GORGY RULA
Hindi na ganoon kalakas ang mga pelikula ng MMFF 2023 na na-extend ang showing sa mga sinehan.
Hindi na gaanong matao sa mga sinehan mula Enero 8, 2024, Lunes, kahit nagbalik na ang Wonka at Aquaman and the Lost Kingdom.
Nag-open ang animated film na The Boy and the Heron, at nandiyan pa rin ang 49th MMFF official entries.
Noong Enero 10, Miyerkules, ay nag-open naman ang My ZomBabe, The Beekeeper, at The Bricklayer.
Nilinaw ng aming nakakausap na hindi extended ang MMFF dahil may iba nang mga pelikula sa mga sinehan.
Nag-react ba ang CEAP o Cinema Exibitors Association of the Philippines sa sinabing extension ng MMFF?
Na-extend lang daw ang paggamit ng season pass. At kagaya ng mga nakaraang MMFF, na-extend ang showing sa mga sinehan, pero hindi na pawang MMFF movies ang napapanood natin sa local cinemas.
Ayon sa aming reliable source, halos PPH600K ang first-day gross ng My ZomBabe nina Kim Molina at Empoy Marquez noong Wednesday.

Nakakalungkot kung mabalik na naman sa dating mahina ang mga pelikula natin.
Hindi ko sinasabing hindi maganda ang My ZomBabe dahil hindi ko pa napanood ang pelikula.
Pero sabi nga ng mga napagtanungan namin, magaganda ang lineup ng mga pelikulang kalahok sa MMFF, kaya tinangkilik nang husto ang filmfest.
Sana, maituluy-tuloy na magaganda ang local films na may playdate na sa sinehan.
Nakakatuwa nga raw, sabi ni Direk Laurice Guillen, nang pinag-usapan sa media conference ng GMA-7 primetime series na Asawa ng Asawa Ko na idinidirek niya, itong box-office success ng MMFF 2023.
Read: MMFF 2023 nalampasan na ang box-office record ng MMFF 2018
“Maganda ang lineup ng pelikula. Magtataka ka, kasi iba nung araw na may Tito, Vic & Joey, may Vice Ganda, may ganun.
"Pero this time, parang may mga pelikulang may pangalan sa casting, maganda yung casting. Pero makikita mo ang bawat isa, kahit may mga horror, parang minabuti talaga nila yung quality.
"So, lahat na pelikula, makikita mo na may maganda,” pakli ni Direk Laurice.
Agree si Direk Laurice sa sinasabi nating malaking bagay yung nakasanayan na ng mga tao ang magagandang pelikula at series na napapanood nila sa iba’t ibang streaming service.
Kaya kapag maganda ang pelikulang ipalalabas sa sinehan, papanoorin nila ito.
“Sanay na ang mga tao sa quality ng mga bagong style ngayon ng pelikula at mga drama.
“So, makikita din sa trailer na parang nag-iba na rin ang quality, lalo na pag… at saka nandun pa rin siyempre yung mabibigat na casting.
“Ang pinakamalakas, yung Rewind, di ba? Of course, malakas yung tandem nila Dong and Yan.
“Pero kung panoorin mo yung pelikula, very ano din… hindi fan movie. Pelikula talaga yun,” saad ni Direk Laurice.
NOEL FERRER
As of today, January 12, Friday, ay meron pa ring sinehan ang lahat ng pelikula ng MMFF — iba-iba lang ang dami.
So, may pagkakataon pa ring mapanood ang mga pelikula ng 49th MMFF sa big screen.
Hopeful ang producers ng GomBurZa, na kasama ko today sa aking Level Up program sa Radyo Katipunan, na hahataw pa ito this weekend dahil sa demand ng mga estudyante at parishioners.
Tama kayo, mga ka Troika, na sana mag-extend talaga ang suporta ng viewers natin sa mga susunod pang pelikula nina Donny Pangilinan (Good Game), Aga Muhlach at Julia Barretto (Ikaw Pa Rin ng Pipiliin Ko), at marami pang iba.

