GORGY RULA
Maraming kumukuwestiyon kung bakit pare-pareho at sabay-sabay tatakbo sa 2025 elections ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang dalawa niyang anak na sina Luis Manzano at Ryan Christian Recto.
Nag-file ng certificate of candidacy si Ate Vi para gobernador ng lalawigan ng Batangas ngayong Huwebes, Oktubre 3, 2024.
Ang panganay niyang si Luis ay para bise-gobernador, at si Ryan ay para kinatawan o kongresista ng ikaanim na distrito ng Batangas sa ilalim ng Nacionalista Party.
Read: Vilma Santos, sons Luis Manzano and Ryan Christian Recto file certificates of candidacy in Batangas

VILMA SANTOS ANSWERS QUESTIONS ABOUT HER FAMILY'S CANDIDACY
Nag-text ako kay Ate Vi tungkol sa pagtakbo nilang mag-iina sa halalan.
Nagpadala siya ng audio file bilang tugon ngayong Huwebes ng hapon.
Paliwanag ni Ate Vi: “Hindi lang naman kami ang gumawa niyan. At saka kami, nag-o-offer ng serbisyo — ang tao naman ang boboto kung pagkakatiwalaan kami o hindi.
“Ang importante, nung mahilingan akong tumakbo uli at gusto nila uling maging governor ako, inisip ko rin kung saan ako lalagay.
“Si Ralph [Recto, her husband] kasi is not running. Secretary of Finance siya at hindi siya makakaalis sa national government.
“So, ang akin lang, bakit ang dalawa kong anak? Kasi, na-expose na yung dalawa kong anak sa tao.
“Noong secretary na si Ralph, hindi siya nakaka-attend ng mga affair sa barangay, like educational distribution, financial assistance, mga TUPAD [Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced Workers].
“Ang ipinadadala niya lagi, si Ryan at si Lucky [palayaw ni Luis]. At na-expose na yung mga anak ko sa mga tao.
“Ngayon nararamdaman nila yung mga totoong buhay na ng mga tao, at nararamdaman ko, may puso na sila doon. At saka lumaki na sila sa amin.
“Imagine, nung maging public servant ako, nung mayor ako, Ryan was only three years old…”
Ngayon ay 28 anyos na si Ryan, samantalang ang 43-anyos na si Luis ay may asawa at anak na.
Dagdag ni Ate Vi, “So dito na rin sila lumaki, sa public service na nakita nila sa amin, at naranasan nila iyon nang magsilbi sila at magbigay ng mga financial distribution.
“They are prepared.”

Read: Luis Manzano spotted in a political event in Batangas
JERRY OLEA
Bakit kumandidato si Luis “Lucky” Manzano na bise-gobernador ng Batangas?
Paliwanag ni Ate Vi: “Because I personally believe kung nahilingan akong tumakbo bilang nanay uli ng Batangas, I need Lucky. Kailangan ko yung anak ko.
“Kasi kailangan ko yung technology, kailangan ko yung social media. Kailangan ko ng technology na itong mga new blood ang makapagbibigay to do a fast work, fast service.
“Remember, three years lang yan. So, nakaplano ang programa. Pero kailangan natin itong bagong dugo. Fast track ng mga serbisyo…
“Si Lucky, nung governor ako, nag-a-Alay Lakad yan. Alam niya yung tulong sa education, so hindi ito bago sa kanila. Ryan is the same thing.
“Nung na-expose na uli sila dito sa Lipa, they are both ready. Matalino at may puso ang mga ito.”
Read: Ralph Recto on son Ryan Christian joining showbiz, politics
Maraming advantages daw kung tulung-tulong silang buong pamilya sa paglilingkod sa kanilang lalawigan.
Pagdidiin pa ni Ate Vi: “So kami, nag-aalay lang ng serbisyo. And then, Secretary pa si Ralph. Anything na pupuwede pang maging magandang development ng Batangas… nandidito kami to work as a team and as a family.
“With all the congressmen, with all the mayors, or the kapitans and down to the barangay functionaries, we will all work as a team and as a family dahil ganun ko yun pinatupad nung naging governor ako.
“Sana pagkatiwalaan kami. Tutal, ang tao naman ang magdededisyon. And we’re willing to serve the Batangueños.”
Read: Is Vilma Santos running again for Batangas governor in 2025?
NOEL FERRER
Hindi lang ito nangyayari sa mga Santos at Recto, nangyayari rin ito sa marami pang pamilya ng mga politiko.
Paano tayo humantong sa ganito? Kasi, nakasanayan na.
Or wala ring nag-i-step up para mag-offer bilang alternative.
Ngayon, ang power ay nasa boboto.
Puwede tayong ngakngak nang ngakngak sa mga tumatakbo. Pero bakit hindi tayo maging mapanuri rin sa paraan ng ating pagpili?
Hangga’t hindi tayo nagle-level up, isang cycle lang ito.
Hangga’t walang gagawa ng konkretong hakbang para mapabuti ang buhay ng mga kababayan natin, magiging ganito na lang lagi.
Katulad nga ng sinabi ni Ate Vi sa pelikula niya, “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos. Kung hindi ngayon, kailan pa?”
Read: Vilma Santos reveals getting allowance from husband Ralph Recto
