GORGY RULA
Magandang senyales ang napakagandang resulta sa box office ng Un/Happy For You, at panalangin ng lahat na masundan pa ito.
Read: Un/Happy For You, naka-PHP253M na sa box office
Nung nakapanayam ng PEP Troika sina Paolo Contis, Kaye Abad, at Patrick Garcia sa look test ng bagong pelikula ng Mavx Production, ang ConMom, umaasa silang masundan ito ng magaganda pang pelikula para tuluy-tuloy ang interes ng moviegoers sa panonood ng pelikulang lokal.

Sabi ni Paolo, “It’s a good sign din sa mga filmmakers natin na, 'O, dapat quality yung ginagawa natin.'
“Hindi lang yung basta basta makagawa ng pelikula. It’s also our responsibility to make sure…
"Minsan na nga manood ang mga Pinoy ng mga Filipino film. Kapag yan napaso uli, aatras naman yan agad.
“Yung mga susunod na magaganda, hindi na napanood kasi pangit yung huli. So, it’s our responsibility sa industriya na we make sure na yung mga movie na ilalabas natin, gawin na natin maayos, di ba?
“Kasi marami, e. Pag may isang pangit, madadamay yung iba e. So, it’s our ano din, responsibilidad ng industriya na huwag magpapalusot ng hindi ano…”
GIVE NEW GENERATION OF FILMMAKERS A CHANCE
Sabi naman ni Kaye, “Kasi ang Pinoy, nasanay sa ano, e, sa traditional na mga story. Kung ano yung gusto nila, yun lang. That’s why naghi-hit.
“Actually, since pandemic dun lumabas yung mga matatalinong pelikula, not the typical movies that we see sa mga Filipinos. So, dun nag-start e.
“That’s why nung in-offer yung film na A Journey, sabi ko na-excite ako kasi hindi na siya yung typical na nag-evolve na nga ang mga Filipino movie, pati yung market, pati yung viewers, matatalino na.
“Sana yun nga, give a chance, kasi may mga matatalinong filmmakers, matatalinong director na bago.
"Iba na yung vision nila sa paggawa ng pelikula ngayon. Since pandemic, lumabas na ang bagong generation.
“Sana yung mga viewers, bigyan ng chance”
Dagdag na pahayag ni Patrick Garcia,“Sana tuluy-tuloy. Kasi ang daming pinapalabas na magagandang pelikula. Hindi lang nabigyan ng chance ng audience.
“Pero kung panoorin lang nila, they will truly see how Philippine cinema has evolved, and how our storymaking has also evolved. So, give us a chance.”
Read: Patrick Garcia awed by A Journey's chart-topping Netflix run
JERRY OLEA
Hilakbot to the max! Kilabot overload! Chills and thrills galore!
Ngayong Agosto 28, 2024, Miyerkules, more and more and more ang mga pelikulang nakaka-shake, rattle and roll sa mga sinehan na habang nanonood ka, baka biglang bet mong tumakbo, tumalon o tumili.
Exclusive sa Ayala Malls ang Thrill Fest: The Ghost Month Classic Film Series — Interview with the Vampire nina Tom Cruise at Brad Pitt, at Gremlins nina Zach Galligan at Phoebe Cates.

Apat na pelikula ang handog ng SM Cinemas sa AuGhost Exclusives — Haunted University 3, Mystery Writers, The Cursed Land, at Z-Mom.
PHP150 ang tiket sa bawa’t movie.

Lima naman ang nasa ilalim ng Fright Fest: Ghost Month Specials sa Robinsons Movieworld — The Nun 2, The Exorcist: Believer, Insidious: The Red Door, Late Night with the Devil, at Longlegs.
Ang ticket price ng each movie ay PHP200.

LOCAL AND FOREIGN MOVIES OPENING THIS WEEK
Today rin ang opening ng tatlong Pinoy movies — Pagtatag! The Documentary ng SB19, Love Child nina RK Bagatsing at Jane Oineza, at ang exclusive din sa SM Cinemas na Real Life Fiction kung saan Inglesan nang bonggang-bongga sina Piolo Pascual at Jasmine Curtis-Smith.
Tatlo pang banyagang pelikula ang mag-o-open today sa mga sinehan — Look Back, A Legend, at Voice of Shadows.
Take note na ang Ghost Month 2024 ay mula Agosto 4 hanggang Setyembre 2.

Ipinagdiriwang natin tuwing Agosto ang Buwan ng Kasaysayan, pati ang Buwan ng Wikang Pambansa na ang tema ngayong 2024 ay “Filipino: Wikang Mapagpalaya.”
At sa Setyembre 1-27 ay pangungunahan ng Film Development Council (FDCP) ang 4th Philippine Film Industry Month.
Ang opening ceremony ay sa Setyembre 1, Linggo, 3:00-8:00 P.M. sa Metropolitan Theater ng Maynila.
May free screening ang pelikulang Aguila (1980) na pinagbidahan ng National Artist na si Fernando Poe Jr., sa direksiyon ng National Artist na si Eddie Romero.
Maaaring magpa-register online para sa libreng screening sa link na nasa Facebook page ng FDCP, na reposted sa FB page ng The Metropolitan Theater.

NOEL FERRER
Sa sampung full length-features ng Cinemalaya Bente: Loob Lalim Lakas, itong Love Child ang naunang mag-commercial release.
May regular showing din kaya ang tatlong box-office hits ng Cinemalaya XX na Balota, Gulay Lang, Manong, at The Hearing?
Ang Love Child ay family drama tungkol sa live-in partners na ang four-year-old son ay autistic.
Nag-gala premiere ito noong Agosto 5, Lunes ng 5:00 P.M. sa Cinema 2 ng Ayala Malls Manila Bay.

LOVE CHILD
Ikinatuwa nina Jane Oineza at RK Bagatsing na maraming naka-appreciate ng kanilang Cinemalaya movie.
Read: Jane Oineza at RK Bagatsing, strong contenders sa Cinemalaya
Sabi ni Jane, “Kunyari nung nakaupo lang ako sa labas, may lumapit sa akin na, ‘Thank you, ginawa ninyo itong story na ito. Thank you dahil parang ilalabas ninyo ito sa iba, maririnig yung story namin.’
“Tapos dun pa lang, na-touch ako. And then yun nga, yung sa trailer na andaming ginamit yun as platform to share their stories.”
Sambit ni RK, “Saka sa trailer pa lang, yung mga comments nila, nakakatuwa kasi yun ang goal talaga ng movie.
“Di ba, pag may pinagdadaanan tayo, feeling natin, nag-iisa tayo? So, mabasa lang yung mga comments na yun, meron na agad sense of in a way support system.
“Na meron din palang ibang nakakaramdam.”
Sana talaga, kumita ang Love Child. Kasi, isa itong Filipino film na may puso na, may sustansiya pa!
