JERRY OLEA
Number 1 ang comedy film na Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies sa talaan ng Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.
Noong 2017 pa ipinalabas ang nasabing pelikula na pinagbidahan nina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros, sa direksyon ni Mark A. Reyes.
Nasa cast din ng movie sina Caprice Cayetano, Ryzza Mae Dizon, Angelika de la Cruz, Arthur Solinap, Archi Adamos, Kenneth Medrano, Miggy Tolentino, at Jayvhot Galang.
Bale tatlong Pinoy movies ang nasa Top 10 Movies ng Netflix PH ngayong Pebrero 11, 2024, Linggo.
Nasa pangatlong puwesto ang 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Apag, starring Coco Martin, Lito Lapid, Gladys Reyes, Jaclyn Jose, and Mercedes Cabral, sa direksyon ni Brillante Mendoza.
Nag-debut sa pangalawang puwesto ang Apag, kung saan tinanghal si Gladys na best actress sa 1st Summer MMFF noong Abril 2023.
Nasa pansiyam na puwesto ang Instant Daddy nina Jerald Napoles at Althea Ruedas, sa direksyon ni Crisanto Aquino.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix — Trip Ubusan: The Lolas vs Zombies, Ambulance, Apag, Orion and the Dark, Badland Hunters, Despicable Me 2, Home Alone, The Devil Wears Prada, Instant Daddy, at The Deep End of the Ocean.
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix — Doctor Slump, A Killer Paradox, Solo Leveling, House, Can’t Buy Me Love, My Demon, Regular Show, Four Knights of the Apocalypse, Captivating The King, at Mashle: Magic and Muscles.
NOEL FERRER
Balik-Netflix na ba talaga ang mga kababayan natin?
Nag-iibang taste din ang mga tao ngayon. Kahit luma ang mga pelikula ay mataas ang viewership.
At ang pelikulang bago rito ay nagdarahop pa rin ang kita sa mga sinehan.
Paano kaya magiging everybody happy—theater release man o streaming?
GORGY RULA
Sa tingin ko naman kasi, ang mga nanonood ngayon sa sinehan ay mga viewers din sa mga streaming service.
Kaya namimili na rin talaga sila ng mga pinapanood nila sa sinehan.
Ang mga producer na rin ngayon ay hindi na rin nakikipagsabayan sa ilang malalaking pelikula sa booking sa sinehan dahil nababawi na nila ang puhunan sa streaming service, kagaya ng Netflix.
Kagaya ng Mavx Productions na mabenta ang mga pelikula nila sa Netflix, Amazon Prime, at sa ibang streaming service.
Ginawa nang Netflix Originals ang natapos na nilang pelikulang A Journey nina Paolo Contis, Patrick Garcia, at Kaye Abad.
Hindi pa nila napagdesisyunan kung ipalalabas pa ba sa mga sinehan.
Huwag sana mangyaring mauuna na ang streaming service bago ang cinema release.
Wala pa rin kasing kumpiyansa ang producers na mababawi nila sa sinehan. Kaya doon na sila sa sureball na streaming service.
Bukas, Pebrero 12 ay ipalalabas na sa website ng Take Me To Banaue ang pelikulang ito ni Maureen Wroblewitz, kasama sina Thea Tolentino at Hollywood actors na sina Brandon Melo at Dylan Rogers.
Puwedeng bilhin o i-rent ang pelikulang ito sa www.takemetobanauefilm.com sa halagang $14.99 kapag rental at $19.99 kung bibilhin.
Sabi ng producer at director nitong si Danny Aguilar, after three months daw ay puwede na itong ipalabas sa ilang streaming service kagaya ng Netflix, at nakikipag-usap na siya ngayon.
Mahirap pa ring makipagsapalaran sa cinema release kaya salamat talaga sa Netflix, Prime, Viu, HBO Go at marami pa.
