JERRY OLEA
Napadalas ang pagkikita namin ng National Artist na si Sir Ricky Lee nitong nakaraang mga araw.
GALA NIGHT
Setyembre 13, 2024, Friday the 13th, present si Sir Ricky sa gala night ng 4th Philippine Film Industry Night sa Teatrino, Promenade, Greenhills, San Juan City.
Pinarangalan doon ng Film Development Council of the Philippines ang labing-isang National Artists for Film and Broadcast Arts.
Maliban kay Sir Ricky, ang sampu pang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng pelikula at sining brodkast ay sina Fernando Poe Jr., Eddie Romero, Lamberto Avellana, Manuel Conde, Marilou Diaz-Abaya, Lino Brocka, Ishmael Bernal, Gerry de Leon, Nora Aunor, at Kidlat Tahimik.
Tatlo na lamang sa National Artists na iyan ang buhay pa — ang 71-anyos na si Ate Guy, ang 76-anyos na si Sir Ricky, at si Tatay Kidlat na magiging 82 anyos na sa Oktubre 3.
Dumalo rin si Kidlat Tahimik sa naturang gala night.

Ayon sa source ng PEP Troika ay napapadalas ang pagpapa-check up ng Superstar these days kaya understandable na nagpahinga na muna ito.
Nasa gala night din sina FDCP (Film Development Council of the Philippines) Chair Jose Javier Reyes, Lovi Poe, Janno Gibbs, Boots Anson Roa-Rodrigo, Atty. Rochelle Ona, Direk Mac Alejandre, Direk Paolo Villaluna, at Direk Joey Romero.
Ang nag-host ng programa ay si Enchong Dee. Performers sina Jona, Katrina Velarde, Klarisse de Guzman, Nyoy Volante, at Jason Dy.
BOOK LAUNCH
Noong Setyembre 14, Sabado ng gabi ang book launch ni Sir Ricky sa Manila International Book Fair 2024 sa SMX Convention Center sa SM Mall of Asia Complex, Pasay City.
Inilunsad doon ang dalawa niyang aklat, ang bagong nobela niyang Kalahating Bahaghari at ang double-sided o tete-beche na Kabilang Sa Mga Nawawala (isang mahabang short story, sabi ni Candy Pangilinan).
Katuwang ni Candy sa pagho-host ng SRO book launch si John “Sweet” Lapus. Nag-perform doon sina Ice Seguerra, Bayang Barrios, at Mike Villegas. Direktor ng programa si Mac Alejandre.
Kabilang sa nagbasa ng excerpts sina Dingdong Dantes, Iza Calzado, Meryll Soriano, Agot Isidro, Elijah Canlas, Direk Erik Matti, Cedrick Juan, at Klara Espedido.
“Biglang on the spot, pumuwede yung iba. Si Cedrick, hindi siya puwede. Hindi pumuwede,” salaysay ni Sir Ricky. “Biglang… hapon na siya nagsabi na puwede siya. Kaya on-the-spot niya binasa.
“Si Dingdong naman, nag-yes na noong una pa. Palitan sila ni Marian [Rivera]. Hindi puwedeng pareho silang wala sa bahay, e. Originally, pareho naming inimbita, e.
“Si Dingdong, nanggaling pa siya sa affair ng anak niya, na nagpa-sorry siya na male-late. Although hindi siya na-late. Talagang siningit niya, e…
“Si Iza, may shooting yata or what, hindi rin siya sure. Last minute lang siya nakapag-ayos ng schedule niya.
“Sina Erik at Elijah, matagal nang nasa kanila yung excerpts na babasahin nila. Napaghandaan nila.
“Masarap kasi mga suki ko yan, e. Tuwing may book launch ako, walang bayad, andiyan sila lahat. Si Sweet, si Agot Isidro.

“Si Joem Bascon na may sakit, hindi pumuwede. Si Bayang Barrios. Actually, karamihan sa kanila. Ang bago lang ngayon, si Iza saka si Cedrick.
