JERRY OLEA
May good news at merong bad news sa streaming platform na Netflix Philippines.
Unahin ko na ang mabuting balita.
Three consecutive days nang No. 1 sa talaan ng Top 10 Movies in the Philippines Today ang Lolo and the Kid nina Joel Lamangan at Euwenn Mikaell.
Nanguna iyon mula Agosto 9 hanggang 11, 2024, Biyernes hanggang Linggo.
Read: Pulang Araw advance episodes, mapapanood na sa Netflix

Naligwak man sa Top 10 ang Men Are From Quezon City, Women Are From Alabang at When I Met You In Tokyo, may Pinoy movie na bagong pasok sa Top 10.
Ito ay ang Fuchsia Libre nina Paolo Contis at John Arcilla, na pumuwesto sa No. 10.
PULANG ARAW DISLODGED BY UMBRELLA ACADEMY
Ang bad news, nangyari na ang kinatatakutan ko.
Kinabog na ang Pulang Araw sa top spot ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today.
No. 1 TV Show ng Netflix PH ang Pulang Araw for two weeks, from June 28 to August 10.

Noong Agosto 8, Huwebes, ay nag-umpisang mag-streaming ang fourth and final season ng The Umbrella Academy.
Agosto 10, Sabado, ay pumuwesto ito sa number 2. Pero ngayong Linggo, ito na ang bagong kampeon.

Bumaba na sa pangalawang puwesto ang Kapuso series nina Alden Richards, Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Dennis Trillo.
Makakabalik pa kaya sa top spot ang Pulang Araw, o dire-diretso na itong mag-ispageting pababa nang pababa?
CAN'T BUY ME LOVE ON NETFLIX
Iyong Can’t Buy Me Love ng DonBelle ay No. 1 TV show ng Netflix PH for 23 consecutive days, mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 10, 2023.
Nag-No. 2 ito noong Nobyembre 11. Ang nagpatalsik dito ay ang Attack on Titan.
Nakabalik agad ito sa top spot noong Nobyembre 12, at kumapit sa top spot hanggang Nobyembre 23.

The next three days ay umariba ang Squid Game The Challenge, at hindi na nakabalik sa top spot ang serye nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Ang mga sumunod na TV show na nasa top spot ay Replacing Chef Chico, My Demon, Sweet Home, Yu Yu Hakusho, Gyeongseong Creature, Berlin, Solo Leveling, American Nightmare, Captivating the King, Griselda, Doctor Slump, A Killer Paradox, House of Ninjas, Avatar The Last Airbender, at Queen of Tears.
UPCOMING SERIES ON NETFLIX
Take note na ang first part ng fourth season ng Emily in Paris ay streaming na simula Agosto 15, Huwebes. Ang second part ng romcom drama series na ito ay sa Setyembre 12 naman ang streaming.
Ang Kapamilya series na Lavender Fields ay mapapanood na sa Netflix PH umpisa Agosto 30.
Tampok dito sina Jodi Sta. Maria, Janine Gutierrez, Jericho Rosales, Jolina Magdangal, Maricel Soriano, Albert Martinez, Edu Manzano, Lotlot de Leon, at Biboy Ramirez.
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines ngayong Agosto 11, Linggo sa Netflix — The Umbrella Academy, Pulang Araw, Lovely Runner, A Good Girl’s Guide to Murder, Miss Night and Day, Rising Impact, Sweet Home, Eve, Alya Sometimes Hides Her Feelings In Russian, at Wistoria Wand & Sword.

Samantala, ang Top 10 Movies today sa Netflix PH — Lolo and the Kid, Kung Fu Hustle, Kingsman The Golden Circle, The Meg, Maharaja, The Book of Eli, Mission Cross, Kingsguard The Secret Service, Underworld Rise of the Lycans, at Fuchsia Libre.

