GORGY RULA:
Simula sa Linggo, October 6, 2024, ipagdiriwang ng Regal Entertainment, Inc. ang third anniversary ng Regal Studio Presents sa GMA-7.
Read: Jon Lucas's wife surprises him with brand-new car worth PHP2M
Isang romcom episode na pinamagatang "Stuck On You "ang unang mapapanood sa Linggo na pinagbibidahan nina Jon Lucas at Faith da Silva.

JON LUCAS BIG BREAK ON BLACK RIDER
Sa nakaraang media conference ng Regal Studio Presents, na ginanap sa Valencia Events Place, nakatsikahan namin si Jon at napag-usapan namin ang magandang role na ibinigay sa kanya sa Black Rider ni Ruru Mdrid.
Nagpapasalamat siya sa GMA-7 lalo na sa GMA News and Public Affairs na binigyan siya ng ganung magandang role. Si Jon ang major villain sa Black Rider, at sa tingin niya ay malaking bagay na kasama niya si Ruru rito na kapareho niyang miyembro ng Iglesia ni Cristo.
Noon pa man ay pinag-usapan na raw nila na dapat na magsama sila sa isang magandang project.
“Siguro may factor din na nababanggit ni Ruru sa production na kunin ako, isama ako. Hindi ko po sure na gawing kontrabida niya, na gawing second lead. Pero feeling ko nababanggit niya yung pangalan ko. Para tulungan din po ako,” pakli ni Jon.
“Kasi lagi po kaming nag-uusap dati na, ‘Sige, bro, balang araw magkatrabaho tayo,’ ginaganun niya ako.
“Kasi nung panahon na yun, may Lolong na siya, nakapag-lead na siya sa mga teleserye. Hinihintay ko yung mga panahon na yun, tapos eto nga, dumating na yung Black Rider, kaya ang sobrang saya po namin,” dagdag ni Jon.
GRATEFUL TO RURU MADRID
Kaya tumatanaw siya ng utang na loob kay Ruru na kapatid niya sa INC.
“Meron man siyang sinabi o wala sa production po sa public affairs, may utang na loob po ako sa kanya. Kasi nakasama po ako dito sa malaking proyekto na to.
"Kahit po nung during taping days namin, tinutulungan niya po ako sa lahat na mga eksena namin, gina-guide niya po ako.
“Mas matanda ako sa kanya, pero sa experience din kasi sa acting, sa dami ng ginawa niyang projects, ang feeling ko naman, mas lamang siya sa akin.
"Passionate talaga siya, wala akong masasabi sa tao na yun,” sabi pa ni Jon.
Read: Bianca Umali admits wedding talks with boyfriend Ruru Madrid
JERRY OLEA:
Ipinaalam daw ni Jon Lucas sa INC ang ilang eksena niya. Kailangan daw niyang ikunsulta sa Iglesia Ni Cristo ang karakter na ginagampanan niya na nagpapakita ng kasamaan ng isang tao.
“Unang-una bawal ang pumatay ng tao, pinagbabawal mag-drugs, pinagbabawal manakit ng babae.
“Lahat po na sinabi ko na bawal, ginawa ko sa Black Rider, di ba? Bawal manggahasa, ginawa ko sa Black Rider. So mga ganung bagay po kino-consult din po.
“Pero kung ipaalam ko, kung ano man yung pasiya nila, iyun pong tatanggapin ko. Kung sinabi pong okay, go. Kung sinabi pong bawal, bawal po talaga… Kasi iyun nga po, yung story yun po, e. Kumbaga, work po talaga,” saad ni Jon.
Meron din palang nag-aalok dati kay Jon na magbida sa isang BL movie o series, pero tinatanggihan niya. Hindi dahil sa pagiging INC niya, kundi hindi raw siya kumportableng gawin iyun, kundi may asawa’t mga anak na raw siya.
“Ako personally, hindi ko rin magawa yan. Kasi, bukod sa may dalawang kids na rin po ako.
"Siyempre, alam naman ng mga tao na kasal na po ako, may asawa na, may mga anak na. So, parang hindi ko po talaga naisip na tanggapin o gawin po yung ganun,” sambit ni Jon.
Read: Ruru Madrid, niregaluhan ang sarili ng SUV worth PHP5M
NOEL FERRER:
Pagkatapos ng Black Rider ay may mga nagsasabi na raw kay Jon Lucas na mamili na siya ng mga roles na binibigay sa kanya, dahil nakapag-second lead na siya sa isang primetime series.
Pero dito sa Regal Studio Presents ay gusto niyang gawin dahil malaki raw ang utang na loob niya sa Regal Entertainment, Inc.
Madalas na kinukuha raw siya noon sa mga pelikula nila, kahit wala pa naman daw siyang napapatunayan pa.
Ani Jon, “May mga tao po talagang nagsasabi sa akin na piliin ko na yung mga trabaho na tinatanggap. Kasi, totoo po na sa awa ng Diyos at sa suporta ninyong lahat na mga Kapuso po natin na tumatak po yung Black Rider na programa po natin.
"Kaya ang payo ng iba, ayusin na yung role na binibigay.
"Pero sa akin po kasi, hindi ko binabale walang bahala yung mga payo nila, nirerespeto ko po yun. And I think tama naman po siya, pero iniiwasan ko po na magkaroon sa utak ko na, 'oo nga, eto na ako ngayon.'
"So, hangga’t maari po ay gusto ko ganun pa rin. Ayoko na pag yung dating tumutulong sa akin ay tinatanggihan ko na sila.
"Ibig sabihin, para naman ako… ang taas ng tingin sa sarili, lumaki na yung ulo. So, hangga’t maari nakatanim sa puso’t isip ko kung sino po yung nandun nung panahong wala po ako talaga.
“Itong Regal po, sila po yung tumulong sa akin na magkaroon ng mga guestings sa pelikula, nung panahong na wala naman ako sa showbiz.
"Nung wala na po ako sa Hashtags, kinuha po ako nina Mother Lily, si Ms. Roselle, isinasama po ako sa mga pelikula nila."
Ang tinukoy niyang Roselle ay si Roselle Monteverde. “Kaya itong mga ganitong offer, hindi ko man matutumbasan yung tulong na yun, pero at least part pa rin ako ng mga programa nila.”
