JERRY OLEA:
Nanguna ang Outside sa Top 10 Movies ng Netflix Philippines ngayong Oktubre 19, 2024, Sabado.
Tampok sa horror movie na ito sina Sid Lucero, Beauty Gonzalez, Marco Masa, Aiden Patdu, James Blanco, Enchong Dee, Joel Torre, at Bing Pimentel. Ang direktor ay si Carlo Ledesma.
Ang logline ng Outside, “Fractured relationships. Paranoia. Betrayal. This family just barely escaped a zombie outbreak. But how long can they survive each other?”
Rated 16+ ang Outside dahil sa violence, language at domestic abuse.
Ang running time nito ay dalawang oras at 22 minuto. May isa pang pelikulang Pinoy sa listahan ng Top 10 Movies ng Netflix PH, ang That Kind of Love na bida sina Barbie Forteza at David Licauco. Two consecutive days lang na nag-number 1 ang BarDa movie, noong Oktubre 12 at 13.
Ang pelikulang nasa top spot mula Oktubre 14, Lunes hanggang Oktubre 18, Biyernes ay ang South Korean historical war action film na Uprising.

Nakakalungkot na ang Japanese animated fantasy film ni Hayao Moyazaki na The Boy and the Heron (2023) ay ligwak sa Top 10 Movies ng Netflix PH. Noong Oktubre 7, 2024 pa nag-streaming sa Netflix ang The Boy and the Heron (2023) na nagwaging best animated film sa Academy Awards o Oscars, BAFTA Awards, Golden Globes, at Japanese Film Academy. Tsk! Tsk! Tsk!
Sa ikatlong pagkakataon ay ligwak muli sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH ang Pulang Araw nina Alden Richards, Sanya Lopez, Barbie Forteza, David Licauco, at Dennis Trillo.
Panay-panay ang plugs ng Kapuso Network sa Pulang Araw, at pati sa noontime show na It’s Showtime ay prinomote ito. Unang pagkakataon na nalaglag sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH ang Pulang Araw ay noong Oktubre 3, Huwebes. Pangalawang pagkakataon ay noong Oktubre 13, Linggo. Sana, bukas ay pumuwesto muli ito sa Top 10 TV Shows.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix: 1.Outside 2. Uprising 3. The Shadow Strays 4. That Kind of Love 5. Violent Night 6. Spies in Disguise 7. The Predator 8. Justice 9 Dead in Tombstone 10. Haunted Universities.
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix: 1. Deceitful Love 2. Chucky 3. Lavender Fields 4. Blue Lock vs U-20 Japan 5. Gundam: Requiem for Vengeance 6. Dan Da Dan 7. Gyeongseong Creature 8. Culinary Class Wars 9. Love Next Door 10. A Virtuous Business
Read: One Direction member Liam Payne's cause of death revealed
GORGY RULA:
Naniniwala pa rin akong babalik sa top 10 trending ang Pulang Araw. Pero kahit hindi man ito bumalik o kahit hindi man ito aalagwa sa ratings, papalakpakan ko pa rin ang GMA-7 na nakagawa sila ng ganito kalaki at kagandang drama series para sa ating mga kababayan.
Kailangang mapanood natin ang ganitong serye, para mas marami pa tayo, lalo na ang mga kabataan, ang matuto tungkol sa nangyari noong panahon ng giyera.
Nakikita talagang well-researched ito at maraming naungkat na isyu na hindi natalakay sa mga nagawang libro ni Gregorio Zaide, at sa ibang research materials tungkol sa ating kasaysayan.
Masakit lang panoorin ang ilang tagpo, pero kailangan. Ang iba ay ayaw nang panoorin ang kuwento ng ating mga comfort women.
Ang hirap talagang panoorin, pero kailangang matalakay ito. May sinagot nga ang headwriter nitong si Suzette Doctolero sa komento ng ilan na iba ang dating sa kanila ng mga eksenang paghalay sa mga comfort women.
Sabi ni Suzette sa kanyang X account, "We do not show these rape scenes para paglaruan ang babae, o pang pa-horny sa ilang malilibog.
"Awa, galit, at iparamdam kung gano kalupit sa mga babae ang digmaan, iyan ang punto, so hindi iyan magkapareho.
"Hindi ako gagawa ng eksenang magpapababa sa kapwa ko babae."
Naalala ko rin tuloy ang pelikulang Comfort Gay at Aishite Imasu 1941 na pinagbidahan pa roon ni Dennis Trillo. Tatalakayin din kaya ito sa Pulang Araw?
Napapanood ko rin ang Lavender Fields, pero napakunot na lang ang noo ko sa mga questions ko sa kuwento nito.
Pero sabi nga ng isang magaling na aktor, kapag gumagawa ka raw ng isang soap, huwag ka na maghanap ng logic lalo na kung pinapanood ito at nagustuhan ng mga manonood. Mabuti na lang at magagaling ang acting ng mga artista sa Lavender Fields.
Read: Alden Richards: "Nakakapunta ako sa bahay nila Kath."
NOEL FERRER:
Magagaling ang akting ng mga artista sa Outside. Umpisa pa lang, may intense scene na si Sid Lucero. Ramdam na ramdam ni Sid iyong emosyong kailangan niyang ibigay upang maka-relate ang manonood.
Ibang-iba ang delivery niya sa isang kilalang aktor na de numero ang akting, at sabi-sabi ay naka-rely sa acting coach. Tingnan natin kung magtatagal sa top spot itong Outside.
Sa Oktubre 24 ay streaming na sa Netflix ang pelikulang Under Parallel Skies, starring Win Metawin and Janella Salvador.
Samantala, iyong horror movie ni Nadine Lustre na Nokturno ay mag-i-streaming na sa Prime Video umpisa Oktubre 31. Tampok din sa Nokturno sina Eula Valdez, Bea Binene, Wilbert Ross, Ku Aquino, at JJ Quilantang, sa direksyon ni Mikhail Red.
