TRIGGER WARNING: Mention of suicide
GORGY RULA
Sa mediacon ni Janno Gibbs at ng legal counsel niyang si Atty. Lorna Kapunan nitong Enero 15, 2024, Lunes ng hapon, sa Club Filipino ng Greenhills, San Juan City, binasa ng aktor ang thumbnails ng ilang vlogs kaugnay sa pagkamatay ng kanyang amang si Ronaldo Valdez.
Hinaing ni Janno, “Kung iisipin mo, malagim na nga yung nangyari sa amin, yung actual na pangyayari. Malagim na, e, dumoble pa, dinoble pa nila.
“I would like to call out some… some, kasi ang dami, you can’t pinpoint them all. But I’d like to call out some of the vloggers that…
“Naintindihan ko naman, yun ang trabaho mo, iyon yung pinagkakakitaan. I don’t mind if it were a question mark, or apparently, diumano.
“Pero ang thumbnail, walang question mark. Statement, e.”
Ang thumbnails sa vlogs na binasa ni Janno:
“Janno Gibbs, umamin na. Umamin na sa kasalanan sa amang si Ronaldo”
“Inaamin ko, ako ang mastermind ng lahat ng ito. Ginawa ko iyon dahil kailangan ko ng pera”
“Sumuko na, Janno Gibbs”
“Janno Gibbs, hinuli na”
“Melissa: Hindi ko mapapatawad ang kapatid ko sa ginawa niya”
“Sa wakas, tukoy na ang ginawa ni Janno Gibbs sa sariling ama”
“Sariling misis, itinakwil Janno Gibbs, confirmed”
“Janno Gibbs, suspek”
Napapailing na lang si Janno sa mga paninirang-puri ng nasabing vloggers.
Sabi ni Janno, “Those are just some… gusto ko lang sabihin sa inyo, dun sa mga binanggit ko — ganito na ba kababa, kadesperado ang mga vloggers for likes and views?
“You know, at the expense of our lives, my father’s reputation, my family. Ganun na ba, ganun na talaga kadesperado?
“Sa kanilang lahat na mga binanggit ko, and pati sa lahat na mga netizens na nag-share, nagpasa ng video, I want to say, ‘Shame on you.’ Or better yet, f**k you. That’s I think the better statement.”
Gumaralgal ang tinig ni Janno at namuo ang luha sa kanyang mga mata, “I do not wish this on anybody else, that’s why I’m doing this.
“Ayoko nang mangyari sa ibang tao itong nangyari sa amin.”
NOEL FERRER
May gagawin ba sila para ipa-take down ang mga vlog sa social media na nagkalat ng paninira kay Janno Gibbs?
Mabilis na tugon ni Atty. Kapunan, “Yes. We will do everything necessary to protect our client’s interests, including notice to all of those na binasa ni Janno.
“Na i-take down, to take down. Because liable sila. Meron tayo sa DOJ, Cybercrime Division.
“Miski na ang style nila, they take it down, ang problema sabi nga ni Janno, they take it down, because of anonymity, meron na naman silang bagong pangalan.
“And that is why we should also review in aid of legislation our social media laws.
“Kasi yung ginagawa nila, cyberlibel. Kung ang libel e may parusa… ang cyberlibel, doble pa. Hanggang more than 20 years. Hanggang milyon ang penalty, 'no.
“Because cyber nga yan, e. Mas mabilis mag-spread, 'no. Maybe nga we will study the matter and see how we can put an end to this.
“Huwag sanang mangyari sa isa pang Janno Gibbs.”
JERRY OLEA
Noong una ay gustong kasuhan ni Janno Gibbs ang pulis na nagkuha ng video, at ang pinagsumitehan niya ng written statement kaugnay sa malagim na pagkamatay ng kanyang amang si Ronaldo Valdez.
Read: Janno Gibbs narrates crime scene investigation after dad Ronaldo Valdez was found dead
Bakit nagbago ang kanyang isip?
“Naisip ko, no amount... anong tawag dito? Damages, pera, no amount of that will ano, can erase yung trauma,” pagtatapat ni Janno.
“Nandiyan na, e. Nangyari na. Walang kahit anong, yun nga, anong tawag dito? No amount of money or jail time will erase this.
