GORGY RULA:
Ngayong Marso 10, Linggo ang inurnment kay Jaclyn Jose, 60, Mary Jane Guck sa totoong buhay.
Dumating na ang kanyang anak na si Gwen Guck na nag-aaral sa Amerika. Sinundo raw ito sa airport ng mag-amang Bo at Diego Cerrudo.
Sa paghatid sa kanyang huling hantungan, may mga iba pa kaming kuwentong naririnig na ibinahagi ng ilan sa mga malalapit na kaibigan ni Jaclyn.
May mga hinaing ang premyadong aktres sa kanyang mga anak, sa pamilya at ilang taong naging bahagi ng kanyang buhay.
Totoo bang nung nabubuhay pa si Jaclyn ay may mga sinabi raw siyang ayaw niyang pumunta sa kanyang burol?
Pero bilang paggalang na sa lahat na pamilyang nagdadalamhati, palagpasin na lang natin at hindi naman puwedeng harangin ang mga gustong makiramay, kahit naghihigpit ang mga guards na nagbabantay sa mga huling araw ng burol.
Pero tiyak na marami sa mga taong malapit sa aktres na alam ang buong kuwento at kung ano man ang saloobin at dala-dala pa ni Jaclyn bago siya pumanaw.
Kapag patay na ang tao, wala nang hindi magagandang kuwento tayong naririnig, kundi pawang papuri at pagpupugay sa kanya.
Iyon ang sinasabi ng ilan na kesyo hindi nila type iyong mga nag-eulogy dahil wala nang silbi iyon, patay na iyong tao. Naririnig pa ba niya iyon?
Maaring isa rin ito sa mga napagtanto ni Vice Ganda nang nagsalita siya sa It’s Showtime tungkol sa pagpapahayag ng pagmamahal natin sa isa’t isa.
May opinyon si Vice na habang nabubuhay pa tayo, mas mabuting sabihin na natin ang ating nararamdaman sa taong mahal natin.
Ang sabi niya, habang buhay pa tayo, mas mabuting sabihin na natin ang ating nararamdaman sa isa’t isa.
Kaya napapag-usapan na raw nila ni Anne Curtis na parang type daw niyang magpa-eulogy habang buhay pa sila.
Ani Vice, “Sinasabi ko nga kay Anne, e. Parang gusto kong magpa-eulogy. Sabi niya, ‘Bakit ang morbid mo?’” bulalas ni Vice Ganda sa segment nilang Expecially For You ng It’s Showtime noong Biyernes, March 8.
“Hindi, kasi pag eulogy, yung namamatay, yung malalapit sa iyo na tao, pamilya mo, best friend mo, ang dami nilang sinasabing magaganda tungkol sa iyo.
“Naririnig ka pa ba nila? E, patay ka na, e. Hindi ka na nila maririnig. Bakit hindi natin sabihin sa mga espesyal na okasyon, pag birthday, di ba?
“Mag-inuman tayo, tapos saka natin sabihin yung mga gusto nating sabihin sa isa’t isa, yung masasarap sa pakiramdam.
“Bakit mag-aantay tayo ng eulogy? Kasi pag ginagawa natin yun, there are so much love left unspoken, di ba? Ang daming pagmamahal na hindi nasasabi. Tapos, sasabihin na lang pag kailan patay?
“Bakit hindi natin sasabihin pag birthday, di ba…pangkaraniwang okasyon. Kasi nga hindi natin hawak ang bukas.
“So dahil hindi natin alam kung masasabi pa natin ito bukas, sabihin na natin ngayon,” saad ni Vice na inaayunan naman ng mga co-hosts niya.
Marami ang nakakaisip ng ganun, na maganda ngang gawin na natin iyan habang nabubuhay pa tayo. Pero bahagi ng hanash ni Vice Ganda, may pitik naman siya sa mga reporters, na tila pinatutungkulan nito ang mga entertainment press.
“Ako kasi parang… gusto, hangga’t buhay ako ma-enjoy ko yung puwede kong ma-enjoy kasi pag wala tayo, hindi na natin mai-enjoy iyan.
“Ang dami nating sinasabing hindi magaganda sa isa’t isa. Bakit hindi natin i-try ng magsalita ng magaganda, di ba?
“Diyos ko! Iyong parang sa mga news, iyong mga reporter, pag buhay ka, kung anu-anong sinasabi sa iyo, di ba, ng mga reporter?
“Pero pag namatay ka, ano iyan, the legend in Philippine showbiz, an icon, one of the best. Sus! Pero nung nabubuhay, kung anu-anong tsismis ang sinulat mo, di ba?
“Let’s talk about love, speak about love, speak of love, speak for love, speak with love, speak to love, at kung ano mang preposition yan basta may love, di ba?”
JERRY OLEA:
Sa MMFF 2017 official entry na Deadma Walking, may taning na ang buhay ni John (Joross Gamboa).
Sa tulong ng best friend niyang si Mark (EA Guzman), pineke ni John ang kanyang pagkamatay upang masaksihan ang eulogy sa kanya ng mga kapamilya at kaibigan.
Ang twist, nauna pang nategi si Mark kay John.
Tsura ng Pahiram ng Isang Umaga (1989) kung saan pinaghahandaan ng terminally ill na si Juliet Espiritu (Vilma Santos) ang kanyang pagpanaw, pero nauna pang yumao ang isang kapamilya.
Cannes Best Actress si Jaclyn Jose para sa Ma’ Rosa (2016), pero dedma ang karamihan ng Pinoy moviegoers nang ipalabas iyon sa mga sinehan.
Sinu-sino lang ba ang dumalo sa Cinemalaya premiere ng Call Me Alma noong Agosto last year sa PICC?
Matamlay din sa takilya ang 1st Summer MMFF entry na Apag, pati ang MMFF 2023 entry na Broken Hearts Trip.
Tampok si Jaclyn sa mga pelikulang iyan.
Kasama si Jaclyn sa cast ng horror movie na Poon ni Direk Adolf Alix Jr. Ayon sa aming source, may one day shoot pa dapat doon si Jaclyn.
Nag-cameo si Jaclyn sa pelikulang Pieta starring Nora Aunor, Alfred Vargas, and Gina Alajar, na si Adolf din ang direktor.
Nawa’y suportahan ng mga manonood ang mga pelikulang ito kapag itinanghal na.
NOEL FERRER:
Dati ko pang gustong magka-Living Eulogy Ceremony. May basbas pa nga iyan ni Bishop/Cardinal Chito Tagle. Pero parang ang mga kababayan natin ang hindi pa gaanong handa sa ganitong ritwal.
Kaya very modest ang pakay ko na isang libro na lang na may sagot na thank you sa mga susulat.
Kaya naman, nag-stick sa akin yung Facebook shout out ni Edu Manzano kahapon na “Everything you say in funerals should be said at birthday parties instead. We leave so much unspoken.” from @justmadhu .
Godspeed, Miss Jaclyn Jose!
Awat na sana muna ang mga dead sa ating industriya. Pero heto at kakayao raw ni Tito Ernie Duque. Our condolences.
