GORGY RULA
Ang galing umiwas ni Gabby Concepcion nang tinanong ng PEP Troika tungkol sa ibang mga anak niya nang nakatsikahan namin siya sa Super Sam restaurant, Quezon City, noong Martes, September 17, 2024.
Tinanong namin ang Kapuso actor tungkol sa bagong apo niya kay Garie Concepcion, anak niya kay Grace Ibuna, pero ang U.S.-Canada tour ng Dear Heart concert nila ni Sharon Cuneta ang sinagot nito.
Read: Gabby, nag-leave of absence para sa US-Canada tour nila ni Sharon
“Alam mo, gagawa kami ng show na parang Dear Heart lang. That’s reserved for another time,” nakangiting sagot sa amin ni Gabby.
Sa Dear Heart daw muna tayo mag-focus.
WILL KC CONCEPCION JOIN DEAR HEART CONCERT?
Pero sinagot naman niya nang tinanong namin kung may special participation ang anak nila ni Sharon na si KC Concepcion sa isa sa mga Dear Heart concert nila sa Amerika at Canada.
Ayon kay Gabby, “Hindi ko naman call yun, e. Siyempre, call ng production yun.
"Hindi naman ako ang producer, e. So, hindi ko alam kung ano yung balak ng mga producers.
"But it would be nice to have her there with us."
Patuloy niya, “Ang resulta naman ng Dear Heart is KC, e. A big part of Dear Heart. Kasama si KC dun.
“Kung meron kang tinanim na puno na magpuprutas… tinanim ay Dear Heart, ang bunga nun ay si KC.
“Napakasarap sana na maano natin na makakasama natin si KC.”
Ang Dear Heart ay titulo rin ng unang pelikula nina Gabby at Sharon na ipinalabas noong 1981.
Sa ngayon ay may walo nang Dear Heart concerts sina Gabby at Sharon sa Amerika at Canada.
Nasa Southern California sila sa October 26; sa Beverly Hills sa October 27; sa Lincoln, California sa November 15; sa Las Vegas naman sa November 17; at sa Honolulu, Hawaii sa November 23.
Sa Canada naman ay nasa Oakville sa Ontario sila sa November 2; sa Winnipeg sa November 21; at sa St. Surrey, BC sila sa November 29.
Read: Sharon Cuneta and Gabby Concepcion get asked: Mahal niyo pa ba ang isa't isa?

JERRY OLEA
Nakiusap si Gabby Concepcion sa GMA-7 na hindi muna niya sisimulan ang taping ng bagong drama series na gagawin niya.
Maganda pa naman ang serye na siya raw talaga ang bida rito. Pero naghahanap pa sila ng isa pang sikat na aktor na makakabangga ni Gabby.
Kuwento niya, “Magmi-meet pa lang kami e. Meron kasi akong mga idea na I hope mangyari, because may mga stories na hindi pa nagagawa.
“Pero, of course, may priority ang think tank ng GMA, and of course we have to respect that, because marami namang nagbubuo ng team para matapos ang project.
“And it all has to jive, ano? Tahi yan, e.
"For me, ang importante sa isang show is the story.
"Ako, naniniwala na dun na kahit sino ang ilagay mo diyan, basta’t maganda ang story, pipik-apin, di ba?
"Parang kanta lang yan," pahayag ni Gabby.
NOEL FERRER
Nakakontrata si Gabby Concepcion sa GMA-7 ng drama series na gagawin niya. Dito raw muna siya sa TV magpo-focus.
Wala pa raw magandang movie offers na gusto niyang gawin.
Ang dami na raw niyang tinanggihan movie offers dahil talagang naghahanap siya ng magandang istorya na hindi pa niya nagawa noon.
GABBY-SHARON REUNION MOVIE
Isa na rito ang reunion sana nila ni Sharon na isang magandang pelikula.
Okay naman daw sa kanyang magsama sila muli ni Sharon sa isang pelikula, pero ang gusto niya ay isang magandang istorya talaga.
Read: Gabby Concepcion ribs Sharon Cuneta: "Concepcion nung araw ito, e."
“Ang importante lang, story. Kaya hindi matuluy-tuloy, I’ll be honest with you guys, I’m very particular with the story.
“Hindi lang porke, 'Ahh may pelikula kami ni Sharon. Ahh yung movies namin nag-click. Ahh ki-click ito,' hindi!
"Dapat maganda rin ang istoya para sa kanila din naman, para sa atin din. Para pag napanood natin, you feel good. We all feel good.
“Marami na akong tinanggihan na script ng mga producers for a Gabby-Sharon movie, because nakita ko… ako, ha? Nakita ko na yung pattern niya is the same.
“So, I want it different talaga. Kaya may mga ideas din ako. Buuin natin yun, at kapag nabuo na tama sa lahat, gawin natin,” saad ni Gabby.