“Ang masarap sa kanila, inobliga mo na nga sila, nagbigay na sila ng panahon nang walang bayad, pagkatapos ng launch, pag nag-text sila, nagtatanong pa sila, ‘O, sa susunod, ha? Magbabasa uli kami. Excited kami.’
“Ayun, masarap to feel na maraming nagmamahal at sumusuporta sa iyo lalo na sa writer, hindi sa artista o direktor. Lalo na sa writer.”
Limang araw ang Manila International Book Fair, mula Setyembre 11 hanggang 15. Perfect attendance si Sir Ricky sa naturang book fair for five days.
SINE SIGLA SA SINGKUWENTA
MMFF (Metro Manila Film Festival) Baby si Sir Ricky, at sumuporta siya sa launch ng MMFF 2024 Sine Sigla Sa Singkuwenta noong Setyembre 19, Huwebes ng umaga sa MMDA Auditorium, Orense St., Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.
Love-hate ang relationship ni Sir Ricky sa MMFF.
Isa siya sa mga hurado sa kontrobersyal na 3rd MMFF Awards Night noong 1977 kung saan humakot ng awards ang Burlesk Queen ni Vilma Santos, sa direksyon ni Celso Ad. Castillo.
Ang tatlong best picture winners ng MMFF 1982 ay Himala, Moral, at Haplos na pawang siya ang nagsulat.
Naturalmente, nagwagi siya ng best screenplay. Iyon ay para sa Moral na idinirek ng National Artist na si Marilou Diaz-Abaya.
Nakasiyam na tropeo naman roon ang Himala na pinagbidahan ng National Artist na si Nora Aunor, sa direksyon ng National Artist din na si Ishmael Bernal.
Sa MMFF 1987, best screenplay ang Olongapo: The Great American Dream kung saan credited na writers sina Ricky Lee, Frank Vrechek, at Alan Cummings.
Tinanggihan ni Sir Ricky ang award.
Sa golden anniversary ng MMFF ay dalawa ang pelikula niya — Green Bones ni Zig Dulay at Himala: Isang Musikal ni Pepe Diokno.
Sa nakaraang MMFF, pinakamaraming awards ang GomBurZa ni Pepe Diokno, pero ang Firefly ni Zig Dulay ang best picture.
Mabilan kay Sir Ricky, dumalo rin sa launch ng Sine Sigla sa Singkuwenta sina Boots Anson Roa-Rodrigo, Atty. Rochelle Ona, Joel Saracho, Direk Paolo Villaluna, Direk Marlon Rivera, Direk Richard Somes, Direk Paolo Villaluna, Dan Morales, at iAcademy COO Raquel Wong.

Nakibahagi sila sa unveiling ng pilot mural painting sa EDSA, kung saan tampok ang 16 MMFF icons na sina Fernando Poe Jr. at Nora Aunor, kasama sina Dolphy, Vilma Santos, Vice Ganda, Maricel Soriano, Vic Sotto, Eddie Garcia, Gloria Romero, Amy Austria, Christopher de Leon, Cesar Montano, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Joseph Estrada, at Anthony Alonzo.
CCP GAWAD PARA SA SINING
Tatlo ang National Artists sa CCP Gawad para sa Sining noong Setyembre 20, Biyernes sa The Samsung Performing Arts Theater sa Circuit Makati.
Maliban kay Sir Ricky, panauhin din si Alice Reyes (National Artist for Dance). Host si Maestro Ryan Cayabyab (National Artist for Music), katuwang si Dolly de Leon.
Ang awards ceremony na iyon ang highlight ng pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Cultural Center of the Philippines.
Ang 13 honorees ay sina Jose Iñigo Homer “Joey” Ayala, Generoso “Gener” Caringal, Mike de Leon, Marilyn Gamboa, Gino Gonzales, Pete Lacaba Jr., Loboc Children’s Choir, Julie Lluch, Mario O’Hara, Lea Salonga, Sen. Edgardo J. Angara, former CCP Trustee Zenaida “Nedy” R. Tantoco, at Oscar Yatco.
