GORGY RULA
Pinag-uusapan pa rin sa social media, nagte-trending pa rin sa X (dating Twitter) ang GMA Gala 2024 dahil sa star-studded na pagtitipong ito na dinaluhan ng mga artista ng GMA-7 at ABS-CBN.
Ginanap ito sa Manila Marriott Hotel sa Pasay City nitong Sabado ng gabi, Hulyo 20, 2024.
Pero huli na namin nalamang meron din palang malaking selebrasyon ang Cignal TV. Ipinagdiwang nila ang kanilang 15th anniversary noong Biyernes, July 19, na ginanap naman sa Crowne Plaza sa Pasig City.
May ilang nagmahaderang ikinumpara ang 15th anniversary ng Cignal TV sa GMA Gala 2024. Malayung-malayo kung pagbasehan ang dami ng stars na dumalo.
May ilang athletes na dumalo Cignal event, pero kahit nga ang towering basketball player na si Kai Sotto ay sa GMA Gala um-attend.

Nagka-traffic pa sa Skyway pababa ng Marriott Grand Ballroom dahil nagkumpulan ang mga kotse sakay ang celebrities na dumalo sa GMA Gala.
Read: GMA Gala 2024's Most Talked-About Moments
DAVID BENOIT CONCERT
Pati ang papuntang Entertainment City ay nagkahirapan na rin sa pagbaba dahil sa dami ng mga kotseng papunta sa The Theater at Solaire dahil naman sa An Evening With David Benoit concert na ginanap nung gabing iyun.
Read: Why the Philippines holds a special place in David Benoit's heart

Ang dami ring mga sosyal na nanood sa concert na ito ng sikat na jazz pianist.
Ang ganda kasi ng show, lalo na’t napakagaling ng The Company na special guest ni David.
Nangako si David na ige-guest niya sa kanyang concert sa Amerika ang magaling na Pinoy vocal group.

TV NETWORKS UPDATE
Ilang taga-showbiz din ang nakatsikahan namin sa concert ni David Benoit tungkol sa tatlong TV networks na patuloy pa ring pinapanood ng mga tao ang kanilang mga programa.
Sabi ng aming reliable source, maganda ang 2023 ng isang TV network dahil tumaas daw ang sales nila ng halos PHP2B.
Maaring malaki ang nagawa ng mga bagong programang napapanood na sa network na ito kaya maganda raw ang future nito kung patuloy silang makakapag-produce ng magagandang shows.
JERRY OLEA
Totoo naman kaya itong nasagap ng PEP Troika tungkol sa isa pang TV network na hindi raw maganda ang performance ng sales nila noong nakaraang taon?
Totoo kayang umabot daw ng PHP2B ang ibinaba ng sales nila?
May kinalaman kaya ito sa ilang programa nilang hindi gaanong pumalo sa ratings? O baka sa hindi magandang pamamalakad nito?
May ilang kuwento pa kaming naririnig tungkol sa problema sa TV network na ito, pero pawang haka-haka pa lang naman, at mahirap itong kumpirmahin dahil walang magkukuwento mula sa kanila.
Tingnan na lang natin kung makakabawi sila bago matapos ang taong ito.
NOEL FERRER
Napag-alaman ng PEP Troika na ang isa pang TV network ay may malaking pagkakautang sa bangko.
Pero ayon sa kuwento ng aming reliable source, pinapautang pa rin sila kahit hindi pa fully paid ang una nilang pagkakautang.
Maaring kampante ang bangko na makakabawi ang network dahil gumaganda ang shows nila at unti-unti silang nakakabangon. Sana nga, di ba?
Pati raw ang recording company nila ay binili raw ng isang American multinational music company. Pag-aari na raw nitong kumpanyang ito ang 60 percent ng recording company. Pero sila pa rin daw ang nagpapatakbo nito.
Maganda rin kasi ang performance ng artists nila na lalong pinasikat ng recording company na ito.
Magkakaalaman din iyan sa pagpasok ng taong 2025.
