GORGY RULA
Nagulat si Danita Paner nang tinanong siya namin tungkol sa guwapong non-showbiz boyfriend niya na isinama sa Family Feud nung nakaraang linggo.
Nag-promote doon si Danita ng pelikula niyang Pagpag 24/7 kasama ang ate niyang si Tina Paner at nabanggit na non-showbiz boyfriend niyang si Raph Ian Hernandez.
Nakatsikahan namin ang aktres sa programa namin sa DZRH nung nakaraang Huwebes, March 15, 2024, at kinulit namin sa kanya itong boyfriend niya.
Ang intro kasi ni Tina ay ang kanyang "future brother-in-law" raw. Natawa si Danita na parang kinikilig din nang tinanong namin kung may balak na ba silang pakasal.
“Ay hindi pa po. Na-shock din ako sa intro ni Ate. Alam mo naman si Ate,” bulalas ni Danita.
Sinundan namin ng tanong, sakaling mag-propose na ito sa kanya, ready na ba siyang pakasal?
“Oh, yes.” pabulong niyang sagot sa amin na parang kinikilig pa rin.
Sabi ni Danita, parang type din daw nitong boyfriend niya na pasukin ang pag-aartista, pero may ibang propesyon ito at isa rin pala itong pulitiko.
“Nasa real estate ang kanyang business at kagawad din po siya sa Horseshoe sa QC. Gusto nga mag-artista. Sabi ko, huwag na, hindi puwede.
“But he’s very handsome and very nice. Maganda yung puso niya,” dagdag niyang pahayag.
Proud siya sa kanyang boyfriend na ang cute naman talaga. Abangan na lang daw namin dahil irarampa raw niya ito sa premiere night ng Pagpag 24/7 sa Lunes, March 18.
Sa Huwebes, March 21 mapapanood ang episode nina Danita at Tina Paner sa Family Feud kung saan ay makakalaro nila si Donita Rose.
Sa Lunes ay sina Marian Rivera at ang cast ng My Guardian Alien ang maglalaro bilang pagsisimula ng second anniversary celebration ng Family Feud.
Sa Martes, March 19 ay sina Ricci Rivero kasama ang dyowang si Leren Mae Bautista ang maglalaro kalaban ang Running Man Philippines 2 cast.
Sa Miyerkules, March 20 naman ay ang masayang kulitan ng team ni Tessa Prieto kalaban ang team ni Juana Change.
At sa Biyernes, March 22 naman ay ang Sparkle 10 versus Walang Tulugan reunion.
Bahagi ito ng campaign ng GMA-7 na Basta Sama-Sama… Best Time Ever.
JERRY OLEA
Ready na rin naman si Danita na mag-asawa kung gusto na niya. Maaring isa na rin ito sa dahilan kaya humiwalay na siya sa kanyang magulang.
Kumuha siya ng condo unit at solo na siyang namumuhay.
Siyempre, hindi ganun kadali ang paghihiwalay nila ng Mommy Daisy Romualdez niya.
“Actually, late na ako humiwalay sa bahay namin. Mga early thirties na ako humiwalay.
“Siyempre si Mommy, meron kaming moment na parang pang-MMK na parang pang-Face to Face na. Hindi ko alam kung galit ba siya o malungkot.
“I think that’s normal for a mom, and kailangan ko rin naman siyang gawin for myself,” saad ni Danita.
Pero botung-boto pala si Mama Daisy dito sa boyfriend ni Danita.
“Magaling po siya makisama. Siya talaga yung nag-e-effort na kitain si Mommy.
“So, si Mommy, patay na patay sa kanya. Kasi, malambing, karinyoso. Okey naman,” sabi pa ni Danita Paner.
NOEL FERRER
Aminado si Danita Paner na hindi ganun kadali sa kanya ang mamuhay nang mag-isa. Wala raw siyang helper, at siya raw talaga ang gumagawa ng lahat sa bahay.
Pero okey na rin daw ito, dahil magandang training na rin daw ito sa kanya.
“Una, exciting,” bulalas ni Danita. “Nung nandun na ako, parang meron akong... parang nagkaroon ako ng 6 months na medyo na-depress ako. Kasi, sanay ako na may kasama.
“Umaga pa lang, maingay na yung mommy ko, di ba? So, nanibago ako sa katahimikan. Siya yung human alarm clock namin sa bahay.”
Nagiging independent na raw siya ngayong mag-isa na siya.
“Totoo po yan! Ewan ko ba ang bata, parang nagmamadali tayong tumanda. Pag naabot na natin yung age na yun, gusto naman natin bumalik sa pagkabata.
“Mahirap. Pero nakasanayan ko na rin. At least medyo confident na ako na di gaya dati na halos galaw ko, may assistant, may driver.
“So, medyo masarap din ang pakiramdam na kapag nawala sila, hindi yung parang naputulan ako ng paa. May certain confidence na binibigay sa akin yung pagiging independent.”
