JERRY OLEA
Nakatakda sa Abril 30, 2024, ang operation ni David Licauco para sa sleep apnea.
Ang sleep apnea ay sleeping disorder kung saan habang natutulog ang isang tao ay paulit-ulit siyang tumitigil sa paghinga. Kung malakas maghilik ang isang tao at nakakaramdam ng pagod sa kabila ng buong gabing pagtulog, maaaring may sleep apnea siya.
Read: David Licauco: "If hindi ako magising... feeling ko mamamatay ako."
“Sana gumaling, di ba? Kasi hirap na hirap na ako, e,” sabi ni David sa mediacon ng pelikulang G! LU noong Abril 17, Miyerkules, 2024, sa Kao Manila, Newport World Resorts, Pasay City.
Matagal nang may sleep apnea si David. Nag-umpisa raw iyon noong 16 years old siya.
Mabilis ba iyong operasyon na gagawin sa kanya?
“Yung sa akin, ang gagawin lang, parang radio frequency. Parang susunugin yata yung part ng nose ko sa loob,” pagmumuwestra ng 29-anyos na Pambansang Ginoo.
“So, para mas may malaking airway, di ba, yung breathing room ko.”
Bakit natagalan bago ipaopera niya ang sleep apnea?
“Kasi before, ang alam ko kasi, yung operation, dapat talagang one month yung recovery,” lahad ni David.
“When I got myself checked up siguro a week before I left for Canada, sinabi na meron palang procedure na ano lang… puwedeng 15 minutes lang yung procedure.
“Tapos yung down time, one day lang. Pero kasi, RF [radio frequency] yun. So, yun ang gagawin ko.
“Hopefully makatulong. Kung hindi… dead na tayo!” pagbibiro pa ni David.
Sa Abril 24, Miyerkules, nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang G! LU.
Sa official poster ng pelikula, magkakahilera at magkakasinlaki ang pangalan ng anim na bidang lalaki.
Ang pagkakasunud-sunod ng mga pangalan ng mga bida sa poster — David Licauco, Teejay Marquez, Derrick Monasterio, Kiko Estrada, Enzo Pineda, and Ruru Madrid.
May “and” bago ang pangalan ni Ruru.

GORGY RULA
Inamin ni David Licauco nakababa ang zipper ng pantalon niya sa recent concert ng Sparkle artists sa Canada.
Read: David Licauco reacts to rumor Sparkle Canada show flopped
“Yung zipper ko, nakalimutan ko. Kasi nagmamadali kami. Saka medyo sakit ko rin na nakakalimutan kong isara,” sambit ni David.
Hindi na siya nagta-tuck ng pang-itaas?
Natatawang sey ni David, “Minsan nakakalimutan ko talagang mag-zipper! Nagmamadali, e. Kailangan ko siyang malagay sa habit.”
Chillax si David na nakalimutan niyang mag-zipper, at na-post ang video niyon online.
“Actually wala naman akong pakialam. Pero OK, nangyari. Actually, sila ang worried para sa akin. Sabi ko, ‘Hindi, OK lang. OK lang.’
“Ayaw masara, e,” kaswal na sambit ni David.
NOEL FERRER
Ang G! LU ay kuwento ng anim na magbabarkada na kung tawagin ay Valley Boys Crew (VBC). Nagliwaliw sila sa La Union.
“Barkada kami, and each and everyone of us, meron kaming tina-tackle na problems. From love to family to gender issues and mental health issues,” saad ni David.
“So I think the GenZs and the millennials now will be able to relate dito sa movie na ito.
“And ayun, I’m super-excited. This is my second movie na ginawa, and I think ito yung movie na naging close ko sina Enzo, sina Derrick.
“Now I’m super close with Derrick dahil sa movie na ito, pati na si Enzo na tinuturuan ako kung ano yung ‘relate,’ di ba?”
Yayamanin ang karakter dito ni David na si Patrick.
Ang G! LU ay idinirek ni Philip King, at tampok din dito sina Pinky Amador, Michelle Dee, Katarina Rodriguez, Chanel Morales, Maureen Montagne, Sophia Senoron, Ali Forbes, Carl Guevarra, Ken Anderson, at Denver Hernandez.
Joint venture ito ng ALV Films, Benchingco Films, at Rein Entertainment.
Ang ALV Films ang nagprodyus ng pelikulang After All nina Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda, na ipinalabas noong Pebrero 28.
Hopefully ay mai-release naman ng ALV Films sa Hunyo ang pelikulang My Stepmother’s Lover starring Sunshine Cruz, Kiko Estrada, and Martin del Rosario.
