JERRY OLEA
As expected, nanguna sa takilya ng North America last weekend, Hulyo 19-21, 2024, ang bagong bukas na Twisters.
Ayon sa Box Office Mojo, $81M ang opening weekend gross sa U.S. at Canada ng disaster film na pinagbidahan nina Daisy Edgar-Jones at Glen Powell.
Ang worldwide gross nito ay pumalo naman sa $134M.
Read: Despicable Me 4, kumita na ng $434M worldwide gross

Noong Hulyo 17, Miyerkules, nag-open sa local cinemas ang Twisters, kasabay ang tatlo pang foreign films na Survive, Uranus 2324, at Escape.
Pinanood ko ang Twisters noong Hulyo 18, Huwebes ng hapon, sa isang VIP cinema ng Fisher Mall, Quezon Avenue, Quezon City. Sa tantiya ko, mga 50 percent ng seating capacity ang okupado.
DEADPOOL & WOLVERINE OPENING
Dahil sa bagyong Carina, walang pasok ngayong Hulyo 24, Miyerkules, ang local government offices at lahat ng class levels sa Metro Manila.
Today ang opening sa local cinemas ng Deadpool & Wolverine, kasabay ang All My Friends Are Dead at Sagrada Luna.

Tampok sa Sagrada Luna sina Rash Flores, Alexa Ocampo, at Jeffrey Santos bilang Supremo Papa.
Sa trailer ng Sagrada Luna na napanood ko sa Facebook page ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP), may pa-wet look ang ilang babaeng ekstra. Bumakat ang kanilang nipples sa magic kamison.
Ano ang kahihinatnan ng Sagrada Luna sa pakikipagbakbakan sa Deadpool & Wolverine habang baha-baha sa National Capital Region (NCR)?
UPCOMING MOVIES
Nakalista sa Click The City website bilang upcoming films sa Hulyo 31 ang How To Slay A Nepo Baby starring Sue Ramirez, Barbie Imperial, and Phi Palmos as Yayo, sa direksyon ni Rod Marmol.
Nasa cast din nito sina JC Galano, Charm Aranton, Chaye Mogg, Sue Prado, Naia Ching, Ralph Gomez, Phi Gomez, at Coi Suazo.

Kasabay nito ang opening sa local cinemas ng Trap ni M. Night Shyamalan, Mother Teresa & Me, Blue Lock The Movie - Episode Nagi, at Black Pink World Tour [Born Pink].
Sa Agosto 2-11 naman ang Cinemalaya Bente: Loob Lalim Lakas sa Ayala Malls Manila Bay, Greenbelt, Trinoma, UP Town Center, at Market Market.
More or less ay 200 films ang tampok sa indie filmfest na ito, na iba-iba ang genre. Sampung full-length films at sampung short films ang magko-compete.
Read: Cedrick Juan, mag-best actor din kaya sa 20th Cinemalaya?
GHOST MONTH
Ang Ghost Month 2024 ay mag-uumpisa sa Agosto 4 at magtatapos sa Setyembre 2.
Pasok diyan ang playdate ng reunion movie nina Joshua Garcia at Julia Barretto na Un/Happy For You, ganoon din ang Pagtatag! The Documentary tampok ang SB19.
Agosto 14 ang playdate ng Un/Happy For You, kasabay ang South Korean action film na The Roundup: Punishment nina Ma Dong-seok, Kim Mu-yeol, Park Ji-hwan, at Lee Dong-hwi.
Ayon sa Facebook page ng CEAP, limited ang screenings ng Pagtatag! The Documentary mula Agosto 28 hanggang Setyembre 1.
Ang ticket selling nito ay mag-uumpisa na sa Hulyo 26, Biyernes ng 12:00 noon. Siyempre, tutulong ang Puregold sa block screenings ng Pagtatag! The Documentary.
Nasa A’tin ang panalo!!!

NOEL FERRER
Paano na kaya ngayong patuloy nananalasa si Bagyong Carina na nagdudulot ng matinding traffic at baha sa Kamaynilaan?
Paano lalabas ang mga tao ngayon para manood ng sine?
Malamang, stay put na lahat sa bahay lalo pa’t walang pasok sa opisina at eskuwelahan.
Kaya paano na ang magbubukas na mga pelikula sa sinehan, good luck talaga!
Nakakalungkot actually, pero ingat-ingat tayong lahat sa paghagip ng bagyong Carina!
GORGY RULA
Ilan sa malls ay bukas ngayon sa mga taong gustong lumikas mula sa baha.
May safe space daw sila sa kanilang mall na magsisilbing temporary shelter. May libreng WiFi, puwedeng mag-charge, at magagamit ang kanilang restroom.



Kaya kung nasa loob ng mall na ang karamihan, puwede siguro silang manoood muna ng sine, hindi na nga lang libre.
SAGRADA LUNA
Itong Sagrada Luna ang tanging local film ang babangga sa malakas na foreign film.
May pagka-sexy ang tema, pero nagputol ang direktor nitong si JR Olinares para makapasok sa R-16 at puwedeng maipalabas sa SM Cinemas.

“Medyo sexy talaga ito. Intended talaga sa isang sexy platform. Kaso hindi kami nagkasundo, that’s why I decided to go on cinema.
“I’m proud to say na Pinoyflix is also pang-cinema distribution. Isa rin po ako sa local na distributor, kaya madali rin po para sa akin para mag-theatrical.
“May mga cut talaga dito,” pakli ng direktor nitong si JR Olinares.
Medyo maselan ang tema ng pelikula at maingat ang nagsulat nitong si Ping Medina na hindi mag-react ang simbahan, dahil parang may kulto sa kuwento nito.
Sabi pa ng direktor nito, meron din siyang ginawang Director’s Cut na puwede sa isang platform.
“Meron ako, kung talagang bibilhin iyun ng isang platform, ibibigay ko yun. Pero tingin ko, itong film na ito ay papasa sa isang international na streaming platform.
“Okay naman e,” dagdag niyang pahayag.
