GORGY RULA:
Dahil sa magandang ratings ng It’s Showtime, posible kayang ma-extend na ang 6-month contract na pinirmahan nila?
Iyun ang kinukulit ng ilang netizens kapag nagpo-programa kami sa DZRH, kung totoo bang anim na buwan lang ang pinirmahan ng It’s Showtime sa GMA-7.
Iyun ang isa sa kumakalat na kuwento kaugnay sa collaboration ng GMA-7 at It’s Showtime.
Hindi lang daw ang It’s Showtime ang programang mapapanood sa GMA-7 kundi may kasunod pa. Totoo bang sa Kapuso Network na rin mapapanood ang Pinoy Big Brother (PBB)?
Ang isa sa kuwentong nakarating sa PEP Troika, hinihingi raw ng ABS-CBN ang third slot ng GMA Telebabad. Ito ang timeslot dati ng Unbreak My Heart at kasalukuyang oras ito ng Asawa ng Asawa Ko.
Pero ang daming naka-line up na drama series na nakatakdang simulan ng GMA Entertainment TV at ng GMA News and Public Affairs.
Halos lahat na sisimulang programa ay ilulunsad ang mga promising stars ng Sparkle ng GMA Artist Center.
Ilan sa naka-line up at nagti-taping na ay ang Shining Inheritance kung saan ilulunsad ang bagong tambalang Kate Valdez at Michael Sager.
Ganundin ang Forever Young na pagbibidahan ng magaling na batang si Euwenn Mikael at kabilang dito si Althea Ablan at ang Sparkle Teen na si Princess Aliyah, ang ka-loveteam ni Bryce Eusebio.
Tuluy-tuloy na rin ang taping ng Mommy Dearest kung saan ay susubukan ang bagong tambalan nina Shayne Sava at Prince Carlos, ang dating basketball player ng St. Benilde.
Si Shayne ay dating ka-loveteam ni Abdul Raman. Susubukan na naman siya ngayon kay Prince Carlos.
Si Kate Valdez ay sinubukan ding maka-loveteam ni Kelvin Miranda. Ngayon ay titingnan nila kay Michael Sager.
Muling susubukan sa isang malaking drama series ang tambalang Sofia Pablo at Allen Ansay. Sila ang magbibida sa sisimulang drama series, ang Prinsesa ng City Jail.
Maganda naman itong ginagawa ng GMA-7 na binibigyan ng break sa magagandang show ang kanilang homegrown talents.
Makakatulong kaya sa kanila kapag pumasok naman sa GMA-7 ang mga content ng ABS-CBN na pinagbibidahan ng mga sikat nilang artista? Ano ang opinyon ninyo rito, mga ka-Troiks?
Read: Kapamilya and Kapuso with similarities pair up in It’s Showtime segment
NOEL FERRER:
Ang isa pang maganda sa mga ginagawang drama series ng GMA-7 ay mga competent actors din ang sumusuporta sa mga Sparkle talents kagaya nina Eula Valdez, Alfred Vargas at Michael de Mesa sa Forever Young.
Sina Coney Reyes, Glydel Mercado at Wendell Ramos naman sa Shining Inheritance.
Sa Prinsesa ng City Jail ay kasama rin sina Beauty Gonzalez, Dominic Ochoa at Kempee de Leon.
At sa Mommy Dearest ay mga bigatin din ang kasama ng mga Sparkle stars na sina Amy Austria, Camille Prats at Katrina Halili.
Read: Carl Guevarra of The Juans opens up about past heartbreaks with a celebrity friend
JERRY OLEA:
Inilalampaso ng It’s Showtime ang Eat Bulaga! sa Game of Ratings!
Sa pag-ariba ng It’s Showtime sa GMA, tumaas ang ratings ng mga panghapong drama series, maging ng pre-programming na Tiktoclock.
Biruin mo, noong Abril 8, Lunes ay mas mataas pa ang rating ng Tiktoclock na 4.4%, kumpara sa Eat Bulaga! na 4.3%. NKKLK!!!
Totoo ba ang naulinigan ng PEP Troika na ikinakasa na ang next teleserye na collab ng ABS-CBN at GMA-7, kung saan magtatambal si Gerald Anderson at ang isang Kapuso actress? Abangan!!!
Read: It's Showtime, patuloy ang pamamayagpag sa ratings mula nang umere sa GMA-7
