JERRY OLEA
First time sa kasaysayan ng Cinemalaya indie filmfest na may full-length entry na documentary (Maria) at animated film (Iti Mapukpukaw) last year.
Pinarangalang best picture ng Cinemalaya 2023 ang Iti Mapukpukaw na tinampukan nina Carlo Aquino, Dolly de Leon, at Gio Gahol.
Kinilala rin iyong best picture sa 47th Gawad Urian noong Hunyo 8, 2024 sa De La Salle University, Taft Avenue, Manila.
Read: Highlights and sidelights of Cinemalaya 2023 awards night
ALIPATO AT MUOG: DOCU ABOUT JONAS BURGOS
Sa Cinemalaya Bente: Loob Lalim Lakas this year ay meron na namang documentary na magko-compete sa kategoryang full-length.
Ito ay ang 96-minute Alipato at Muog (Flying Embers and A Fortress) na isinulat, kinunan, idinirek at in-edit ni JL Burgos.
Tungkol ito sa pagdukot sa kuya ni JL na si Jonas Burgos noong 2007 sa isang mall.

“Magandang hapon sa inyo. Isang makatarungang tao sa inyo,” sambit ni JL sa mediacon ng 20th Cinemalaya filmfest noong Hulyo 10, 2024 sa ballroom ng Metropolitan Theater sa Ermita, Manila.
“Isang makatarungang araw sa inyo! Ahhh… nakakakaba pala yung ganito, ano?
“Usually hindi kami sanay humarap sa showbiz reporters kasama yung mga artista. Kadalasan humaharap kami sa news reporters.”
Kabilang sa mga artistang dumalo sa Cinemalaya mediacon sina Marian Rivera, Mylene Dizon, Cedrick Juan, Jane Oineza, RK Bagatsing, Royce Cabrera, Will Ashley, Donna Cariaga, BJ Forbes, Raheel Bhyria, Sassa Girl, Joel Saracho, Elora Españo, Ina Feleo, at Nanding Josef.
WHO IS JONAS BURGOS?
Pagpapatuloy ni JL, “Noong April 28, 2007, merong isang dinukot na aktibista sa Ever Gotesco Mall. Tanghaling tapat, dinukot siya ng mga armado.
“Ang pangalan po niya ay si Jonas. Si Jonas Burgos ay kapatid ko. Missing siya since 2007, and he’s been missing 17 years ago. He’s still missing up to this date.
“Ang pelikula ko pong ito ay nag-iisang dokumentaryo sa Cinemalaya, at medyo personal siya dahil kapatid ko nga ang dinukot.
“At ang pelikulang ginawa ko ay sinimulan ang shoot since 2007, two days after my brother was abducted.
“So, simula 2007 nag-shoot na po kami, hanggang sa taon na ito. So, na-imagine po ninyo iyung proseso ng pag-e-edit ay medyo madugo.
“Inabot kami ng more than six months sa editing. Matatapos na po, huwag kayong mag-alala.
“Nung sinimulan namin, nung nag-pitch po ako sa Cinemalaya, sinasabi ko, hindi po ako naghahanap ng kumpetisyon.
“Ang hinahanap ko ay isang komunidad. At kaya po nagpapasalamat ako sa Cinemalaya — thank you very much — sa pagiging bahagi ng komunidad ng paghahanap sa aking kapatid.
“Sa paghahanap ng katarungan. At sa paghahanap ng desaparecido. Nung in-invite po kami sa presscon, I was asked by the organizers to bring an artista.
“We don’t have an artista, but I brought my mom. Mom…”
Read: "Huling Balita" commemorates disappearance of activist Jonas Burgos
Nagpalakpakan nang masigabo at naghiyawan ang mga tao sa presscon sa pagtayo ni Edita Burgos, ang ina nina Jonas at JL.

Pagtatapat ni JL, “Ang nanay ko po ang pundasyon ng aming pamilya, ng iba pang pamilya ng desaparecidos sa paghahanap ng katarungan.
“Ngayon po, nananawagan ako sa mga nakakapanood, sa mga kasamahan natin sa media, sa fellow filmmakers, fellow artists, fellow actors.
“Na dalhin ang aming pelikula. Hindi lang po ito para sa Cinemalaya kundi pelikula po ito na naghahanap ng katarungan.
“Mabuhay po kayo! Magandang araw po sa inyong lahat!”
Nagpalakpakan at naghiyawan muli ang mga dumalo sa mediacon.
Gaganapin ang 20th edition ng Cinemalaya indie filmfest sa Agosto 2-11 sa Ayala Malls Manila Bay, Greenbelt, Trinoma, UP Town Center, at Market Market.
NOEL FERRER
Iba rin kapag documentary — sapul at paglalahad ng katotohanan ang labanan. Walang dagdag na drama, as is where is kumbaga.
Naaalala kong gumawa rin si Lorna Tolentino ng pelikula ukol kay Jonas Burgos noon, ang Burgos (2013) na idinirek ni Joel Lamangan.
Read: MOVIE REVIEW: Burgos depicts a mother's search for her desaparecido
Itong Alipato at Muog ay dagdag-impormasyon at emosyon sa pinagdaanan ng Burgos family na excited akong mapanood sa Cinemalaya.
At sana, makatulong ang pelikulang ito sa pagkamit ng hustisya para sa pamilya Burgos.
GORGY RULA
Sabi ni Direk JL Burgos, malaki ang naitulong ng pelikulang ginawa ni Direk Joel Lamangan na ginampanan ni Lorna Tolentino ang kanyang inang si Mrs. Edita Burgos.

May ginawa ring stageplay si Gina Alajar, at meron pang iba, at ipinagpasalamat ito ng kanilang pamilya.
“Nakatulong po talaga yun. Nagkalat siya ng awareness sa kampanya namin.
“Lahat naman po ng dahilan ng ito ay paghahanap kay Jonas, at sa paghahanap sa mga desaparecidos,” saad ni JL Burgos.
Hindi na raw niya isinali iyon dito sa documentary na ginawa niya. Ang mapapanood daw ay ang buong proseso ng paghahanap sa kanyang kapatid.
“Lahat po na makikita dito ay yung process ng search, yung actual search. Lahat po yun simula nung 2007 hanggang sa kasalukuyan,” dagdag niya.
Nabuo niya ito lahat sa loob ng 17 years na na-document niya, kaya nahirapan siya sa pag-edit.
“May mga instances na nag-e-edit ako ay nagbe-breakdown ako. I have to settle down. Alis muna ako sa harap ng computer, iiyak ko muna siya. Wala akong choice kundi harapin ko talaga siya,” sabi pa ni JL.
Malaking bagay raw na napasali siya sa Cinemalaya para mas marami pa ang magkaroon ng awareness tungkol sa ipinaglalaban nila sa nawala niyang kapatid.
“Para sa aming family, wala kaming choice kundi magkuwento. Para lang hindi mawala sa isip si Jonas. Para hindi mawala sa isip ng mga tao ang mga nag-disappear. Kailangan naming magkuwento,” seryoso niyang pahayag.
Read: Rocco Nacino shoots torture scenes as missing activist Jonas Burgos
Itong Alipato at Muog ay isa sa entries sa Cinemalaya na sinuportahan ng GMA Network through GMA Pictures, GMA Entertainment, at GMA Public Affairs.
Sinuportahan din nila ang Balota ni Kim Oebanda at Lost Sabungeros.
Mapapanood din ang pelikula ng GMA Pictures na Jose Rizal at Firefly, at ang sa GMA Public Affairs na I Witness 25.