Sana, dagdag na sipag pa talaga sa pagpo-promote ng ating mga pelikula. MMFF levels ng sigasig sana!!!
JERRY OLEA
Extended ang pagpapalabas ng 49th Metro Manila Film Festival entries hanggang Enero 14, Linggo.
Ang super-blockbuster na Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ay showing sa mga sinehan sa Pilipinas, USA, Guam, at Saipan.
Para sa mga ka-Sisiw ni Piolo Pascual, andami pa ring sinehan nationwide ng Mallari.
Siyempre pa, rumaratsada pa rin ang GomBurZa at Mallari.
Ngayong Enero 12, Biyernes, ay showing na sa Amerika ang Viva movie na Penduko starring Matteo Guidicelli — sa California, Florida, New Jersey at Nevada.
Coming soon ang Rewind sa Italy, Australia at New Zealand.

Sa Enero 18 ay showing na ang best picture ng MMFF 2023 na Firefly sa United Arab Emirates.
Ratsada ang pagpapalabas ng Viva ng mga pelikula, sa sinehan man o sa streaming platform.
Viva ang producer ng My ZomBabe na nag-showing noong Enero 10, Miyerkules, kasabay ng The Bricklayer na distributed din ng Viva.
Ang bidang lalaki sa My ZomBabe ay si Empoy Marquez na may cameo sa Becky & Badette, at may forthcoming sitcom sa NET 25 with Alessandra de Rossi, iyong May For Ever.
Nakatakdang ipalabas sa Enero 17, Miyerkules, ang Acid Rain, Anyone But You, Migration, Tokyo Revengers 2 Part 1: Bloody Halloween — Destiny, Raging Grace, at Roadtrip.
Parehong ibibiyahe ng Viva ang Raging Grace ni Max Eigenmann, at Roadtrip nina Candy Pangilinan, Carmina Villarroel, Janice de Belen, at Gelli de Belen.

Nasa January 24 playdate ang Miller’s Girl, Skeletons in the Closet, The Color Purple, GG: The Movie ni Donny Pangilinan, at ang Viva movie na Itutumba Ka Ng Tatay Ko starring Janno Gibbs and Xia Vigor, with the special participation of the late Ronaldo Valdez.
Take note na nasa cast din ng GG: The Movie si Ronaldo Valdez. Magsasalpukan sa takilya ang dalawa niyang pelikula!
Para sa January 31 playdate, nakatakda naman ang Jackdaw, at ang hatid ng Viva na My Sassy Girl starring Toni Gonzaga and Pepe Herrera.
Suporta si Herrera sa dalawang MMFF 2023 entries, ang topgrosser na Rewind, at Family Of Two (A Mother And Son Story).
Huli nating napanood si Toni sa sinehan ay sa MMFF 2022 entry na My Teacher.

Para sa February 7 playdate, nakatakda na ang No Way Up, Tokyo Revengers 2 Part 2: Bloody Halloween — Final Battle, at ang Viva movie na Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko starring Aga Muhlach and Julia Barretto.

Kabilang naman sa offerings ng Vivamax sa unang dalawang buwan ng 2024 ang mga mapangahas na pelikulang Bedspacer (Enero 5), Karinyo Brutal (Enero 12), Room Service (Enero 16), Palipat-lipat, Papalit-palit (Enero 19), Pantasya ni Tami (Enero 26), Seksi: Pantasya at Pelikula (Enero 28), Dilig (Enero 30), Salawahan (Pebrero 2), Katas (Pebrero 9), Takas (Pebrero 13), Kabit (Pebrero 16), at Salitan (Pebrero 23).
Siyanga pala, ang chairman ng Mowelfund na si Boots Anson Roa-Rodrigo ay nagpapasalamat sa magandang resulta ng MMFF dahil malaking tulong ito sa Mowelfund.
Excited din siya sa paghahanda ng Executive Committee ng MMFF sa 50th year ng Metro Manila Film Festival ngayong taon.
“I’m sure yung preparations will be in full force, no? And it would be a bigger and better meaningful 50th anniversary, kasi 50th na, imagine.
“And we’re just so privileged that Mowelfund is obviously a part of this, kasi sabay yung founding ng Mowelfund at saka yung ano, e, ng Metro Manila Filmfest, by the same founder.
“And we’re grateful that through the 50 years, ang Mowelfund is the beneficiary of Metro Manila Film Festival.
“Sana yung momentum hindi mawala. Sana… hopefully, with the success also of GG: The Movie, magtuluy-tuloy yung pagbalik ng tao sa pelikula, 'no?
“It becomes part of our subculture, di ba?” pahayag ni Tita Boots na bahagi sa pelikulang GG: The Movie.
