NOEL FERRER:
Pagkatapos ng record-breaking success ng 49th Metro Manila Film Festival, ngayon na lang ulit naka-constitute at nag-meeting ang bagong MMFF Execom na ang bagong members lang ay ang Mayor ng Manila Honey Lacuña-Pangan na siyang host city ngayong taon, at si Rica Arevalo na siyang OIC ng Film Development Council of the Philippines na malakas ang ugong na si Direk Joey Reyes ang napipintong magiging incoming Chair, harinawa.
Opo, sa Lungsod ng Maynila ibabalik ang MMFF on its 50th edition. Ang parada ay gaganapin sa Dec 15 sa iba’t ibang lugar sa Maynila, at ang awards night nama’y ibabalik sa Metropolitan Theater kung saan naganap ang unang Gawad Parangal.
Ang deadline ng scripts ay sa June 14. Mamimili ang Selection Committee ng unang apat na official entries based on the scripts na ihahayag sa July 1.

Samantala, para sa finished film submission, ang deadline ay sa September 30 at ang announcement ng final 4 ay gaganapin sa October 15.
The festival will run, as usual, from December 25 until January 7.
JERRY OLEA:
Maraming activities ang nakaline-up para sa 50th Anniversary ng MMFF.
Ibabalik ang Short Film Caravan na siyang nagtuturo sa mga estudyante kung paano gumawa ng mga maiikling pelikula, at ibabalik na rin ang Students Short Film competition na katulad ng naganap bago magpandemya, ipapalabas ito ka-back-to-back ng official feature length entries ng MMFF.
Meron ding Sine Singkwenta kung saan bibigyang pugay ang mga pelikulang galing sa MMFF. Katuwang sa napakagandang proyektong ito ang FDCP, CEAP (alyansa ng mga Theater Owners and Operators) at ang Mowelfund na sana’y mapanood ang mga MMFF Classic sa halagang P50 lang at may educational component pa na TalkBack ang mga audiences kasama ang mga artista at mga filmmakers.
May inihahanda ring libro on the 50 Colorful Years of the MMFF at isang napipintong reunion ng lahat ng mga naging kalahok at nanalo ng mga gawad.
Pero ang core talaga sa pagdiriwang ng 50th Edition ng MMFF ay ang magagandang pelikula at pinakamalalaking artistang pinaghahandaan na ang kanilang prospective entries na ihahain at sana, tangkilikin ng mga manonood hindi lang dito sa ating bansa, kundi pati na sa labas ng Pilipinas.
GORGY RULA:
Ang taas ng expectations ngayon sa 50th year ng MMFF.
Inaasahan nilang lalagpasan nito o kahit pantayan man lang ang halos isang bilyong pisong kinita ng sampung pelikulang kalahok sa 49th MMFF kung saan topgrosser ang Rewind.
Pero sana, mababalanse naman ang box-office results, hindi iyung sa isa o dalawa lang na malalakas na pelikula.
Nagsisimula na kasi ang karamihang movie producers at talagang pinapaganda nila.
May ilan na kaming naririnig na nagsisimula na, pero ayaw nilang magpa-pressure na umabot ito sa deadline.
Ang mas gusto nila ay maganda ang kalalabasan ng pelikula.
Ang gusto ko sana i-suggest sa Executive Committee ng MMFF, ayusin nila at pakialaman na siguro nila ang Manila International Film Festival sa Los Angeles, California.
Ang dami ko pang naririnig na kuwento sa naturang filmfest sa Amerika na ang dami raw pumapel at hindi nabigyan ng tamang atensyon ang mga totoong taong nag-handle nito.
Totoo bang marami na ang interesadong humawak nito, para sila naman ang bibida sa susunod na Manila International Film Festival?
Inaasahang magaganda at iyung may matutunan ang mga kabataan sa mga pelikulang kalahok sa taunang MMFF.
