GORGY RULA
Mas tumaas pa ang rating ng Family Feud noong Lunes, Hulyo 15, 2024, nang tinapatan na ito ng pilot episode ng Wil To Win ni Willie Revillame sa TV5.
Nauna ang Wil To Win dahil alas-singko pa lang ng hapon ay pumasok na sila.
Tumaas ang viewership sa timeslot na ito dahil bahagyang tumaas ang rating ng programa sa Kapatid Network.
Read: Willie Revillame, napaiyak sa TV comeback
Sa Family Feud, naglaro sa episode si Maricel Soriano, kasama ang mga kapamilya niyang sina Mel Martinez, Mykee Soriano, at ang anak ni Willie na si Meryll Soriano.
Nakalaban nila ang pamilya ni Gladys Reyes na sina Cristophe, Janice, at Jermaine.
Ang Wil To Win ay naka-2.7%, at ang Family Feud ay naka-9.6%.
Read: Meryll at Maricel Soriano itinapat sa unang araw ng Wil to Win

Sabi naman sa research ng TV5, “Wil To Win had the highest rating performance of 5 to 6:30 block of TV5 in 2024."
Mas mataas pa pala ang rating ng Wilcome Party nito nung Linggo na inere sa TV5 ng alas-kuwatro ng hapon. Naka-3% ang rating nito.
Tumaas ang viewership sa timeslot na ito, at sana tuluy-tuloy na.
Ang mga manonood naman ang wagi sa magandang tapatan ng Family Feud at Wil To Win.
JERRY OLEA
Ang timeslot ng Family Feud ni Dingdong Dantes ay okupado before ng game show ni Willie Revillame na Wowowin Tutok Para Manalo.
Iyong GMA ratings noon ng Wowowin Tutok Para Manalo ay hindi nalalayo sa itinala ng pilot episode ng Wil To Win sa TV5.
Noon pa man ay mahigit sa dobleng rating ng Wowowin Tutok Para Manalo ang itinala ng Family Feud ni Dingdong kaya na-extend ito nang na-extend.
Hindi kataka-takang winner pa rin ang Family Feud.
Noong Hulyo 15, Lunes, ay naka-7.4% ang It’s Showtime, kumpara sa 3.5% ng Eat Bulaga!.
Ang Abot-Kamay Na Pangarap ay 8.8%, kontra sa rerun ng Dirty Linen na naka-0.6%.
Ang Lilet Matias: Attorney-At-Law ay 8.2%, kontra sa replay ng Mars Ravelo’s Darna na 0.5%.
Ang Fast Talk with Boy Abunda ay 4.9%. Ang rerun ng Voltes V: Legacy ay 4.8%, at ang Eclipse of the Heart ay 3.6%.
WIDOWS' WAR RATINGS CONTINUE TO RISE
Noong nakaraang Huwebes, Biyernes, at Lunes, nakasampa sa two digits ang Widows’ War nina Bea Alonzo at Carla Abellana. Taob ang Pamilya Sagrado ni Piolo Pascual.
Noong Hulyo 11, Huwebes, ay 10% ang Widows’ War, kumpara sa 7.3% ng Pamilya Sagrado.
Noong Hulyo 12, Biyernes ay 10.3% ang Widows’ War, kumpara sa 6.7% ng Pamilya Sagrado.
At Hulyo 15, Lunes, ay umakyat sa 10.8% ang Widows’ War, kumpara sa 6.7% pa rin ng Pamilya Sagrado.
Ispageting pataas ang ratings ng Widows’ War.
Read: Widows' War, kumusta ang rating ng pilot episode?
Needless to say, higher din ang ratings ng Asawa ng Asawa Ko over High Street.
Patapos na ang Black Rider nina Ruru Madrid at Jon Lucas, pero patuloy itong nauungusan ng FPJ’s Batang Quiapo.
Humaharurot sa ratings ang Kapamilya teleserye kung saan maiigting ang mga conflict.
Kaya nga nag-aagam-agam ako kung ano ang sasapitin ng Pulang Araw sakaling makipagsalpukan ito sa FPJ’s Batang Quiapo umpisa Hulyo 29.
Bukod sa napakabigat ng tema ng Pulang Araw, mapapanood in advance ang episodes nito sa Netflix umpisa Hulyo 26.
Read: Pulang Araw ng GMA-7, unang mapapanood sa Netflix
Oo nga’t may isyu kay John Estrada kaugnay sa pagsasama nila ni Priscilla Meirelles, pero makakasira ba iyon sa FPJ’s Batang Quiapo, considering na ang karakter niyang si Rigor ay kasama sa iisang bubong ang asawang si Marites (Cherry Pie Picache) at ang jumper na si Lena (Mercedes Cabral)?
Art imitates Life, and Life imitates Art.
E, andiyan pa ang hitad na si Roda (Joel Lamangan) na tila kilig-kiligan na rin sa tulis at kadakilaan ni Rigor?! NKKLK!!!

NOEL FERRER
Bongga si Meryll Soriano at puwede siyang tumawid-tawid ng mga network na wala nang isyu-isyu.
Sabay pa niyang na-promote ang guesting niya sa Family Feud at ang bagong show ng kanyang amang si Willie Revillame sa TV5.
Bahagi ng post ni Meryll sa Instagram noong Lunes: “WE ARE SO PROUD OF YOU, PAPA!!!
“Mamaya na ang simula ng panibagong programa para sa bayan! Dahil kayo ang bida!
“WIL TO WIN!!! Ngayong hapon na! Mula Lunes hanggang Biyernes. Mapapanuod sa TV5!
“Napakasaya ko at ng mga taong nakakaunawa na sa entablado ang tahanan ng akong Tatay. Dito siya nakakatulong at nakakapagbigay ng tunay sa serbisyo sa tao. Taos puso akong nagpapasalamat sa @tv5manila sa pagkakataong ito. At taos puso akong nagpapasalamat sa mga tao na bumubuo ng Wil To Win. Napakaganda!
“Maraming salamat sa lahat ng sumusuporta kay Papa. Kayo ang tunay na bida sa programang Wil to Win! “CONGRATULATIONS @wiltowinofficial! At sa mga bagong mga kasama na mga hosts, dancers at production... thank you from the bottom of my heart. What a great new journey for all of us!”
Go lang nang go, mas maraming option ang mga tao. Pagandahan at pasayahan na lang ng show, di ba?
