GORGY RULA
Nag-post si Niño Muhlach noong Setyembre 16, 2024, Lunes, sa Facebook: “Abangan kami ulit sa WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS season 3 this december 2024.”
Tinanong ng PEP Troika ang lead star ng Kapuso comedy-action series na ito na si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Amoranto Sports Complex, Roces Avenue, Quezon City, ngayong Miyerkules ng umaga, September 18.
“Magte-taping ako nitong October. At medyo OK-OK na, nakakalakas na ako nang diretso,” pagkumpirma ng actor-politician.
“Nakaka-jogging na ako. So, yung Achilles tendon ko is healing very well. Naalala mo dito, Mayor, nung lumalakad ako, nakabaston pa ako.
“But at least now, nakakalakad na ako. Thank God, at sa lahat ng nagdasal para sa aking speedy recovery.
“Napakaimportante ng paa. Pag iisa lang ang paa mo, my God! Mahirap, mahirap.”
Read: Bong Revilla walking again after foot injury
Ang tinutukoy na "Mayor" ni Senator Bong ay si Quezon City Mayor Joy Belmonte, na katabi niya noong sandaling iyon.
Sinamahan ni Mayor Joy si Senator Bong sa bloodletting project ng senador, ang Dugong Alay: Pandugtong Buhay, kaugnay sa nalalapit nitong ika-58 kaarawan sa Setyembre 25.

MORE SURPRISES FOR SEASON 3
May mga bagong cast members ba sa third season ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis?
“Maraming sorpresa, ia-announce natin sa susunod nating presscon sa GMA,” sambit ni Senator Bong.
Hindi na niya matatapos ang bagong Alyas Pogi movie na aspiring entry sana para sa MMFF 2024 sa Disyembre?
“Wala! Hard action yun, e. Dito muna tayo sa medyo light, yung comedy… gagawin kong artista si Mayor Joy! Ha! Ha! Ha!” bulalas ni Senator Bong.
“Tuloy pa rin yung Alyas Pogi pero na hindi aabot for this year. Next year siguro, next year.”
Nagulat si Senator Bong nang tanungin ko kung kasali ba si Sandro Muhlach sa Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
“Why not? Ha! Ha! Ha! Natawa tuloy ako,” sagot ni Sen. Bong.
Read: Bong Revilla, naudlot ang comeback film
NOEL FERRER
Ang mag-asawang Senator Bong Revilla at Congresswoman Lani Mercado ang unang nilapitan ng mag-amang Niño at Sandro Muhlach kaugnay sa reklamong sexual abuse ni Sandro laban sa dalawang independent contractors ng GMA 7.
Dahil doon, nabigyan ng atensiyon ang isyu ng sexual abuse or exploitation na kinakaharap ng mga kabataang artista.
Sabi ni Senator Bong, “Well, yung mga ganyan, para sa akin, considered closed case. Kumbaga, nai-file na sa korte.
“Pabayaan na natin sa korte iyan. Habang nada-drag yan, kawawa din naman si Sandro, ang pamilya Muhlach.
“Basta ang importante ay maiwasan yung mga ganung pangyayari.”
Read: Sandro Muhlach speaks up about sexual abuse
JERRY OLEA
Ani Mayor Joy Belmonte, malaking karangalan para sa mga mamamayan ng Quezon City na nagdiwang doon ng kaarawan si Senator Bong sa pamamagitan ng bloodletting project.
“Actually he does this every year. He comes and celebrates with us every year,” sabi ni Mayor Joy.
“Kaya dito, parang ampon na namin si Senator Bong Revilla.”
Ano ang birthday wish niya para kay Sen. Bong?
Tugon ni Mayor Joy, “Siyempre, gusto ko sana, ipagpatuloy pa ni Sen ang kanyang paglilingkod sa mga mamamayan sa buong Pilipinas.
“At napakahusay po niyang maglingkod hindi lang sa mga proyekto na nasa grassroots kundi pati na rin sa mga batas niya na magaganda at lahat, nakikinabang lalung-lalo na yung mga seniors, mga guro, mga mag-aaral.
“Halos lahat ng sektor na tinatawag nating vulnerable sectors ay natutulungan ni Senator sa kanyang iba’t ibang panukalang batas sa senado.”
Ang personal birthday wish naman ni Senator Bong, “Sana ay magkasundo na lahat, wala nang away-away. Magkaisa tayo para sa bayan.”
Read: Bong Revilla on avoiding temptations: "Wala, lumalayo lang ako."