Merong commemorative exhibit na Luminaries and Legacies: CCP Gawad Para sa Sining 2024 & Other CCP Institutional Awards mula Setyembre 20 hanggang 27 sa Jaime Zobel Sr. Hall, ang lobby ng Samsung Performing Arts Theater.
Tinanggihan ni Direk Mike de Leon ang CCP Gawad Para sa Sining.
Matapang ang talumpati ng honoree na si Pete Lacaba Jr., sa harap ni Irene Marcos-Araneta na kinatawan ni Pangulong Bongbong Marcos sa nasabing event. Maging si Sir Ricky ay nagulat sa tapang ni Sir Pete.
Kabilang sa performers sa Gawad CCP para sa Sining sina Ross Pesigan, Rissey Reyes-Robinson, Poppert Bernadas, Shaira Opsimar, Monica Gana, Glenn Aquias, Bayang Barrios at Ang Naliyagan, Benedict Magboo, David Ezra, Floyd Tena, The Nightingales, Philippine Philharmonic Orchestra, Alice Reyes Dance Philippines, Ateneo Chamber Singers, at Loboc Children’s Choir.
Present din sa nasabing event sina Dr. Jaime C. Laya, Rowell Santiago, Direk Paolo Villaluna, Kaye C. Tiñga, Margie Moran-Floirendo, Felix “Monino” S. Duque, Carissa Coscolluela, Atty. Gizela M. Gonzalez, Junie del Mundo Jr. Marivic del Pilar, Alma Taldo, Rey Lañada, at napakarami pang iba.
BIRTHDAY BASH
Setyembre 21, Sabado ay dumalaw si Sir Ricky sa shooting ng MMFF 2024 official entry na Green Bones sa Magdalena, Laguna.
Ayon sa personal assistant niyang si Adel Abrigonda, tatlong oras ang biyahe nila ni Sir Ricky papuntang Magdalena, at apat na oras pabalik ng Kamaynilaan.
Dumalo si Sir Ricky sa 70th birthday celebration ni Direk Joel Lamangan nitong Sabado night sa Alba’s restaurant sa Morato Ave., Quezon City.

Kabilang pa sa mga present sa birthday party ni Direk Joel ang mga artista niya sa pelikulang Fatherland na sina Allen Dizon, Cherry Pie Picache, Mercedes Cabral, Max Eigenmann, Jim Pebanco, at Rico Barrera, pati ang producer nilang si Engr. Benjie Austria.
Dumalo rin doon sina Gloria Diaz, Rebecca Chuaunsu, Raquel Villavicencio, Mae Paner, Dorothy Gilmore, Jhon Mark Marcia, Jo-Ann Maglipon, Julius Alfonso, Ruel Bayani, Mark Meilly, Manny Valera, Paolo Villaluna, Dennis Evangelista, Baby Go, Lito de Guzman, Boni Ilagan, Eric Ramos, Ferdy Lapus, Armand Reyes, Ronald Carballo, at iba pa.
Ngayong Setyembre 22, Linggo ay nakatakda ang pag-set visit naman ni Sir Ricky sa shooting ng Himala: Isang Musikal sa Makati City.
NOEL FERRER
Grabe, punung-puno ang schedule ni Sir Ricky sa mga gawaing pang-sining at kultura at nakaugat pa rin ang kanyang pakikipagkapwa sa mga kasamahan sa industriya.
Ang sipag lang ni Ricky talaga. At parang siya yung huwarang Pambansang Alagad ng Sining na laging nandoon ang pagsuporta sa mga gawaing panlipunan na nagsusulong ng malikhain at makabayang sining lalo na.
Ang hangad ko lang talaga ay biyayaan pa siya ng maraming taon para marami pa siyang matulungan at ma-inspire sa kanyang mga gawain at mismong presence.
