JERRY OLEA:
Dalawang beses lumuha si Meryll Soriano sa paglulunsad ng dalawang libro ni Ricky Lee sa Manila International Book Fair nitong Setyembre 14, 2024, Sabado ng gabi, sa SMX Convention Center ng SM Mall of Asia Complex, Pasay City.

Si Meryll ang buena manong nagbasa ng excerpts sa launch ng nobelang Kalahating Bahaghari at tête-bêche na Kabilang Sa Mga Nawawala/Among The Disappeared.
Madamdamin ang pagbasa ni Meryll ng saloobin ng queer na si Sally — anak ng isang homophobic mother, kapatid ng isang transwoman, at ina ng isang gay teenager.
Ginalingan ni Meryll ang pagbasa. Sabi ng host na si Candy Pangilinan, “Husay. Mahusay talaga yung Meryll, di ba? Reading na may bonggang acting.
“Iba talaga pag workshopper ni Sir Ricky. Thank you, Meryll, maraming-maraming salamat.”
Hindi umiyak si Meryll sa kanyang sariling pagbasa, maging sa pagbasa ng mga sumunod sa kanya na sina Direk Erik Matti, Iza Calzado, at Klara Espedido.
Lumagaslas ang luha ni Meryll nang magbigay ng saloobin si Ice Seguerra at awitin ang "Huwag Kang Aalis" bilang intermission number.

Pahayag ni Ice, “Ahhmm kanina narinig ko ang pinag-uusapan niyo tungkol sa aming napaka-colorful na komunidad na tinatawag nating lahat na LGBTQIA to Z.
“And ahhh… siguro I really wanna share this song because right now, andaming usapan tungkol sa mga batas na hindi pa naipapatupad, at sa kung anu-ano pa.
“But naniniwala ako na kailangan pa ba nating maghintay ng batas para maging mabuti sa isa’t isa? Di ba?
“Ahhmm feeling ko, kaya naman, e. Kaya naman natin na intindihin ang bawa’t isa.
“Kaya naman natin na maging safe space tayo ng mga tao hindi lang sa ating komunidad pero nating lahat.
“Kaya naman natin. Siguro, mas kailangan lang nating maging… makatao.
“I know, a lot of my fellow LGBTQIA friends are going through tough times because, honestly, it’s hard.
“It’s hard because we live in a society na kahit man masasabi ng iba na tanggap na — alam nating hindi pa rin naman talaga.
“Merong mga hangganan pa rin na kailangan naming sundin. Hanggang dito lang kami. ‘Kapag sumobra kayo, sobra na iyan.’
“So, to those of you who are going through things because you really can’t come out yet, or just being shunned by family, I hope that you can find in your heart to really have someone to talk to.
“Because it will help you. And to that person who is blessed enough na ikaw ang piniling kausapin, sana matuto ka ring makinig hindi lang para pakinggan iyung sinasabi niya.
“Pero para matulungan siya na maibsan yung nararamdaman niya.”
Ang ikalawang pagkakataon na lumuha si Meryll nang gabing iyon ay nang magbasa ng excerpts si Elijah Canlas.
Read:
- Ricky Lee, Kidlat Tahimik feted at 4th PFIM gala night
- Ricky Lee nang matapos ang mga nobela, hindi na makatulog, kaya...
NOEL FERRER:
Napakagaling naman talaga ni Elijah Canlas na nakapaghanda at tagos sa puso ang pagbasa.
Nahingi niya kasi beforehand ang kanyang materyal, at talagang damang-dama niya ito.
Noon lang mismo ng araw na iyon nakuha ni Dingdong Dantes at Iza Calzado ang kani-kanyang piyesa pero kay huhusay rin.
Nabunyag din tuloy ni Sir Ricky na may ginagawa siyang script para kay Iza na Sabel na collab nila ng isa pang National Artist na si BenCab.
In the works din ang Moral, The Musical, na lalapatan ng musika ng isa pang National Artist na si Ryan Cayabyab. Ang saya, di ba?
At may dalawa pang pelikula si Sir Ricky for this year’s 50th MMFF, ang Green Bones at Himala, The Musical. Ang prolific ni Sir Ricky, di ba?
Iba na iyung magaling, at mabait na kasamahan sa industriya talaga.
RICKY LEE BOOK SIGNING, SOBRANG HABA NG PILA
Pagkatapos ang excerpts' reading ay tinawag si Sir Ricky upang magbigay ng mensahe.
Pag-akyat niya ng entablado ay nagtayuan ang mga celebrity na nagbasa ng excerpts, maging ang audience, at nagkaloob ng masigabong palakpakan.
Maikli lang ang mensahe ni Sir Ricky, na sinundan ng photo op, tapos ay pinapirmahan ng mga celebrity kay Sir Ricky ang kani-kanyang binasang excerpts.
Sa dami ng bumili ng libro na pumila para magpapirma o magpalitrato kay Sir Ricky, nangangalahati pa lang ang pila ay lumalalim na ang gabi.
Kaya sinabihan ang mga nakapila pa na mag-o-autograph na lang si Sir Ricky sa mga libro at hindi na maglalagay ng dedication.
Hanggang 8:00 P.M. lang kasi ang naturang book fair bawat araw, at noong mga sandaling iyon ay pasado 8:30 P.M. na, pero mahaba pa ang pila.
GORGY RULA:
S.R.O. (Standing Room Only) ang book launch ni Sir Ricky Lee, hosted by John “Sweet” Lapus and Candy Pangilinan.

Pambungad sa event ang pag-awit ni Bayang Barrios habang naggigitara ang asawang si Mike Villegas.
Naggitara rin si Mike Villegas nang mag-intermission number si Ice Seguerra.
All throughout the program ay nakaupo sa stage ang celebrities na magbabasa ng excerpts.
Andiyan sina Meryll Soriano, Elijah Canlas, Cedrick Juan, Direk Erik Matti, Iza Calzado, Agot Isidro, at Dingdong Dantes.
Kabilang sa audience sina Chanda Romero, Ronald Arguelles, Direk Ma-an L. Asuncion-Dagñalan, Direk Rahyan Carlos, at ang parents at mga kaibigan ni Elijah.
Nag-oversee ng logistics si Direk Mac Alejandre, at ang personal assistant ni Sir Ricky na si Adel Abrigonda.
Patok sa audience ang mga banat at hirit nina Sweet at Candy.
Sabi ni Sweet matapos magbasa ni Direk Erik Matti tungkol sa berdugong si Oskar, “Nakakatakot ang boses ni Direk! Husay! Grabe 'yon!”
Bahagi ng intro ni Sweet sa kasunod na reader, “Tatawagin po natin ang isa sa may pinakamagandang mukha sa industriya maliban sa akin.”
“Hindi totoo 'yan. Yung ‘maliban sa akin’ ang hindi totoo. Yung maganda, oo,” sey ni Candy.
Pagpapatuloy ni Sweet, “Ang kawangis ni Mama Mary! Ladies and gentlemen, Miss Iza Calzado!”
Palakpakan nang husto ang audience. Pasakalye ni Iza, “Mama Mary loves all of you. And me, too.”
Matapos umawit ni Ice Seguerra, ang sabi ni Candy, “Iba, ibang klase! Boses na nakabalot sa sensitive na puso kaya naman very palpable ang emosyon.
“Ang husay mo, Ice! Naiyak nga ako sa speech niya!”
