JERRY OLEA
Nag-open sa mahigit 200 sinehan ang Un/Happy For You noong Agosto 14, 2024, Miyerkules.
PHP20.5M ang opening day gross ng reunion movie nina Joshua Garcia at Julia Barretto, sa direksyon ni Peter Vargas.
Noong Agosto 15, Huwebes ay 250+ na ang mga sinehan ng bagong JoshLia movie.
In two days ay naka-PHP40M. Pagsapit ng Agosto 16, Biyernes ay masayang ibinalita ng Star Cinema na nasa 300 na ang mga sinehan nito.
At sa first three days, ipinagmalaki ng Star Cinema sa socmed na naka-PHP65M na ito!!! Itong Un/Happy For You ang unang Pinoy movie ngayong 2024 na tinangkilik nang lubos ng moviegoers.

Noong Pebrero ay ipinalabas sa mga sinehan ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko kung saan katambal ni Julia si Aga Muhlach.
Noong Hunyo naman nag-showing ang smorgasbord movie na Fruitcake kung saan hahabul-habol si Joshua kay Heaven Peralejo.
Lotlot and friends sa takilya ang Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko at Fruitcake, pero nang magsanib-puwersa muli sina Joshua at Julia… Winnie Santos, Winnie Monsod, Winnie Cordero, Winnie Castelo, Winnie the Pooh!
Read: PEP MAIN ATTRACTION: Julia Barretto and Joshua Garcia: Are they really together?
Tatlo pang pelikula ng Star Cinema ang inaasahang magpapayanig sa takilya ngayong 2024.
Andiyan ang My Love Will Make You Disappear nina Kim Chiu at Paulo Avelino, Hello, Love, Again nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, at ang MMFF 2024 entry ni Vice Ganda na And The Breadwinner Is…
NOEL FERRER
Masayang-masaya ang chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Direk Jose Javier Reyes sa box-office success ng Un/Happy For You.
“Itong kay Julia saka kay Joshua, it gives us hope,” sabi ni Direk Joey sa pa-mediacon ng FDCP nitong Agosto 16, Biyernes ng hapon sa Kandle Cafe, Mother Ignacia Ave., Quezon City.
“Because it’s outside a festival arena. OK, it gives us hope. So, sabik sila. At isa pa, kung iisipin mo, ano, bakit nagkaroon ng Rewind, naka-PHP1B, hindi ba?
“Dingdong and Marian had not had a movie for so long. It’s a family movie. It even has Jesus, OK. And it’s Christmas.
“So talagang the perfect storm siya. Ngayon, ano itong kay Joshua at kay Julia? Antagal na nilang walang pelikula together.
“And we all know that you know, Julia is with somebody else. Sabik lang sila, siguro maganda ang pelikula.
“At na-discover nila, ang biggest promo talaga, word-of-mouth. Word-of-mouth.
“Pag sinabing… sa una, yung pipitik-pitik lang ang box office mo, pag bumongga talaga ang word-of-mouth, dudumugin ka.
“At saka meron yung… para bang feeling na… Ay! Hindi pa napapanood, you feel OP ka. Na kailangang panoorin mo. Importante yun.
“Pero ang masaklap talaga, is talagang nawala na yung dating audience natin.”
Ang pa-mediacon ng FDCP ay para sa 4th edition ng Philippine Film Industry Month (PFIM) sa Setyembre, na ang tema ay “Tuloy Ang Tradisyon ng Pelikulang Pilipino.”
Pagpupugayan ng PFIM ang labing-isang National Artists for Film — Eddie Romero, Lamberto Avellana, Fernando Poe Jr., Nora Aunor, Manuel Conde, Marilou Diaz-Abaya, Ricky Lee, Lino Brocka, Ishmael Bernal, Gerry de Leon, at Kidlat Tahimik.
Ang opening ceremony ay sa Setyembre 1 sa Metropolitan Theater, kung saan may special screening ang pelikulang Aguila (1980) na pinagbidahan ni FPJ, sa direksyon ni Eddie Romero.
Ang running time ng Aguila ay 3 oras at 30 minuto. Kabilang sa cast nito sina Amalia Fuentes, Christopher de Leon, Eddie Garcia, Elizabeth Oropesa, Jay Ilagan, Charo Santos, Chanda Romero, at Daria Ramirez.
Nariyan din sina Johnny Delgado, Susan Valdez, Sandy Andolong (billed as Andrea Andolong), Conrad Poe, Roderick Paulate, Celia Rodriguez, Orestes Ojeda, at marami pang iba.
GORGY RULA
STAR CINEMA FORMULA
Umepek na naman ang formula ng Star Cinema na napapanood natin sa mga nakaraang pelikula.
Kaya marami sa mga nakapanood na parang mala-Starting Over Again (2014) daw na parang The Hows of Us (2018).
Pero gets na gets ng pelikulang ito ang kiliti ng masa at nandiyan pa rin kasi ang chemistry nina Julia Barretto at Joshua Garcia, kahit alam ng lahat na may kanya-kanya na silang lovelife.
Magaling ang dalawang bida, pero mas na-appreciate ko si Julia bilang si Zy na consistent sa buong pelikula.
Pero bakit parang mas pabor yata si Direk Petersen Vargas kay Joshua bilang si Juancho? Ang gaganda ng mga shots ni Joshua, at bongga ang moment niya sa eksenang pinapangalanan ang mga ginawa niyang concoctions at doon niya inilalabas ang mga kinikimkim na galit kay Zy.
Sobrang galing doon ni Joshua, pero gusto ko ang tahimik na acting ni Julia. Sa eksenang yun ay natapos na ang nararamdaman ko sa kuwento nina Juancho at Zy. Hindi na ako nabagbag sa mga susunod pang eksena. Kaya ang ilang nagpo-post sa kanilang X account, hanggang 6 lang ang rating nila from 1-10.
Pagkatapos kong napanood ang pelikula, nagmarka sa akin ang makinis na kili-kili at pink nipples ni Joshua. Nakini-kinita kong may ilalakas pa ang Un/Happy For You ngayong weekend, at posible pang magpa-sequel. Kung sa Canada ang sequel ng Hello, Love, Goodbye na naging Hello, Love, Again, maaring sa New York na kukunan ang sequel nitong Un/Happy For You.
