JERRY OLEA
Ayon sa IMDB (Internet Movie Data Base), noong Pebrero 1, 2024 nag-showing sa Indonesia ang horror film na Kereta Berdarah.
Ipinalabas ito sa mga sinehan ng Pilipinas noong Hunyo 5, 2024 with the English title na Train to Hell.
Kasabay nito ang showing sa bansa ng 1521: The Quest for Love and Freedom, Glitter & Doom, Bad Boys: Ride or Die, Goldilocks and the Three Bears: Death and Porridge, at The Watchers.
Read: Mallari ni Piolo Pascual, No. 1 Movie sa Netflix

Aba! Ngayong Hulyo 12, Biyernes, ay napansin kong mawa-watch na sa Netflix Philippines ang Indonesian horror film na The Train of Death!
Iyon din ang Kereta Berdarah aka Train to Hell!
Mahigit isang buwan pa lang ipinalabas sa local cinemas natin, available na sa Netflix!

UPCOMING PINOY MOVIES ON NETFLIX
At any rate, two consecutive days nang No. 1 sa Top 10 Movies ng Netflix PH ang horror comedy na Pagpag 24/7 kung saan bida sina Nicco Manalo at Jerald Napoles.
Noong Marso 20 ito ipinalabas sa mga sinehan ng bayang magiliw.
Read: Netflix: Pagpag 24/7, pumagaspas agad sa No. 1
Kasado na ang Netflix PH streaming ng limang Pinoy movies — Moro at 12 Weeks sa Hulyo 19; When I Met You In Tokyo sa Hulyo 29; Men are from QC, Women are from Alabang sa Agosto 1; at Lolo and The Kid sa Agosto 7.
Walang theatrical release ang Moro at Lolo and The Kid. Parehong diretso ang mga ito sa streaming platform.

Ang 12 Weeks ay isa sa sampung feature-length films na nag-compete sa 18th Cinemalaya filmfest noong Agosto 2022.

Ang When I Met You In Tokyo nina Vilma Santos at Christopher de Leon ay isa sa sampung official entries ng 49th Metro Manila Film Festival (Disyembre 25, 2023-Enero 7, 2024).

Ang Men are from QC, Women are from Alabang nina Marco Gallo at Heaven Peralejo ay nag-theatrical release noong Mayo 1, 2024.

NOEL FERRER
Naku, anong move yun?! Akala ko, may 45 days man lang bago maipalabas sa Netflix o kahit anong pelikulang naipalabas sa sinehan natin?
Kaya ba iniba ang English title ng Indonesian horror film na iyan nang ipalabas sa local cinemas?
Sa Click The City, The Train of Death ang naunang naibalitang English title ng Kereta Berdarah.
Pero nang ilabas ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) sa kanilang Facebook page ang mga pelikulang palabas sa bansa noong Hunyo 5, 2024 ay naging Train to Hell na. What the hell!
At heto ang tanong ng bayan, kumusta ang Barbie Forteza at David Licauco That Kind Of Love movie na nag-showing noong Hulyo 10, Miyerkules? (Katahimikan.)
Read: That Kind of Love, must-watch para sa BarDa fans

GORGY RULA
Nagkaroon kami ng quick tsikahan ni Rowena Jamaji, ang producer ng JG Productions na gumawa ng When I Met You in Tokyo. Tuloy pa rin daw sila sa paggawa ng pelikula.
Nabanggit niyang magne-Netflix na ang pelikula nina Ate Vi at Boyet, at meron pa silang pag-uusap sa naturang streaming service kung ano ang isusunod nilang gawin.
Gusto muna ng JG Productions na magkasundo sila ng Netflix bago nila simulan ang isang movie project.
Ganito rin ang ginagawa ng karamihan ng film producers na nakipag-usap sa Netflix o sa iba pang streaming service, para matiyak lang na bibilhin ito. Para naman may assurance silang maibalik ang kanilang puhunan.
Kaya naman gawa lang nang gawa ang producers, dahil kahit sumemplang sa mga sinehan, balik naman ang puhunan kapag maipalabas na sa Netflix.
Ang iba nga ay hindi na importanteng magkaroon ng theater showing, dahil bawi na sila sa alok ng streaming services.
Kagaya nitong That Kind of Love, inaasahan nang hindi ito titipak sa takilya, pero tiyak na mababawi nila ang puhunan sa streaming service. Doon ko na lang aabangan kung hindi ko na mahabol sa mga sinehan.
Tingnan natin kung magiging happy ang producers sa box-office result ng Pinoy movies na ipapalabas sa Ghost Month (Agosto 4-Setyembre 2, 2024).
Inaasahan nating magpapayanig sa darating na Miyerkules, Hulyo 17, ang disaster film na Twisters.
At sa Hulyo 24, nananabik ang marvelous fans sa superhero film na Deadpool & Wolverine.
