GORGY RULA:
Natatawa si Cavite Second District Representative Lani Mercado nung huli naming nakatsikahan dahil ang recess nila ngayon sa Kongreso ay natuon sa pagiging caregiver niya kay Senator Bong Revilla.
Marami ang nakapansin na parang mabilis ang paggaling ng actor-politician sa inoperahan nitong Achilles tendon. Bahagyan napunit iyon sa isang running scene na ginawa ng senador.
Nakadalo pa ito nung Lunes, June 3, 2024, sa Malacañang kung saan pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang "Kabalikat Sa Pagtuturo Act" na si Senator Bong ang principal author sa Senado.
Gamit lang ni Senator Bong ang mobility scooter, medyo napapadali sa kanya ang pagkilos, suot ang parang malaking boots na tinatawag niyang "robocop."

Pero sabi ni Cong. Lani, medyo matatagalan pa raw ang pagpapagaling ni Sen. Bong. Kaya matatagalan din daw ang pagiging caregiver niya.
"Ang pagiging caregiver ko ay matatagalan pa. Kasi medyo three to five months pa ang kanyang recovery period sa paglalakad," napapangiting pahayag ni Cong. Lani.
Malaki naman daw ang in-improve ng inoperahan sa paa. Kaya naniniwala silang tuluy-tuloy na ang paggaling nito.
"We’re taking it one day at a time kasi medyo mabigat yung kanyang recuperation, kasi halos every day may physical therapy siya.
"Improving naman. So far, so good. Medyo na-delay lang kami ng konti, pero okay naman," dagdag niya.
Read: Lani Mercado at Bong Revilla, nagbigay-pugay kay Carlo J. Caparas
JERRY OLEA:
Thankful si Sen. Bong dahil kahit nagpapagaling pa siya, natupad na rin ang matagal na niyang pinu-push na batas para sa mga guro, itong "Kabalikat sa Pagtuturo Act."
Malaking kagaanan ito sa ating mga guro na magiging PHP10,000 na ang kanilang "chalk allowance" simula sa susunod na taon.
"Nagpapasalamat na rin tayo sa lahat na naging kasangga at kakampi natin para maabot natin ang pangarap na ito. Sa aking mga kasamahan sa Senado, lalo na sa mga co-authors.
"Nagpapasalamat din ako sa ating mga kasamahan sa House of Representatives for joining us in our fight for the passage of this measure.
"Panalo ito ng buong sektor ng edukasyon," saad ni Sen. Bong.
Read: Senator Bong Revilla, nag-medical leave sa Senado
NOEL FERRER:
Sabi pa ni Cong. Lani Mercado, tanggap na rin daw ni Sen. Bong na hindi na muna itutuloy ang comeback movie nitong Birador: Alyas Pogi 4.
Gagawan daw sana ng paraan kung paano nila gawin ang mga action scenes nito, pero ang gusto raw ni Sen. Bong ay siya mismo ang gagawa ng mga stunts.
Kaya hintayin na lang daw na tuluyan nang gumaling ang operasyon nito.
"Medyo nai-shelve muna yung Alyas Pogi, yung kanyang pagbabalik pelikula. Kasi ayaw niyang half-hearted yung paggawa ng pelikula.
"Kailangan maka-recover muna siya. He wants to do… yung mga stunts, yung mga action scenes na siya yung gumagawa. So, gusto niyang maka-recover muna,” sabi ni Cong. Lani.