“It’s already there, at nandito pa rin. We’re still traumatized. Kahit na maparusahan sila, traumatized na kami. Ano pa ang makukuha natin dun?
“I’m just doing this actually, I didn’t need to do this but, yun na nga lang, it’s for reference. It’s a cautionary tale. Let this be a cautionary tale. Iyon na lang ang hinihiling ko.”
Ipinagdiinan ni Atty. Kapunan na ang dahilan kaya nagpatawag sila ng presscon ay upang manawagan sa police authorities.
Read: Janno Gibbs asks for public apology over mishandling of investigation of dad Ronaldo Valdez's death
Pagmamatuwid ni Atty. Kapunan, “To clean up their own ranks. Kasi pag nag-file tayo ng kaso, sinong pa-file-an natin? Yung mga subordinates? Do we file all the way to the superiors?
“All the way to the Department of Justice? In fact, all the way to the President of the Republic. Kasi Executive yan, di ba?
“That will not lessen the pain. That will not erase the grief. In fact it will expose the family more. Public attention.”
Dagdag ni Janno, “Pag nag-file kami and stuff, I will have to reenact again. Ikukuwento ko na naman and mas trauma pa.
“Hindi pa nga kami nakakabangon, e, it will add even more sa pinagdadaanan namin.”
Natukoy kung sinong invrstigating officer ang kumuha ng video, pero natukoy ba kung sino talaga ang nag-upload niyon? Isang tao lang ba ang nagpakalat, considering na ipinadala iyon ng subordinate sa mga superior at staff?
Tugon ni Janno, “In fairness to them, I think the QCPD filed an administrative case dun sa isang tao, sa nag-video.
“But yun nga, maaring hindi siya, e. Maaaring siya lang ang kumuha but admittedly, di ba, pinapasa nila yan. So it’s hard to…
“That’s also another reason kung bakit mahirap magdemanda. Kasi, hindi mo alam kung sino talaga, e. SOP nila is to give it to other officers for study, ganun.”
Pahayag pa ni Atty. Kapunan, “Na-leak yung video, the father was still alive, when he was brought to St. Luke’s.
“And it was through this video that the family learned about the incident to the father, no. So can you imagine the shock? How irresponsible naman.
“I mean, kung nangyari sa atin ito, nasa ICU pa yung tatay natin, tapos may nag-leak na ng video na namatay na, or nagpakamatay — how will you feel?
“This is not because Janno Gibbs is a public personality. It is because he is a human being.
“And all of us are entitled to dignity. Especially the dead. Especially those who have moved on. Let us respect, let us respect that dignity.
“And that is the reason why… maybe the family has decided not to file a case.
“Because uungkatin. Bakit nag-commit ng suicide? Bakit ganito? Bakit ganito? No. What the family wants is peace… “They want peace. They may be public figures, they may be in the movie industry, but they are entitled to dignity, and being left alone as they continue to grieve for their father. “Di ba? Ganun lang yun.”
Inulit ni Atty. Kapunan ang panawagan sa legislators.
Aniya, “This is a good opportunity to review our libel laws, especially electronic media.
“Because napakadali po manira ng reputasyon sa media, especially in social media.
“Kung dodoblehin ang penalty, siguro bitay na ang kailangan diyan. Joke! I’m just joking!
“But our libel laws should be… Kasi, ngayon ang pinag-uusapan, dapat libel, hindi na criminal offense, e. Dapat civil offense na lang.
“Because we are a very free society. We value our freedom of the press. Di naman po natin sinasabi na there should be censorship of the press.
“We are not saying that individuals should not express their opinion. But your opinion stops when you start destroying the reputation of others.
“Iyan ang nangyari dito. Imagine saying na in-admit. Talagang falsehood yon, in-admit ni Janno na siya ang responsible kasi kailangan niya ng pera, or hindi siya papatawarin ng kapatid niya, or pati yung asawa niya ay inamin na may ginawa si Janno.
“That’s really below the belt.”
lang oras lang matapos ang mediacon nina Janno at Atty. Kapunan ay naglabas na ng public apology ang QCPD, at naibalita iyon sa 24 Oras ng GMA-7.
Read: QCPD nag-apologize na sa pamilya ni Ronaldo Valdez; Gibbs family di magsasampa ng kaso
