong 1980s, gaya ng Relasyon (1982) at T-bird at Ako (1982).
Action-fantasy ang Penduko ni Matteo Guidicelli. First time magbida nang solo sa movie ang mister ni Sarah Geronimo.
Anim na kuwento ng mga pusong sawi ang nakapaloob sa Broken Hearts Trip ni Christian Bables.
Sa sampung official entries ng 49th MMFF ay dalawa ang may “G” rating mula sa Movie and Television Review and Classifications Board (MTRCB)—ang Penduko at Family of Two (A Mother and Son Story).
Kapag G, puwede sa lahat ng manonood.
Anim ang rated “PG” (Parental Guidance) — Becky & Badette, Firefly, GomBurZa, Rewind, When I Met You In Tokyo, at Broken Hearts Trip. Patnubay at Gabay ng magulang ang kinakailangan para sa kabataang edad 12 at pababa.
Parehong R-13 ang horror movies na Mallari at Kampon. Puwede lamang sa mga manonood na edad 13 pataas.
Nawa’y patuloy na maging masigla ang 49th Metro Manila Film Festival, na tatagal hanggang Enero 7.
Ang mabituing awards night ay nakatakda bukas, Miyerkules, Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
