JERRY OLEA
Isinumpa ng isang line producer ang talent manager ng isang premyadong aktor.
“Chuchukchakin ng karma ang hayup na iyan!” tili ng line producer.
Ano kamo ang nangyari at sumisingasing ang ngitngit ni line produ kay talent manager?
May movie project kasi si line produ. Interesting ang material na hango sa isang controversial personality.
Pakiwari ni line produ, perfect choice ang premyadong aktor na alaga ni talent manager para magbida sa naturang pelikula.
Chinika ni line produ si talent manager. Ipinaliwanag ni line produ ang mga bagay-bagay kaugnay sa proyekto.
Ang sagot ni talent manager, kakausapin niya ang alagang premyadong aktor. Makalipas ang isang linggo, nag-follow up si line produ kay talent manager.
Tila pinagsakluban ng langit at impiyerno si line produ.
Ang sey ni talent manager, mas gusto raw niyang makipag-usap sa executive producer ng movie. Ayaw na raw makipag-deal ni talent manager kay line produ.
Himutok ni line produ, “Didiretso na raw siya kay executive producer para i-suggest na dalhin sa isang malaking film production ang movie dahil bongga ang material.
“Gusto niyang palitan ang direktor at ibang production staff, kabilang ako na naglapit ng project para sa alaga niya.”
Sinusulot ni talent manager ang pagiging line producer ng movie?
“Sumpa ng kapreng bungi! Hindi man lang niya naisip na ang daming taong mawawalan ng trabaho sa gusto niyang mangyari!” talak pa ni line produ.
“Tuso sa dilang tuso! Kampon ng kadiliman! Hindi man lang niya naisip na matagal nang nagpakahirap ang mga staff na ito, tapos tatanggalan niya ng trabaho?!”
Kaya hindi na nila kukunin ang premyadong aktor na alaga ni talent manager. Naghahanap na sila ng kapalit nito.
NOEL FERRER
Ayyyyy, may ganoon?
Puwede bang gawin ng talent manager yun? Or malamang, may blessing ng premyadong aktor ang ginawa ng talent manager?
Ayan tuloy, nawala ang project sa kanila. Baka siguro hindi para sa kanila ang pelikula.
Nakakaawa lang na kailangan pang dumaan ang lahat sa ganitong proseso.
GORGY RULA
May ilang horror stories na akong naririnig tungkol sa talent manager na ito.
Na-trauma na ang ilang nakausap namin na gusto sanang kunin ang artistang hawak ni talent manager. Never na raw!
As in ayaw na raw talaga nilang katransaksiyon si talent manager dahil nahihirapan sila. Sinusunod daw nila ang demands nito, pero meron pa ring diperensiya, kaya mabuting hindi na lang nila ito kausapin.
Kapag may ilang artistang gusto nilang kuning endorser, at itong si talent manager ang kakausapin, hindi na nila itutuloy. Ibang talent manager na lang daw ang kausapin.
Pero nakikita ko ang ilang artista nito na meron pa ring ine-endorse na produkto. Baka depende rin siguro sa kausap.
Hindi kaya namimili lang siya ng gustong katransaksiyon?
Related Stories:
- Showbiz personality, siningil ng dating karelasyon sa mga ginastos nito sa kanya
- Showbiz personality, baon sa utang dahil sa bisyo; hindi sumisipot sa trabaho
- Personality, napaka-dramatic ng exit: "Pinalayas at kinaladkad sa labas."
- Mabait at magalang na showbiz personality nag-meltdown sa isang hotel
- Aktres, sinasamantala ang libreng publicity dahil sa kinasasangkutang controversy
