JERRY OLEA
Marupok ang playdate ng pelikulang Marupok AF (Where Is The Lie?) kung saan bida sina Maris Racal, Royce Cabrera, at EJ Jallorina, sa direksiyon ni Quark Henares.
Nabalitaan ko noong una na Hunyo 19, 2024 ang playdate ng catfishing film na ito sa local cinemas.
Tapos, naurong, naging Hunyo 26. Naurong uli, at naging Hulyo 10.
Kamukat-mukat mo, noong Hunyo 18, Martes, ay nakita ko sa website ng Click The City na bumalik ito sa June 19 playdate, kasabay ang opening ng mga pelikulang Karma, Cabrini, The Bikeriders, at The Exorcism.
Kinabukasan, Hunyo 19, naka-announce sa Facebook page ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) na “Opening In Cinemas Today” ang limang pelikulang iyon, at iyong Marupok AF ay exclusive sa mga sinehan ng Ayala Malls.
Pero marami ang nagtanong kapagkuwan online, saan-saang sinehan showing ang Marupok AF?

MARUPOK AF STILL NOT SHOWING?
Noong Hunyo 21, Biyernes, ay inilabas ng MTRCB sa kanilang Facebook page ang Pribyuhan ratings for the week. Usually ay Wednesday nila iyon inire-release, pero last week ay na-delay.
PG ang rating ng Cabrini.
R-13 ang The Exorcism.
Parehong R-16 ang The Bikeriders at Karma (The New Version).
Walang inilathalang rating for Marupok AF.
Ibig sabihin, hindi natuloy ang showing nito noong Hunyo 19, Miyerkules.
ANYARE???
Ang dark thriller na Marupok AF ay opening film ng Cinemalaya 19: Iluminasyon noong Agosto 4, 2023 sa PICC.
Read: Cinemalaya 2023 opening night, box-office success!
Sa souvenir program ay nakalagay na R-16 ang rating ng dark comedy na ito.
Ang logline nito, “Inspired by a true story shared on Twitter, this coming-of-age tale narrates the travails of online dating.”
Present sina Royce, EJ, Maris at Direk Quark sa screening ng Marupok AF last year sa Cinemalaya.
ROYCE CABRERA ON MARUPOK AF
Sabi ni Royce after watching the film, “Sobrang nakakatuwa kasi finally, naipakita na rin namin sa atin, sa lugar natin sa Pilipinas iyong movie and I hope nagustuhan nila.”
Read: Royce Cabrera remembers experiencing discrimination for being a showbiz newbie
First time iyon napanood ni Royce ay sa New York Asian Fim Festival 2023 na dinaluhan nila ni Direk Quark.
Pareho raw ang reaksiyon ng Pinoy audience at foreigners. “Pati feedback, same. Kaya natuwa ako na kahit yung audience, e, most of them, foreigners, talagang naintindihan nila yun,” saad ni Royce.
“Kasi ang galing din nung nag-subtitle sa amin, e, kaya naintindihan din nila yung humor, yung atake.”
Marupok ba siya?
Napangiti si Royce, “Marupok ako. Sino’ng hindi? Ha! Ha! Ha! Hindi, joke lang. Depende naman sa sitwasyon.
“Depende kung gaano karupok. Minsan, kailangan mo talagang gamitin ang utak mo para malabanan yung pagkarupok ng damdamin.”
Kumusta ang pakiramdam niya habang pinapanood ang sex scene nila ni EJ?
“Grabe! Naghawakan nga kami ng kamay at, ‘Eto na yun! Eto na yun!’ Sabay namin itong napanood together, at talagang perfectly executed,” tugon ng Kapuso hunk actor.
“Kahit ganoon, malinis, parte ng istorya and at the same time, sa tulong nina Direk Quark kaya na-execute namin nang maayos.”
Nag-hesitate ba siya sa maselang eksena nila ni EJ?
“Hindi naman. Kasi, before naman ibato sa yo ang material, I mean, mababasa mo na yun, e,” pagmamatwid ni Royce.
“Depende lang kung paano aatakehin. E, knowing Direk Quark, aalagaan naman kami niyan.”

GORGY RULA
Kinumpirma ni EJ Jallorina last year sa PICC na hawak-kamay sila ni Royce Cabrera habang pinapanood ang harutan nila sa Marupok AF.
“Yes po! Napakagaling po niyang ka-partner sa bed scene. Malupet!” bulalas ni EJ.
Second time na iyong napanood ni EJ. Magkasama sila before ni Maris nang mapanood ang movie sa European premiere niyon sa Italy.
Ano ang reaksiyon ni EJ nang first time niyang mapanood ang movie?
“Oh my gosh! Actually kinakabahan po ako pero nung napanood ko na po nang buo, sabi ko, ‘I just love the process na ginawa ni Direk Quark dun sa pelikula namin.’
“Kasi binigyan niya talaga ng boses yung trans community. Not just me, I’m just the face. Pero yun pong mga boses behind.
“Kasi nakita nyo naman po, nandun sila sa dulo. Sila rin yung mga tumulong.”
EJ JALLORINA & ROYCE CABRERA LOVE SCENE
Kumusta ang love scene nila ni Royce?
“Ang sarap!” bulalas ni EJ.
“Ang galing ni Royce! Ang galing ni Royce… ako, personally, that’s my first na daring na scene all my life.
“To be with Royce as a screen partner is the best thing that happened to me.”
Paano siya inalalayan ni Royce?
“Sobrang careful niya. Walang tatama, char!!!” napangiting sambit ni EJ.
“I mean, yeah. That scene kasi, it was directed too by my director Rod Singh, the director of Drag Den. Together with Kuya Quark.
“So yeah, I mean yung mata ng isang trans pagdating sa mga sensitive na scene na ganun, and the depiction of it onscreen, sobrang happy ako kasi nakipagtulungan si Kuya Quark.”
Nawa’y maipalabas sa mga sinehan ng bansa itong Marupok AF sa lalong madaling panahon.
NOEL FERRER
Napanood natin ang Marupok AF sa Cinemalaya at ok naman siya. Very indie at very safe naman.
Totoo ba ang bali-balitang na-X ito? Bakit?
Dahil ba sa masturbation scene ni Maris Racal?
Ow, pride month pa naman ngayon, ito sana talaga ang magandang playdate para mapag-usapan at maproseso ang ganitong mga klaseng pelikula.
Hintayin natin kung sasagot ang mga kinauukulan.
