JERRY OLEA
Suportado ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) ang laban ni EJ Obiena sa 2024 Paris Olympics.
Sa 22 Pinoy athletes na kalahok this year sa Olympic Games sa Paris, France, ay si EJ ang unang nag-qualify.
Read: Asian Games gold medalist EJ Obiena, nakatanggap ng PHP5M mula sa Filipino-Chinese businessmen
“Binigyan ng Federation si EJ ng P5M,” sambit ni Wilson Lee Flores nitong Hulyo 29, 2024, Lunes ng hapon, sa Kamuning Bakery Cafe, Judge Jimenez St., Quezon City.
Si Wilson ay Public Information Committee chairman ng FFCCCII, kung saan ang kasalukuyang presidente ay si Dr. Cecilio K. Pedro.
Pagpapatuloy ni Wilson, “Tulong kay EJ Obiena kasi napakamahal ng training niya. Sa Europe pa ang training niya. Tapos ang coach niya, Europano pa.
“Tapos ang mga kalaban niya, ang daming pera! Mga European. Magastos na laro yon, so gusto talagang tulungan ng FFCCCII ang Pilipinas na magkaroon ng bagong gold medal sa Olympics…
“Napakagaling ni EJ Obiena. Ang konting problema lang, may isa siyang contemporary na karibal na super-sikat na magaling sobra, si Mondo Duplantis.
“Parang sobrang galing mo, pero sa buhay mo, may karibal ka na sobrang galing na. Minsan lang sa isang siglo dumating na… yun ang matinik niyang kalaban na puro world records.
“Yun ang sobrang tinik niyang kalaban. Kung wala si Duplantis, si EJ Obiena ang pinakamagaling sa mundo. Silang dalawa. Magaling yon.”
Ang 24-anyos na si Armand Gustav “Mondo” Duplantis ay Swedish-American pole vaulter.

JOSE MARI CHAN FOR NATIONAL ARTIST
Ang FFCCCII ay isang business and civic organization na sumusuporta rin sa kultura, at pinaparangalan ang mga natatanging Filipino artists na may Chinese heritage gaya nina National Artist Ricky Lee, singer songwriter Jose Mari Chan, at beauty queen/actress Michelle Dee.
Pahayag pa ni Wilson, “Bago mag-pandemic, sinuggest ng Federation na gawing National Artist si Jose Mari Chan. Sumulat ng letter.”
Noong Hunyo 30, 2024 ang deadline ng nominations para sa susunod na batch ng National Artists na idedeklara sa susunod na taon.
“Gusto ng Federation na mag-nominate uli sa kanya pero may ibang NGO ang nauna na,” sey pa ni Wilson.
“Maraming kalaban, maraming diskusyon yan. Maraming debate.”
Sino ang mas deserving maging National Artist, si Jose Mari Chan o si Lea Salonga?
“Parehong magaling! Ang mga kanta ni Jose Mari Chan, hindi lang pang-elite. Lahat ng tao, kahit na sino, nai-inspire by Jose Mari Chan. Maganda ang music niya,” tugon ni Wilson.
“Napakagaling ni Lea Salonga. Dapat din siyang maging National Artist. Vilma Santos din, magaling din!”
What about Regine Velasquez?
“Magaling din. Pero hindi yata puwedeng sabay-sabay sila,” pagmamatuwid ni Wilson.
“Ang narinig kong kuwento, ang mga ibang tao, gusto nila, mas may edad konti. Kasi pag may edad, ilang taon na lang ang buhay nila kaya siguro mas nauuna ang may edad.
“Si Jose Mari Chan, very deserving siya. Inspirasyon siya sa buong Pilipinas. Kahit na mayaman o ordinaryong tao, magsasaka o driver, lahat natutuwa sa kanta niya. Hindi lang Pasko, kahit kailan.”

Siyangapala, ayaw ni Wilson na tawagin siyang "Sir."
Katuwiran niya, “Wilson na lang. Kasi pag Sir Wilson, nakakatanda. Pag Wilson lang, nakakabata.”
GORGY RULA
Natutuwa kaya ang mga Filipino-Chinese sa pagganap ni David Licauco bilang Japanese sa Kapuso primetime series na Pulang Araw?
Natigilan sandali si Wilson bago sumagot, “Ay! Magandang kuwento iyan. Hindi pa alam ng maraming tao na gumaganap si David Licauco na bilang Hapon. Hindi pa alam yata.
“Pero ang nakita ko sa trailer naman, hindi siya masamang Hapon sa trailer. Mukha siyang mabait na Hapon, nakita ko sa trailer, hindi siya yung pumapatay ng tao. Hindi siya kontrabida.
“Pero controversial nga pag Hapon siya. Si David Licauco, pareho siya ng eskuwelahan ni Senator Sherwin Gatchalian, Hayden Kho, saka ako. Pareho kaming high school.”

