GORGY RULA
Okay naman at na-maintain ng bagong Kapuso afternoon drama series na Makiling ang rating nito sa oras na yun.
Naka-6.5% ito noong Lunes, Enero 8, 2024.
Sa pangalawang araw nito noong Martes, Enero 9, ay naka-6.6% ito.
Marami pa raw aabangan sa kuwento ng Makiling na pinagbibidahan ng real-life couple na sina Derrick Monasterio at Elle Villanueva.
Pero ang isa sa curious kami ay kung magkakadebelopan na ba sa seryeng ito sina Claire Castro at Royce Cabrera.
Unang nagkasama ang dalawang Kapuso stars sa Nagbabagang Luha, at very vocal si Claire sa pagsasabing crush niya si Royce.
Read: Royce Cabrera, crush ng Nagbabagang Luha co-star na si Claire Castro
Hanggang ngayon ba ay crush pa rin niya Royce at lalo ba niya itong nagustuhan ngayong lagi silang magkasama sa Makiling?
Sabi ni Claire sa nakaraang media conference ng Makiling, “Honestly, mas close kami ngayon.
"I think he’s still attractive. I’m not gonna lie about that.
“But for me po kasi, wow! As I age, parang nawala po yung crush factor, e. Yung paghanga po, ganun.
"Yung kilig-kilig, wala na po, e."
Inamin ni Claire na type niya ang mga morenong kagaya ni Royce kaya na-attract talaga siya rito physically.
“Physically, yes. I find him attractive. Yun po yung type ko, moreno,” pakli ni Claire.
Parang nahiya pa si Royce nang tinanong ko siya tungkol sa paghanga sa kanya ni Claire.
Pero ang sabi ng aktor, mas naging close sila sa Makiling kesa sa unang programang pinagsamahan nila.
“Close naman po kami nung una, sa Nagbabagang Luha, e. Pero dito po, mas lalong naging solid yung bonding namin.
“Kasi siyempre, as a group, lagi kaming magkakasama, lagi kaming magkaeksena, magkasama kami sa tent, on and off cam.
"So, mas marami yung time naming magkuwentuhan, mag-usap sa buhay-buhay. Masasabi kong mas naging close kami lalo dito sa Makiling,” saad ni Royce.
Ayaw raw sirain ng aktor ang magandang friendship nila ni Claire kaya mas gusto niyang manatiling magkaibigan sila.
Natutuwa raw siya sa pagiging totoo ng co-star kaya hindi niya naiisip na mauwi sa romantic relationship ang maganda nilang friendship.
“Hindi naman, kasi si Claire sobrang jolly na tao yan, e. Kung ano yung nilalaman ng isip niya, talagang right away sinasabi niya.
“Kami naman, dito magkakapatid kami. So, alam mo yun, fun-fun minsan. Pero at the end of the day, nandun yung respeto namin sa isa’t isa.
“Super good friends kaming dalawa,” sabi pa ni Royce.
NOEL FERRER
Sabi naman ni Claire, nung nagkita sila uli ni Royce sa taping ng Makiling, napansin niyang medyo naiilang sa kanya ang morenong aktor.
Pero agree siyang mas naging close sila ngayon, kumpara nung nagsama sila sa Nagbabagang Luha.
“Now lang kami naging close. Nung unang show po kasi namin, parang ano po kasi, medyo hindi pa ako close ako with everyone. Hindi ko po sila naka-bonding nang lubusan.
“Pero feeling ko po, nailang. Kasi nung lumabas yun, hindi kami masyado nagpansinan. Yun po,” sambit ni Claire.
Kahit physically attracted siya kay Royce, iba naman daw ang closeness nila ngayon. Parang kuya lang daw ang turing niya rito.
“Yeah, for now. Kasi to be honest, parang older brother talaga, e.
"Nagbibigay siya ng mga advice, when I’m feeling down, nag-o-open ako sa kanya.
"Nag-change into older brother ang tingin ko sa kanya,” napapangiting pakli ni Claire.
Read: Claire Castro inaming nangungulila sa inang si Raven Villanueva
Sa ngayon ay sinasabi ni Royce na ayaw muna niyang magka-girlfriend dahil mas gusto nitong mag-focus sa kanyang showbiz career.
“Ngayon naman ano talaga, e… ayokong sayangin yung init ng karera ko ngayon, e.
“So, ang daming dumarating sa akin na mga proyekto, mga opportunity. Bihira lang yung ganito, e.
"Saglit lang ang pagkakataon. Gusto kong sulitin lahat. So, nandun muna yung focus ko ngayon.
“Wala, e. Straightforward muna tayo kung ano yung dapat unahin,” sey ni Royce.
Read: Royce Cabrera no regrets doing daring roles; still willing to accept similar roles
JERRY OLEA
Kung ang 2023 ay taon ng hiwalayan ng showbiz couples, baka ngayong 2024 ay mauso naman ang pagka-develop-an ng mga bagong magsing-irog.
Abangan natin kung makakasama riyan sina Claire at Royce.
Siyangapala, as expected ay na-maintain ng Abot-Kamay Na Pangarap ang mataas na ratings nito sa hanay ng mga panghapong teledrama.
Noong Enero 9, Martes, ay naka-10.2% ang teledrama nina Jillian Ward at Carmina Villarroel, kumpara sa 2.4% ng Pira-Pirasong Paraiso.
Naka-9.4% naman ang Stolen Life, kumpara sa 1.8% ng Nag-aapoy Na Damdamin.
