GORGY RULA
Halos sold-out na ang tickets sa mga nakatakdang Valentine’s concert, kagaya nitong Love Q&A nina Ogie Alcasid at Odette Quesada na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater sa February 14 at 15, 2024.
Pero bago iyan, nasa Cebu City muna sila sa Nustar Convention Center sa February 13.
Ang kaibahan nina Ogie at Odette ay pareho silang singer-songwriter kaya karamihang kakantahin nila ay mga likha nilang kanta.
Pero sa panahon ngayon ng breakups, puwede rin kaya manood at mag-emote sa mga awitin nila?
Siyempre, mas maraming hugot ang breakup songs, at marami rin silang mga kakantahing puwede mag-emote.
Pero sabi ni Ogie, meron daw siyang parang breakup song na rin na malapit na niyang i-release.
“Actually, I’ve been writing new songs. I’m gonna release them this year. Yung isa kong kanta, ang title 'Hey Girl.' Pero tungkol siya sa ano, e… Tagalog. At saka I wrote it on a guitar.
“Ano siya, nag-ano siya, nag-friendzone. In a way, parang naghiwalay rin pero sa huli, nagsisisi siya.
“Kasi na-friendzone niya nung nalaman niyang meron nang iba, mahal pala niya,” pakli ni Ogie nang makatsikahan namin sila ni Odette sa rehearsal nila sa OnQ Studio nung Biyernes, February 9, 2024.
Matagal-tagal nag-isip si Ogie nang hiningan namin ng pahayag at kung meron siyang maipapayo sa celebrity couples na naghiwalay. Ang ilan sa kanila ay kaibigan pa nila ni Regine Velasquez.
Maaring mahirap ito sa mga kilalang artistang naghiwalay na pinagpiyestahan ang kanilang paghihiwalay, at kung anu-anong isyung naglalabasan.
Ang sabi na lang ni Ogie, “Ingatan nila yung puso nila, siguro ganun na lang. It’s sad really when people break up. So, take care of your heart.”
May opinyon naman si Odette Quesada kaugnay rito. “Cause you don’t get into relationship, di ba, to break up later.
"We wanted it to last,” ani Odette.
NOEL FERRER
Vacation leave sa day job ni Odette sa Amerika itong pagko-concert niya rito sa Pilipinas.
Nung Biyernes lang siya dumating at isinalang agad siya sa rehearsal, pero nag-e-enjoy raw siya.
Excited siyang makasama si Ogie dito sa Love Q&A. Looking forward din siyang makatrabaho ang bagong singer-songwriters na nababalitaan niyang magagaling.
Pero wala raw siyang maibibigay na komento sa mga bagong awitin ngayon dahil hindi naman siya madalas nandito sa Pilipinas.
Naririnig niya ang mga binanggit ni Ogie na sina Arthur Nery, Zack Tabudlo, at marami pa.
Ani Odette, “I don’t have any authority to comment on it. Kasi I’m really not immersed.
“Ayoko naman to just half-wittingly say something that you know, I have no knowledge about it. So, I would rather pass on that question to Ogie.”
Sabi naman ni Ogie, “Well, I’m happy to report that it’s doing very well.”
“That’s good! Yeah! With all the singers, songwriters that he mentioned earlier. I’m looking forward to listening to their music,” pakli ni Odette.
JERRY OLEA
Happy Chinese New Year!
Mamayang 8:00 pm sa Music Museum sa Greenhills, San Juan City, payanig ang Mr. Streisand concert with Mark Bautista as stage director.
Magpapakitang-gilas dito ang leading men of Philippine Theater na sina Michael de Mesa, Arman Ferrer, Audie Gemora, Jett Pangan, Michael Williams, at Franco Laurel.
Ang halaga ng tiket ay P4,500 at P3,500.

Pasabog din ang concert ng The Voice USA season 19 Fan favorite na si Ryan Gallagher na The Voice of Ryan sa Pebrero 17, Sabado doon din sa Music Museum.
Ito ang kanyang first major concert, at may kaugnayan sa kanyang musical journey ang guests niya na sina Martin Nievera, Lara Maigue, at Ice Seguerra na siya ring stage director.
"February is here, and I am overcome with excitement, or are those nerves... ha-ha-ha!
"Just the fact that I get to share the stage with Martin, Ice, and Lara is a privilege and something I will remember forever. The amount of talent is incredible!” sabi ni Ryan sa recent mediacon sa Pandan Asian Cafe sa Sct. Limbaga St., Quezon City.
Sa The Voice of Ryan iso-showcase ni Ryan ang range niya bilang musical artist.
Nakilala man siya sa kanyang galing sa classical music, kaya rin niyang kumanta ng iba pang genre ng kanta.
Ang tiket para sa The Voice of Ryan ay maaring mabili sa Ticketworld.
Ang mga presyo ng tiket ay P1,000 (Balcony), P2,000 (Orchestra side), P3,000 (Orchestra gold), P4,000 (Orchestra VIP), P5,000 (Orchestra VVIP).

Sa Pebrero 21 naman ng 8:00 PM sa The Theatre At Solaire, Parañaque City, ang isang rare one-night tribute sa golden age of Original Pilipino Music.
OPM Stars ang title ng concert party celebration na tampok sina Sampaguita, Renz Verano, Chad Borja, Rannie Raymundo, Richard Reynoso, Leah Navarro, Anthony Castelo, Gino Padilla, Jun Polistico, at iba pa.

