GORGY RULA:
Hindi pa rin nagbibigay ang Executive Committee ng MMFF ng figures o kahit ranking sa box-office ng sampung pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival.
Pero ayon sa iba pang source ng PEP Troika, umabot na raw ng P250M ang kinita ng pelikulang Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Sumusunod ang Mallari, pero malayo raw ang agwat sa number 1 top-grosser. At ang dagdag pang magandang balita, tumataas daw ang kita ng Firefly at GomBurZa pagkatapos ng awards night.
Nadagdagan na sila ng mga sinehan, mula sa ilang pelikulang hindi na pumalo sa mga sumunod na araw.
Ang nakakalungkot pang balita, dalawang sinehan na lang daw ang naiwan sa Broken Hearts Trip. Kaya dismayado raw ang ilang producers na may entry rin sa ngayong taong MMFF.
Agree sila sa obserbasyon ng iba na hindi magandang ideya ang sampung entries, dahil talagang mag-aagawan lang ng mga sinehan.
Walo o sampu man ang entries, tila wala namang nabago dahil iilan lang talaga sa mga pelikulang kasali ang maayos ang performance sa takilya.
Ang inaasahan ng iilan ay maka-P700 o P800M ang kikitain ng MMFF sa loob ng dalawang linggo. Pero parang malabo raw ito, sabi ng isa sa reliable source namin.
Ang tantiya raw nila ay baka maka-P500M ito, na pareho lang ng kinita ng last year’s MMFF na walo lang ang entries.
Kaya ang komento ng ilan, hindi raw magandang ideya na ginawang sampu ang entries na isinali. Mas okay raw ang walo, para mapagbigyan ang lahat na entries ng sapat na sinehan.
Ano po sa palagay ninyo, mga Ka-Troiks?!
JERRY OLEA:
Bilang isa sa labing-isang hurado ng MMFF 2023 ay napanood ko agad ang sampung official entries.
Noon pa man ay sinabi ko nang magta-topgrosser ang Rewind ng DongYan. Hindi ko mawari kung alin ang magse-second place sa takilya, nguni’t nahinuha ko rin kung alin ang magiging kulelat.
Pakiwari ko noon pa man ay “must watch” ang GomBurZa at Firefly kung labanan ng awards ang pag-uusapan.
Bagama’t walang nakuhang award ang Rewind ay marami itong nominasyon. May laban din naman sa awards ang Mallari, When I Met You In Tokyo, Family of Two (A Mother and Son Story), Becky & Badette, at Kampon, kaya marami-rami rin ang nominasyon ng mga ito.
Patuloy na pinipilahan ang Rewind. Bongga ang word of mouth. Sa takbo ng mga pangyayari, mas malaki ang kita ng Rewind kesa sa pinagsama-samang grosses ng nine other entries.
Facebook post ng kaibigang Direk Mac Alejandre ngayong Disyembre 31, Linggo ng hapon, “Lagi akong excited sa MMFF. This annual event helped shape and fuel my love for Philippine cinema.
“Insiang, Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?, Minsa'y Isang Gamu-Gamo, Burlesk Queen, Kung Mangarap Ka't Magising, Atsay, Rubia Servios, Brutal, Himala, Moral, Kisapmata, Shake, Rattle, and Roll, Kung Ako'y Iiwan Mo, Dekada 70, Mano Po, Rizal, Muro Ami, Bagong Buwan.
“The above are some of the films that have impacted my film journey.
“Anuman ang sabihin tungkol sa MMFF, di maikakaila ang kontribusyon nito sa industriya kung saan maraming mga pelikula ay itinuturing na mga klasiko mula sa mga henyo ng kanilang henerasyon, mga direktor tulad nina Ishmael Bernal, Lino Brocka, Mike De Leon, Marilou Diaz-Abaya, Celso Ad. Castillo, Laurice Guillen, Joel Lamangan, Chito Roño, Eddie Romero, mga writer tulad nina Ricky Lee, Lualhati Bautista, Roy Iglesias, Doy del Mundo, Raquel Villavicencio, Marina Feleo-Gonzales.
“Every MMFF is a chance for new voices to be heard, voices that may define the future of Philippine Cinema.
“I’m happy that the cinema audience is back in full force. I'm also happy that the movie industry has heard a symphony of new voices, Pepe Diokno, Zig Dulay, and Derrick Cabrido. I've seen their films and am very excited to watch their film journey.
“Congratulations to MMFF, the filmmakers, the audience and everyone who support and have faith sa Pelikulang Pilipino.”
NOEL FERRER:
Panalo pa rin ang move na sampung official entries dahil anuman ang kalalabasan sa takilya, mas mataas pa ring mabebenta ang rights ng MMFF films sa iba’t ibang streaming platforms.
Also, may added push at premium talaga para sa mga pelikula ang MMFF entries dahil sa iba’t ibang events tulad ng parada at mga promo efforts tulad ng mga pa-lamp posts na tarps along major thoroughfares sa Metro Manila ng collaterals ng mga film entries.
May isang linggo with the New Year pa — at sana, may mga midnight screenings pa sa ibang sinehan, at sa lakas ng usapan sa social media, ang lakas maka-FOMO (fear of missing out) kapag di ka makapanood ng MMFF entries. Sana, magtuluy-tuloy na ang ganitong sigla sa pelikulang Filipino!
Happy New Year!!!
