JERRY OLEA:
Hindi ko nakitang naghiwalay ang magkasintahang Ruru Madrid at Bianca Umali sa 20th wedding anniversary celebration nina Christopher Roxas at Gladys Reyes nitong nakaraang Sabado ng gabi, Enero 27, sa Glass Garden events place, Santolan, Pasig City.
Magkatabi sila pagdating, pag-akyat sa entablado para magbigay ng mensahe, hanggang pag-uwi.
Magiliw silang nagpaunlak ng interbyu sa mga taga-showbiz media na nasa pagtitipon bago tuluyang umalis.
Inusisa ko si Ruru kung paano ang magiging participation niya sa second season ng Running Man Philippines, na kinukunan na sa South Korea.
“Ay! Abangan! Abangan!” nakangiting bulalas ni Ruru.
Bagong dagdag sa Running Man PH ang dating ka-loveteam ni Bianca na si Miguel Tanfelix. May mga nag-akala pa noong una na pinalitan ni Miguel si Ruru sa programa.
“Parang ano po, additional,” sambit ni Ruru.
Ang sabi ng Senior Vice President for Entertainment Group ng GMA Network na si Ms. Lilybeth Rasonable, walang problema na magkasama sa Running Man PH sina Ruru at Miguel.
Nakausap ko si Ms. Lilybeth sa mediacon ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis (Season 2) noong Enero 26, Biyernes sa Seda Vertis North, Quezon City.
Ipinagpaalam ba kay Ruru na idadagdag si Miguel sa Running Man PH?
“Wala. Wala na pong paalam. I don’t think kailangan pa po ng paalam,” malumanay na tugon ni Ruru.
“Kasi, I mean… ang tagal na panahon na, di ba? Parang wala nang isyu,” medyo natatawang sabi ni Ruru, habang napapatango si Bianca.
Magbe-break ba muna si Ruru sa taping ng Black Rider para makapag-shoot for Running Man PH?
“Secret! Abangan! Ha! Ha! Ha! Ha!”
GORGY RULA:
Ano ang nabago kay Bianca nang dumating sa buhay niya si Ruru?
Sagot ng Kapuso actress, “Siguro masasabi ko na si Ruru sa buhay ko, siya yung… clichè mang pakinggan, pero siya talaga yung ilaw naman.”
Napakatamis ng ngiti ni Ruru na nagmuwestra ng bombilya, “Di ba? Light!”
Pagpapatuloy ni Bianca, “All of life kasi, I’ve always felt alone, and I’m sure a lot of people know that.
“Na dahil sa sobrang pagka-independent, I was also very distant from my family, from everyone, hindi ako ganun makasalamuha.
“But ever since Ruru came into my life, unang-una, na-achieve ko na maibigay ko sa sarili ko yung faith ko.
“Pangalawa, nailapit niya ulit ako sa pamilya ko. And pangatlo, malaki yung naging self-improvement ko.
“Mas natuto akong magmahal at tinuruan niya akong OK lang buksan ang sarili sa mga tao.
“Dahil normal lang ang masaktan at hindi ako dapat matakot.”
Sambot ni Ruru, “Takot kasi siya dating magtiwala. Pero sabi ko sa kanya, wala siyang dapat ikatakot.
“Kasi ganun naman talaga ang buhay. Kailangan mong sumugal kahit na kanino.”
Kung si Ruru ay ilaw sa buhay ni Bianca, ano naman si Bianca para kay Ruru?
“Si Bianca ang buhay ko! Ha! Ha! Ha!” masayang paghalakhak ni Ruru, na sinabayan ni Bianca.
NOEL FERRER:
Si Bianca na ba ang naiisip ni Ruru na babaeng pakakasalan niya?
Mabilis na sagot ni Ruru, “Siya na, siya na! Wala nang pagdadalawang-isip. It’s my final answer!
“Always and forever, yun ang sagot ko. Ha! Ha! Ha! Ha!”
Para kay Bianca, si Ruru ba ang gusto niyang mapangasawa?
Tumango agad ang Kapuso actress, “Hindi niyo na po kailangang tanungin. Just wait for the date!”
Susog ni Ruru, “Ha! Ha! Ha! I mean siyempre kapag nagmahal, you’re hoping na talagang siya na.
“Hindi naman natin alam kung ano yung mga mangyayari sa future but katulad ng sinabi niya kanina, pipilitin naming piliin ang isa’t isa araw-araw.”