Mayaman talaga sina David?
“Si David Licauco, mayaman. Saka yung tatay, saka yung nanay. Matino, mabait na negosyante,” sey ni Wilson.
“Suki ng Kamuning Bakery yung tatay.”
Mabubuhay si David nang mariwasa kahit hindi mag-artista?
“Hindi niya kailangang mag-artista. May kaya yung pamilya niya, pero humble yung mag-asawang tatay-nanay. Humble na hard working na mayaman,” tugon ni Wilson.
“Di ba, may mayaman na asendero lang? Itong tatay, nanay ni David Licauco, masipag. Nanay niya, Chinese, taga-probinsya. Tatay niya, taga-Metro Manila. Masipag, mabait…
“Si David Licauco, na-meet ko one time. Na-meet ko. Tapos ipinapakilala ako ng tatay.
“Sabi ng tatay, ‘Eto anak ko, si David Licauco.’ Nag-hi ako. Tapos alam mo, sabi ng anak, ‘Sir, nag-meet na tayo!’ Sabi ko, ‘Saan?’ ‘Sir, kayo ang judge na inimbita ng ABS…’”
First runner-up si David sa Mr. Chinatown 2014, na in-organize ng ABS-CBN at Miss Chinatown Foundation. Isa sa mga hurado si Wilson, at ang winner ay si Kurt Joshua Ong.
“Hindi ko siya napili,” pag-amin ni Wilson.
“Hindi siya nanalo pero siya ang sumikat.”
THE STORY OF WHEELWRIGHT SYMPOSIUM
Siyanga pala, katuwang ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) sa pag-o-organize ng symposium na “The Story of the Wheelwright: The Influence of Chinese Philosophy on the Thought of Fr. Roque Ferriols, SJ" kamakailan sa Ateneo de Manila University.
Ipinagdiwang doon ang 100th birth anniversary ni Fr. Ferriols, na tinaguriang Father of Filipino Philosophy.
“Si Fr. Ferriols, favorite na teacher nina Manny Pangilinan at Pete Lacaba,” kuwento ni Wilson.
“Idol na idol ni Pete Lacaba si Fr. Ferriols, kahit hindi mataas ang grades niya kay Fr. Ferriols. Nabasa ko sa sulat ng kapatid niya na poet…
“Ibang klase raw, legendary teacher. Siya ang unang puro Tagalog magsalita sa Ateneo. Na-scandal daw ang mga American priest, naiinis.
“Si Fr. Ferriols, Ilokano na lumaki sa Sampaloc [Manila]. Ang Tagalog daw niya, Tagalog ng Sampaloc.
“Tapos sabi niya, nung pumunta daw siya sa Ateneo, nananagalog siya, ang mga classmate niya na elitista, niloloko siya, inaano siya palagi.
“Sabi ni Fr. Horacio de la Costa, sa buong kasaysayan daw ng mga Jesuita sa Pilipinas, siya lang daw ang totoong henyo. Sobrang talino raw.
“The only genius daw, at ang nagsabi, genius din.”

Sa nasabing symposium, ikinuwento raw ni Prof. Dr. Manuel Dy kung paano tinulungan ni Fr. Ferriols si Basil Valdez.
Humingi raw ng tulong si Basil dahil pakiwari niya ay may mga espiritung gumagala sa kanyang condo unit.
Kahit nasa retreat noon si Fr. Ferriols, lumabas ito at binasbasan ang condo unit. Naglaho ang mga espiritu.
Pumanaw si Fr. Ferriols noong Agosto 15, 2021, isang araw bago ang kanyang ika-97 kaarawan.
“Natuwa naman yung Federation to honor somebody na intellectual, na Father of Filipino Philosophy,” sambit ni Wilson.
NOEL FERRER
Mabuting tao si Wilson Lee Flores na sumusuporta sa iba’t ibang mga gawain. Very Wilson ang kung saan-saan mapunta ang usapan.
So, from sports na sana ay manalo pa rin si EJ Obiena, tapos Jose Mari Chan to Lea Salonga na sa tingin ng grupo nila ay puwedeng mag-National Artist plus Vilma Santos, Regine Velasquez, David Licauco, Fr. Roque Ferriols, SJ…
We wish Wilson the best in all his endeavors — lalo na ang kanyang pagpapanderya!!!
Bravo also for his federation, ang FFCCCII na palaging nandiyan na handang tumulong.
Kabilang ang FFCCCII sa sponsors ng recent 7th The EDDYS awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
