GORGY RULA
Excited ang TV host at manunulat na si Ms. Cory Quirino sa Mutya ng Pilipinas 2024 dahil nakipag-collaborate sa kanila ang A Team ni Ogie Alcasid.
Isa ito sa in-announce ni Ogie sa trade launch ng A Team nung nakaraang linggo.
Si Ms. Cory ang president at national director ng Mutya ng Pilipinas.
Read: Streetboys, siguradong kumpleto sa kanilang reunion concert

Nang makausap ng PEP Troika si Ms. Cory sa gala night ng Rotary Club of Aseana Manila noong Sabado, Mayo 25, 2024, ay nagkuwento siya tungkol dito.
“Magkakaroon ng collaboration ang A Team ni Ogie Alcasid sa Greenlight Productions naman ng Mutya ng Pilipinas at CWC. Yung CWC ay ang may-ari ng Mutya, kay Fred Yuzon.
“Natuwa po kami dahil magkakaroon ng magandang collaboration,” pakli niya.
MUTYA NG PILIPINAS 2024
Sa September 6 ang coronation night ng Mutya ng Pilipinas 2024, pero may tatlong preparasyon daw sila sa official candidates at surprise ang gagawin dito ng A Team, sabi ni Ms. Cory.
Ang hihiranging Mutya ng Pilipinas ay lalaban sa Miss Intercontinental 2024 na napanalunan noon ni Karen Galman.
Pipili rin daw sila ng magiging pambato natin sa Miss Tourism International, Miss Environment, at Miss Filipino Overseas Communities.
May bago silang title na Miss Chinese World.
“Bagong competition ito, but you have to be of Chinese origin. Filipino Chinese,” sambit ni Ms. Cory.
May konek kaya itong pagpili nila ng Miss Chinese World sa gitna ng tunggalian ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea?
“You know, it was a good competition, and the girls are good standing. At walang pulitika sa beauty pageant.
“Ang unang candidate po na pinadala namin ay si Ms. Anni Uzon na dating Miss Chinatown. Siya ang nanalong title sa Miss Chinese World that was held in Malaysia,” saad ni Cory Quirino.
View this post on Instagram
NOEL FERRER
Ang Mutya ng Pilipinas ay ibang-iba sa pagpili ng Miss Universe Philippines na bukas para sa lahat, na walang age limit, at puwedeng sumali ang mga transwoman at married na.
Puwedeng sumali sa Mutya ng Pilipinas ang edad 18 hanggang 26 years old.
Sabi ni Ms. Cory, meron silang sinusunod na rules sa mga sasalihan nilang kumpetisyon sa ibang bansa.
“Depende sa mga titulo na hawak namin, e. You have to follow their rules.
“Merong age limit, kahit walang height requirement. Pero alam naman natin sa mga beauty pageants na matatangkad ang hinahanap nila,” dagdag ni Ms Cory.
Naintindihan naman daw niya ang mga pagbabago sa Miss Universe Philippines.
“Ngayong panahon ng diversity, inclusivity, I think I understand where they’re coming from.
“Para sa akin, I feel that a beauty pageant should be only for those who are natural born Filipina, natural born women, and natural born female, and also for single women.
“At para sa mga may asawa na, o nag-asawa na, they have their own pageants,” sabi pa ni Ms. Cory.
Read: Miss Universe scraps age restrictions; women of all ages can now join the prestigious pageant
JERRY OLEA
Ang Miss World ang oldest existing international pageant. Nilikha ito ni Eric Morley noong 1951.
Ang unang Miss Universe ay ginanap noong 1952, at ang unang Miss International ay ginanap noong 1960.
Sa larangan ng timpalak kagandahan ay Big Three ang Miss World, Miss Universe, at Miss International.
Ang Miss Earth na nag-umpisa noong 2001 at nakabase sa Pilipinas ay panay-panay ang pralala na pang-apat sa Big Four sa lipon ng beauty contests.
OTHER BEAUTY PAGEANTS
Andami pang ibang mga timpalak. Kung anu-anong title ang pinaglalabanan.
Iyong Miss Intercontinental ay 1971 ang formation.
Ang Miss Globe ay 1974 nagsimula, at iba ito sa The Miss Globe na 2004 nabuo, ganoon din sa Miss Global na 2013 naman na-establish.
Ayon sa Wikipedia, ang ilan pang ongoing beauty pageants at taon ng kanilang first edition ay World Miss University (1986), Miss Model of the World (1988), Reina Hispanoamericana (1991), Top Model of the World (1993), at Miss Tourism International (1994).
Andiyan din ang Miss Aura International (2006), Miss United Continents (2006), Miss Tourism Metropolitan International (2007), Miss Supranational (2009), Miss Supertalent (2011), Miss Scuba International (2011), Face of Beauty International (2012), Miss Grand International (2013), Miss Eco International (2015), Miss Cosmo World (2017), Miss Multinational (2017), Miss Progress International (2017), Miss Polo International (2018), Miss Glam World (2018), at marami pang iba.
Sa mga nagtatanong kung relevant pa ba ang beauty pageant sa panahon ngayon, ang sey ni Evangeline Pascual, noong first quarter pa lang ng 1970s ay itinatanong na iyan. Kanya-kanyang trip, ika nga.
