GORGY RULA
Dalawang linggo na lang at matatapos na ang Black Rider ni Ruru Madrid, kaya patindi nang patindi ang mga eksena sa primetime series na ito ng GMA-7.
Ipapalit dito ang Pulang Araw umpisa Hulyo 29, 2024.
Kaugnay nito, ang daming nagme-message sa amin kung ano ang paghahanda ng FPJ’s Batang Quiapo bilang pantapat sa serye nina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, Sanya Lopez, at Dennis Trillo.
Ang ganda ng feedback sa trailer ng Pulang Araw na mukhang malaking pelikula na talagang ginastusan nang husto.
Read: Pulang Araw ng GMA-7, unang mapapanood sa Netflix
GOODBYE, IVANA ALAWI; HELLO, KIM DOMINGO?
Pero pinag-uusapan na rin ang latest na mangyayari sa kuwento ni Tanggol (Coco Martin) sa FPJ’s Batang Quiapo.
Itatapat daw kaya nila rito kung sino ang ipapalit kay Bubbles, na ginagampanan ni Ivana Alawi?
Kinumpirma sa amin ng kampo ni Ivana na matatapos na ang karakter nito sa Batang Quiapo.
Ang dinig namin ay nakunan na ang last episode nito, pero ang sabi naman ng kampo ng sexy actress, kukunan pa lang daw ito.
Totoo kayang si Kim Domingo ang ipapalit kay Ivana?
Ilang araw na ring nagte-taping si Kim sa FPJ’s Batang Quiapo, pero wala kaming ideya kung gaano kahalaga ang karakter nito sa buhay ni Tanggol.
Hindi naman sinabing siya na ang susunod na leading lady ni Coco Martin.
Read: Black Rider star Gladys Reyes "invades" Batang Quiapo night at Jaclyn Jose's wake

NOEL FERRER
Lumalaban pa rin sa ratings ang Black Rider na talagang effort sila sa mga action scenes nila rito.
Noong Hulyo 8, Lunes, ay naka-14.8% ang FPJ’s Batang Quiapo, kontra sa 12% ng Black Rider.
Noong Hulyo 9, Martes, ay 15.9% ang FPJ’s Batang Quiapo, kontra sa 12.7% ng Black Rider.

WIDOWS' WAR
Ang isa sa gumaganda ang feedback ay ang sumusunod sa Black Rider na Widows’ War.
Consistent siyang mataas ang rating at pinag-uusapan din sa social media ang mga matitinding drama ng pamilya Palacios, lalo na ang kina Bea Alonzo at Carla Abellana.
Noong Hulyo 8, Lunes, ay naka-8.9% ito, habang ang katapat na Pamilya Sagrado ay 6.9%.
Noong Hulyo 9, Martes, ay tumaas sa 9.2% ang Widows' War, at ang Pamilya Sagrado naman ay 7.1%.
Noong Hulyo 10, Miyerkules, ay lalong tumaas sa 9.4% ang Widows's War, at ang katapat na Pamilya Sagrado ay 7.8%.
Nakabawi si Bea Alonzo dito sa Widows’ War kung saan siya ang mas pinupuri dahil sa magaling niyang pagganap bilang si Sam.
Read: Bea Alonzo trends on X following Widows' War premiere

JERRY OLEA
Maganda ang trailer ng Pulang Araw.
Mahihinuha mong ang palabas ay de kalidad. Pinagkagastusan. Pinagbuhusan ng pawis at pekeng dugo.
Kaya lang, mabigat ang dating. Seryoso.

Ibang-iba sa Maria Clara at Ibarra na may elemento ng pantasya sa time travel, kung saan kikay na kikay si Klay (Barbie Forteza) kumpara kay Clarita (Julie Anne San Jose).
May agam-agam ako na hindi mapapantayan ng Pulang Araw ang tagumpay ng Maria Clara at Ibarra, kung saan tila pampasuwerte si Lou Veloso bilang Jose R. Torres na propesor ni Klay.
Nag-jump na si Lou sa FPJ’s Batang Quiapo.
Si Christopher de Leon na tila lucky charm ni Ruru Madrid sa Lolong ay nasa teleserye rin ni Coco Martin.
Kapana-panabik ang mga development sa FPJ’s Batang Quiapo. Sa pagkamatay ni Pablo (Elijah Canlas), magiging kabayaran ba ang buhay ni Bubbles (Ivana Alawi)?
Bilang na ang maliligayang araw ni David (McCoy de Leon) bilang pekeng Tanggol.
Ano ang magaganap sa paghaharap ni Tanggol (Coco Martin) at ng tiya niyang si Olga (Irma Adlawan)?
Hihiwalayan na ba ni Rigor (John Estrada) ang jumper na si Lena (Mercedes Cabral)?
Mauubos na ba ang pasensya ni Marites (Cherry Pie Picache) sa asawang si Rigor?
Ano pa kayang hanash ang isasambulat ng hitad na si Roda (Joel Lamangan)?
