JERRY OLEA:
Na-enjoy ko nang lubos ang The Voice of Ryan concert nitong Pebrero 17, 2024, Sabado ng gabi, sa Music Museum sa Greenhills, San Juan City.
Ito ang first major concert ng Amerikanong si Ryan Gallagher, na sa Pilipinas ginanap.
Bawat pag-awit ni Ryan ay pinalakpakan ko.
First number pa lang niya na "The Prayer," sulit na ang panonood ko sa kanya. Wala akong pagsisisi na ang concert niya ang pinuntahan ko, sa halip na ang kasabay na payanig ng Koreanong si Park Hyung Sik sa Araneta Coliseum.
Humahaplos sa puso ang medley niya habang ipina-flash sa LED screen ang pictures at videos ng mga kapamilya niya sa Amerika na tatlong buwan na niyang hindi nasisilayan.
Nakiki-sing along kay Ryan ang audience, lalo na sa pag-awit niya ng OPM songs na "Leaves," "A Friend of Mine," "Till I Met You," "Sana, Maulit Muli," at "The Warrior Is A Child."
Nalapatan niya ng sariling istilo at lambing ang bersyon niya ng mga ito. Ang himutok niya ay mahirap ang diction for these songs.
Nagpakitang-gilas din si Ryan sa paggigitara nang i-perform niya ang sariling komposisyon na "Learn How To Love."
Nasa New Zealand umano siya nang buuin niya ito. Napa-"Bravo!" ako sa rendition niya ng Nessun Dorma. Napakahirap awitin ng aria na ito mula sa Turandot ni Giacomo Puccini, pero tila ba effortless iyon para kay Ryan.
Nakatulong ang malikhaing lighting design, at ang mga background na ipina-flash sa LED screen, upang mas maging kaiga-igaya ang bawat bilang sa palabas.
Ang husay ng pagkakatimpla sa tatlong panauhin ni Ryan, na pawang may kaugnayan sa kanyang musical journey.
Maluwalhati ang pagsasalo nina Ryan at Lara Maigue sa "Time To Say Goodbye."
Ikinuwento ni Ryan na six months ago ay napanood niya ang isang video ni Lara, at agad siyang humanga rito kaya agad siyang nag-follow rito sa Instagram.
Kaya naman tuwang-tuwa si Ryan nang sabihan siya nina Ice Seguerra at Liza Diño na maggi-guest sa kanyang concert.
"I think I know her!" bulalas daw ni Ryan nang ipakita sa kanya ang picture ni Lara.
Sinabi naman ni Lara noong Sabado na nag-follow siya sa IG ni Ryan only two nights ago.
Pumirma ng managerial contract si Ryan sa Fire & Ice production nina Liza at Diño, at si Ice ang stage director ng The Voice of Ryan, kaya malaki ang kontribusyon ni Ice sa career ni Ryan sa ‘Pinas.
Nagulat si Ice pag-entra sa stage dahil nakabalandra sa LED screen ang pictures niya na nakapormang sundalo.
Sey ni Ice, obvious ang double chin niya sa photos, kaya ni-request niya na tanggalin na iyon.
Tinawag ni Ryan si Ice na “Ice Sa Guerra,” kaya pala iyong pictures ni Ice ay tipong makikipaggiyera.
Kuwela ang duet nina Ryan at Ice ng "Sun and Moon" mula sa musical na Miss Saigon.

Twinning sina Ryan at Ice sa nasabing song number. Hindi ba niya kering mag-costume ng Kim?
Ang ikatlong guest ni Ryan ay ang naging mentor niya na nakilala sa Los Angeles, California, si Martin Nievera.
Todo pasalamat si Ryan sa generosity ni Ryan kay Martin. Ang duet nila ay "Kahit Isang Saglit."
Hindi masyadong swak ang blending nila. Mukhang kinulang sa praktis si Ryan.
In due time ay maibibigay niya ang tamang emosyon doon, lalo pa kung may ka-duet siya.
Tinagurian naman ni Martin si Ryan na “Ryan Tagalog-er” sa effort nitong kumanta ng awiting Tagalog.

GORGY RULA:
Halos napuno naman ang Araneta Coliseum ng mga fans ng sikat na Korean singer-actor na si Park Hyung Sik sa SIKcret Time noong Sabado night.
Si Hyung Sik ang lead actor sa bagong K-drama na Doctor Slump (2024) na hindi nalalaglag sa Top Ten TV shows ng Netflix Philippines.
Lumabas din siya sa mga seryeng The Heirs (2013), High Society (2015), Hwarang: The Poet Warrior Youth (2016-2017), Strong Girl Bong-soon (2017), Suits (2018), Happiness (2021), at Our Blooming Youth (2023).
Bahagi ang pagtitipon ng 2024 Asia Tour Fan Meeting niya sa kanyang mga “SIKcret agents”, tawag sa kanyang mga fans.
Hindi ko ganun kakilala si Hyung Sik, pero nakakatuwa siya na nakikitang mabait siyang tao. Nakikita kung paano niya na-appreciate ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga fans.
Ang maganda pa sa fan meeting ng Korean singer-actor, ang ganda ng production. Maayos ang coordination hanggang sa hi-and-bye portion niya pagkatapos ng show.
Nakakatuwa rin ang host ng show na si Janeena Chan. Ang galing niya na parang matagal na niyang kakilala si Park Hyung Sik.
Nakakaaliw ang pagtuturo niya ng maraming Tagalog words sa Korean singer-actor. Pangalawang dalaw na ito ni Park Hyung Sik sa Maynila, at nangako siya na babalik siya uli, na tingin ko, lalo pang dumami ang fans niya.
NOEL FERRER:
Parang may bagong nagpapakislot sa diwa ni Tito Jerry—ito na ngang si Ryan Gallagher na isang crooner mula sa ibang bansa.
We’ll see how he will navigate making a mark sa Philippine entertainment scene para mas tumagal pa siya at hindi maging Tom Babauta o Dani Diovanni sa local music scene.
Ito namang si Tito Gorgy, sasali kaya sa SIKret society ng SIKret agents?
Tingnan natin kung hanggang kailan tatagal ang Doctor Slump sa talaan ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix.
Number 1 ito sa nasabing talaan noong Enero 31-Pebrero 5.
Noong Pebrero 6 ay kinabog ito ng Solo Leveling, pero bumalik ito sa top spot noong Pebrero 7-11.
Noong Pebrero 12-17 ay ang seryeng A Killer Paradox ang nanguna.
Ngayong Pebrero 18, Linggo ay number 1 na ang House of Ninjas, second ang A Killer Paradox, at third ang Doctor Slump.
Ang pang-apat hanggang pansampung serye sa Netflix PH today ay Warrior, Solo Leveling, Can’t Buy Me Love, One Day, An Incurable Case of Love, Captivating the King, at Delicious in Dungeon.
