Trigger Warning: Suicide attempt, rape, sexual harassment
JERRY OLEA
Apat na beses sumaisip ni Gerald Santos na tapusin ang sariling buhay matapos ang naranasan niya umano sa musical director na si Danny Tan noong Disyembre 25 at 26, 2005.
Isiniwalat ito ng 33-anyos na mang-aawit sa senate hearing na pinamunuan nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Robin Padilla nitong Agosto 27, 2024, Martes.
Read: Gerald Santos, pinangalanan na ang humalay umano sa kanya
Bahagi ng official statement na binasa ni Gerald:
“Sa gulang na 15 years old po ay naranasan ko ang pinakamapait na maaaring maranasan ng isang bata.
“Pero dahil po sa aking marubdob na pangarap na maiahon ko ang aking pamilya sa kahirapan ay pinilit ko pong kalimutan ang pangyayaring ito sa aking puso at isipan.
“Hindi po alam ng aking pamilya pero apat na beses po akong nag-isip na tapusin na ang buhay ko.
“Dahil sa matinding kahihiyan na maari kong maranasan kapag nalaman ito ng lahat.
“Dahil sa pandidiri sa sarili ko na ginawan ako ng ganito.
“Dahil alam ko po sa sarili ko na wala na akong magagawa at walang makikinig sa akin.
“Kaya pinilit ko itong burahin sa puso’t isipan ko dahil din sa matinding takot na kapag binalikan ako ng taong umabuso sa akin ay hindi ko na maipagpatuloy pa ang pag-abot sa aking mga pangarap para sa aking pamilya at sa huli ay madamay pa sila.
“Ako po ang breadwinner ng aking pamilya at gagawin ko po ang lahat maigapang lamang po sila sa kahirapan at matiyak ko na mapag-aaral ko ang aking apat na kapatid.”

WHY IT TOOK HIM FIVE YEARS TO FILE A COMPLAINT
Matapos ang karanasan umano niya noong Disyembre 2005, limang taon ang lumipas bago naghain si Gerald ng formal complaint sa GMA Network.
Paliwanag ni Gerald, “Nag-ipon po ako ng sapat na tapang at lakas ng loob at mental fortitude para isiwalat ang pang-aabuso sa akin.
“Bilang 15 years old, ako po ay mahina. Walang kalaban-laban. Walang magagawa. Walang kilala.
“Ako po ay isang mahirap lamang.”
Nanawagan si Gerald sa mga kumpanya, korporasyon, o organization na alagaan sana ang mga biktimang nagsusumbong sa kanila.
Pagmamatuwid ni Gerald, “Nang sa ganun po ay magkaroon talaga sila ng ibayong lakas para isiwalat ang kasamaan.
“Para po hindi tila na ‘left in the dark’ or ‘left alone in the battle’ na lamang bigla ang biktima.
“Yung psychological at psychiatric support po sa biktima ay napakalaking bagay, lalo po kung bata ang biktima.
“Sana ay magkaroon din po ng safeguards para kahit inalis na po yung sex offender ay hindi mababalikan o magagantihan ang biktima ng mga kaibigang nasa posisyon at may loyalty dun sa taong tinanggal.
“Ito po ang personal kong naranasan at matatawag po itong double jeopardy.
“Ako na po ang naabuso, ako pa rin po ang nawalan ng trabaho.”
Hindi pinangalanan ni Gerald kung sino ang female "Kapuso executive" na "loyal friend" ng musical director na si Danny Tan.
Nang uriratin ni Senator Jinggoy si Gerald kung meron bang male-to-male penetration sa naranasan niya, minabuti ni Gerald na huwag nang sagutin iyon.
Read: Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15
NOEL FERRER
Hiniling ni Gerald Santos sa senate hearing na paigtingin ang batas laban sa sexual harassment, sexual abuse, at rape, lalo na ang male rape.
Pag-asam ni Gerald, “Mas mahaba pong prescription period po sana dahil ang mga biktima po ay may iba-ibang kapasidad at kakayahan para lumantad.”
Inamin ni Gerald na napakahirap balikan at sariwain ang mga nangyari sa kanya labinsiyam na taon na ang lumipas.
Hinaing ni Gerald, “Ito po ay mental, psychological, at emotional torture. Ang pangyayari po kay Sandro Muhlach ang muling nagdala at nagparamdam sa akin ng sakit na dinanas ko din sa sitwasyong kinapalooban ko noong December 25, 2005 at December 26, 2005…”
Read: Gerald Santos on why he is speaking up amid Sandro Muhlach issue
GORGY RULA
Nilinaw ni Gerald Santos na ang pagsisiwalat niya ng mapait na karanasan ay hindi lamang upang makamit niya ang personal na katarungan.
Pahayag ni Gerald: “Kaakibat na po dito ang malalim na adhikain ko ngayon na maimulat po ang mga mata ng ating mga kababayan at kabataan sa mga ganitong klaseng pang-aabuso at huwag pong maliitin at sabihing napakatagal nang nangyayari.
“Na ito po, sadyang ‘kalakaran’ na lalo na sa industriya ng showbiz.
“Any form of sexual abuse, harassment, assault, and rape is never okay.
“Hangad ko po na mabigyang-lakas loob din po ang mga biktima na lumantad at agad ding magsumbong sa oras na makaranas sila ng ganitong klaseng pang-aabuso.
“Sa katunayan po ay marami na po ang nagme-message sa akin tungkol sa kanilang mga kuwento bilang mga biktima ng sexual harassment, rape at abuse.
“Sa mga kapwa ko po naging biktima ng ganitong pang-aabuso, at kay Sandro, kaisa niyo po ako sa inyong laban.
“Lastly ay para po sa GMA, hiling ko po na finally ay magkaroon na ito ng closure.”
Inihayag ni Gerald na patuloy pa nilang inaaral ang legal options upang makapag-file ng formal charges laban kay Danny Tan.
Read: GMA insiders stunned by mention of "rape" in Gerald Santos senate testimony