NOEL FERRER
Masaya tayo sa Lolo and the Kid nina Joel Torre at Euwenn Mikaell.
Grabe naman kasi ang goodwill sa industriya ng isang tulad ng iginagalang nating kaibigang aktor tulad ni Joel Torre kaya’t marami ang mga nag-guest na artista riyan, kasama na ang aking talent na si Iza Calzado ay nag-YES nang dali-dali dahil kay Sir JT!!!
At itong si Euwenn, masuwerte talaga mula nang manalo bilang best child actor sa 49th MMFF para sa Firefly.
Take note na ipinalabas sa Cinemalaya XX ang Puregold CinePanalo best picture na Under A Piaya Moon, for which ay tinanghal na best supporting actor si Joel.
Maliban sa Balota at Gulay Lang, Manong, ang isa pang box office hit sa 20th Cinemalaya ay ang entry kung saan may special participation si Joel, iyong The Hearing.
May additional screening ang The Hearing ngayong Agosto 11, Linggo ng 2:30 pm sa Cinema 10 ng Ayala Malls Manila Bay.

Happy rin tayo sa Netflix performance ng Pulang Araw. Pero habang ipinagkakapuri natin ang mga pinapanood na shows sa streaming platforms, patuloy pa rin ang ating panalangin na, sana, may pelikulang lokal na kumita at tatangkilikin nang mas malawakan pa rin sa mga sinehan kahit hindi MMFF.
GORGY RULA
Mukhang magtatagal sa Top 10 trending itong Lolo and the Kid.
Nakikita ko pang marami ang nagpo-post sa X at pati sa Tiktok kung paano sila pinaiyak ng pelikulang ito. Kaya hanggang ngayon ay trending pa rin ito sa X.
Magaling kasi ang lead stars, lalo na si Joel Torre, na dapat siyang mapansin sa susunod na pamamahagi ng awards ng iba’t ibang award-giving bodies.
Magaling talaga ang batang si Euwenn Mikaell na malalamuyot talaga ang puso mo dahil sa napakaamo niyang mukha.
Pero ang isa sa napakagaling sa pelikulang ito ay si JK Labajo, na gumanap bilang lumaking si Kid.
Magaling ang singer/actor na ito, at dapat talaga siyang mabigyan ng mga magagandang pang material.
Sa mga nag-guest dito, ang lakas ng dating ni Iza Calzado sa eksenang tinitingnan na lang niya ang mag-lolo habang tinatangay ang mga nanakaw sa bahay niya.
Basang-basa mo sa mukha niya ang nararamdaman at nasa isip niya niya, na maaring ginagawa rin niya ito nung bata pa siyang palabuy-laboy pa sa kalye.
Medyo naging melodramatic na sa ending ng Lolo and the Kid, pero gusto ito ng mga manonood kaya bentang-benta siya.
Mabuti at sumampa na sa top ten trending ang Fuchsia Libre, dahil magaling talaga sa pelikulang ito sina Paolo Contis at John Arcilla. Dapat na ma-cite din sila sa susunod na pamamahagi ng parangal ng iba’t ibang award-giving bodies.
PULANG ARAW TO MAKE A COMEBACK
Naungusan na nga ng The Umbrella Academy ang Pulang Araw, pero kampante akong makakabawi pa itong drama series ni Alden Richards, at puwedeng pang bumalik sa number one, dahil pang-Netflix talaga ang viewers nito.
Ang ganda pa naman ng susunod na episodes, at gusto kong palakpakan si Barbie Forteza sa Episode 10 nito.
Pinag-usapan nga ang episode na ito, dahil sa magagaling nilang performance, pati sina Angelu de Leon, Epi Quizon, Sanya Lopez, at Alden Richards.
Sa totoo lang, mas naa-apreciate ko nang manood ng mga pelikula at serye sa ganitong streaming service dahil puwede kong ulit-ulitin ang mga magaganda nilang eksena, at nakikita mo talaga ang galing ng mga artista natin.
Kabilang sa mga pelikulang Pinoy na streaming soon sa Netflix PH ang Isang Gabi, Elevator, Litrato, at Outside.
