JERRY OLEA
Noong Hunyo 14, 2024, ang deadline ng pagsusumite ng script para sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Tatlumpo’t siyam (39) na script ang isinumite. Iyong pag-a-announce ng first four official script entries na itinakda sa Hulyo 1, 2024 ay naurong.
Napagkasunduan din ng MMFF ExeComm na limang script ang i-announce, kaya sampu na namang pelikula ang kalahok sa MMFF this December.
Nitong Hulyo 16, Martes, sa Bulwagang Antonio Villegas ng Manila City Hall ini-announce ang first five.
Ang mga ito ay And The Breadwinner Is…, The Kingdom, Green Bones, Himala: Isang Musical, at Strange Frequencies: Haunted Hospital.
Read: 50th MMFF entries: comedy, drama, action, horror, at musical
CHOOSING MMFF FIVE ENTRIES FROM 39 SCRIPTS
Sa open forum, tinanong ko si Tita Boots Anson Roa-Rodrigo, ang head ng selection committee, kung gaano kahirap ang pagpili ng limang entries sa lipon ng 39 scripts.
Napangiti si Tita Boots.
“Gaano kahirap? Mahirap po. Ang katuwaan nga ho pag nade-describe namin yung experience — madugo.
“Very challenging. At biruan nga po namin, e, siguro ho yung mga may astigmatism sa amin, lumala ang astigmatism.”
Napangiti ang katabi ni Tita Boots na si Atty. Romando “Don” Artes, ang chairman ng MMDA at MMFF ExeComm.

Pagpapatuloy ni Tita Boots, “Yung merong katarata, baka mapaaga. Because 39 scripts, an average of 100 pages per script, 'no.
“Hindi naman puwedeng bara-bara ang pagbasa mo dun. Susuriin mo rin yun.
“But it’s so comforting and so heartwarming to know na 39 producers took interest, went through the trouble of filing for the entry knowing that only four, and now five, would be chosen.
“Nagpapasalamat kami sa kanila, sa kanilang confidence in the industry, and their interest in the industry.”
Nakalimutan kong linawin kung ilan ba talagang producers ang nagpakita ng interes sa paglahok sa golden jubilee ng MMFF.
Naulinigan naming may producer na nag-submit ng apat na script. Meron ding script na dalawa o tatlo ang magpoprodyus.
Halimbawa, ang Vice Ganda movie na And The Breadwinner Is… ay joint venture ng ABS-CBN Film Productions at The IdeaFirst Company.

Sa The Kingdom nina Vic Sotto at Piolo Pascual, sanib-puwersa ang APT Entertainment, MZET TV Productions, at MQuest Ventures.
Ang deadline ng pagsusumite ng finished film entries ay sa Setyembre 30, Lunes ng 5:00 P.M.
Ang announcement ng next five official finished film entries ay sa Oktubre 15, Martes.
Read: Vic Sotto and Vice Ganda movies make it to MMFF 2024
GORGY RULA
Siguradong masigla ang golden jubilee ng MMFF, base sa first five entries na napili.
Comeback movie ni Vice Ganda ang And The Breadwinner Is…, na first movie rin ng MaThon tandem nina Maris Racal at Anthony Jennings.
Nasa cast din nito sina Eugene Domingo, Gina Pareño, Gladys Reyes, Jhong Hilario, Kokoy de Santos, at Via Antonio.
Fresh combination sina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual sa The Kingdom.
Co-stars dito sina Sue Ramirez, Cristine Reyes, at Sid Lucero.

Nangangamoy-best picture na naman ang GMA Pictures with Green Bones, starring Sofia Pablo and Dennis Trillo, sa direksyon ni Zig Dulay ng Firefly.

Ang GomBurZa director na si Pepe Diokno ang gagawa ng Himala: Isang Musical, starring Aicelle Santos, Bituin Escalante, David Ezra, and Victor Robinson.
Maghimala kaya ito sa takilya, o sa gabi ng parangal? Mag-back-to-back kaya si Pepe Diokno bilang best director ng MMFF?

Para sa horror fans, andiyan ang Strange Frequencies: Haunted Hospital, starring Jane de Leon, Enrique Gil, Alexa Miro, Rob Gomez, and MJ Lastimosa.

PRESSURE TO SURPASS BOX-OFFICE RECORD
May pressure ba sa MMFF ExeComm na mas malaki ang kitain ng 50th MMFF kumpara sa nakaraang filmfest na umabot sa P1.2B ang kinita mula Disyembre 25, 2023 hanggang Enero 14, 2024?
“Hindi ko naman po masasabi na pressure,” tugon ni MMDA and MMFF ExeCom Chairman Atty. Don Artes.
“Pero we’re elevating yung bar, not just sa kalidad ng pelikula, pati na rin siguro yung box office.
“We expect na itong 50th ay again magiging catalyst sa pagbalik ng sigla ng pelikulang Pilipino.
“And hopefully, kami ay umaasa na mapapabalik muli natin yung mga nanood nung nakaraang taon, at mas marami hopefully ngayong taon na ito with the movies na i-o-offer natin.
“Na sinisiguro naman po ng ating selection committee headed by Miss Boots Anson Roa-Rodrigo na magaganda talaga yung mapili, na pag-iinteresang panoorin ng ating mga kababayan.”
Sambit ni Tita Boots, “At siguro, with your indulgence, Chairman… hihingi po kami ng tulong sa mga kaibigan sa press na kung maaari po ay ipalaganap po ninyo ang impormasyon na as part of the 50th anniversary celebration, ang organization po ng theater owners ay nagbibigay-daan po para sa retrospective of the 50 films or selected films among the 50, para po sa public viewing, and only for P50.
“In this day and age, mahirap nang makapasok sa sinehan na P50. Kaya nagbigay-daan po ang CEAP, or the organization of cinema owners.
“And sabi nga po nila, siguradong lugi sila. Dapat we are very grateful to them for this cooperation.”
Ito iyong Sine-Singkwenta sa Setyembre na kaugnay sa pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month?
“Ito po, ito po yun. Ilalabas po sa select movie houses,” pagtango ni Tita Boots.
Ang tema ng MMFF50 ay “Sine-Sigla sa Singkwenta.”
Kung sa 49th MMFF ay tinatayang 800 cinemas ang pinagpalabasan ng 10 official entries, sa MMFF50 ay more or less 900 theaters ang pagpapalabasan.
NOEL FERRER
Nagulat ako na kahit nasa ibang bansa pa ako ay nagdagsaan na ang nagtatanong kung kailan puwedeng mag-submit ng finished film na considered as early bird (with a discounted entry fee).
Para sa producers na umaasang mapabilang ang kanilang pelikula sa early bird submission, you have until September 2 to be able to avail of the discount, at ma-i-schedule na agad na mapanood ng Selection Committee ang inyong mga lahok.
Basta, we wish the MMFF all the best! Sana, mas sumigla pa ang pelikulang Filipino sa Golden Year na ito ng ating taunang Holiday Film Festival!