Bukod sa pending writing projects, nakatakda si Ricky na gawin ang kanyang writing workshop ulit soon. At may dalawa siyang entries sa parating na 50th MMFF.
At sa special opening feature ng Sine Sigla sa Singkwenta, dadalo siya sa showing ng Jose Rizal with the lead star Cesar Montano, GMA Pictures head Nessa Valdellon, at sana iba pang mga kasamahan sa produksyon next week.
Mabuhay ka, Sir Ricky! Mahal ka namin!
GORGY RULA
Noon pa sinimulang sulatin ni Sir Ricky ang kanyang memoirs, pero nauna niyang natapos ang nobelang Kalahating Bahaghari na noong Disyembre 2023 lang niya inumpisahan.
“Madugo yung memoirs, kasi, mahina ang memory ko,” pagtatapat ni Sir Ricky.
“Maski naman noong college pa, e. So, ang daming hindi ko matandaan. Kailangan kong interbyuhin ang karamihan ng mga tao na naging close sa akin.
“So yung process ng pag-iinterbyu, that will take time. Pero napuntahan ko na lahat ng diaries ko.
“May diary ako mula noong ‘60s hanggang ngayon, napuntahan ko na lahat yung mga diaries, documents, and letters. Natapos na iyon pero mahabang proseso.
“Habang ginagawa ko lahat ito, may natisod ako sa diary ko na ilang incidents sa mga kaibigan ko at sa akin na nagbigay sa akin ng idea nung November or December na puwede itong nobela. Isulat ko kaya?
“Ayun, na-derail na ako. Tinuluy-tuloy ko na ang nobela, and then, na-enjoy ko na. Teka! Magandang maglabas tungkol sa LGBTQ rights.”
Nagulat ba siya sa ilang nabasa sa diaries niya? Na may nangyari noon na nawaglit sa alaala niya?
“Yes, yes! In fact, nakalimutan ko na karamihan, e,” sambit ni Sir Ricky.
“Nung lumayas kami sa Bicol, ganito pala. Ahhh, si Lino Brocka pala, niregaluhan ako ng shampoo…
“Maraming mga ganon with mga direktor ko noon at mga sikat na tao. So, interesting siya. Hindi ko minadali. Sine-savor ko.
“Kasi naalala ko, ‘Oo nga pala, si Armida [Siguion-Reyna] noon, si Ishma noon…’ Andaming pumapasok.”
Andaming memorabilia na naipon ni Sir Ricky.
“May mga sulat ako from Lino Brocka, from Marilou Diaz-Abaya, from Kerima Polotan,” pagsisiwalat ni Sir Ricky.
“From Celso Ad. Castillo talking about Isla. Handwritten. Sabi ni Celso, ang Isla ay tungkol sa Pilipinas, Visayas, Mindanao, et cetera, and Luzon.
“Or Malou Santos telling me, ‘Ricky, depressed na depressed ako ngayon. Kasi, hindi ka pa nakakapag-submit ng script mo.’
“And then, hindi ko itinatapon yung workshop application nila. Nasa akin yung mga application nina Neil Daza. Kasi, masyadong visual that time.
“Ahhh, nina Jerome Pobocan, all these writers, nina Dwein Baltazar, yung sinulat nila on the spot. Di ba, interbyu, then may sinusulat sila on the spot? Nasa bahay yun lahat.”
Kailan na ba talaga ang susunod na free scriptwriting workshop niya?
“Humahaba nang humahaba ang listahan. So, gagawin ko na this year. Iniisip kong gumawa na lang ng smaller na module,” lahad ni Sir Ricky.
“Sa halip na ten or ten plus, baka mga three or four sessions lang, batch one and then batch two.
“And then yung batch one na naka-four sessions, may storyline, babantayan na lang sila, imo-monitor na lang sila habang tinatapos ang script.
“Hindi na yung tuluy-tuloy na session para makasimula ng another batch. Mas ganun para matapos na. Kasi nanganganak.”
