JERRY OLEA:
Bago nakilalang artista sa pelikula at telebisyon, lumabas muna si Ricky Davao sa theater productions.
“Ang unang-unang play na nagawa ko, dinner theater,” lahad ni Ricky sa mediacon ng Silver Lining Redux musical noong Oktubre 15, 2024, Martes sa Red Rhino, Greenfield District, Mandaluyong City.
“Medyo laru-laro iyon pero kasi, naging teacher ko sa workshop si the late Direk Maryo J. de los Reyes. So we did Convent-Bred.
“Dinner theater yon, so comedy. Ang producer noon, si Ate Guy [Nora Aunor]. Oo, si Ate Guy. Hotel Mirador kung naaalala nyo. Ang luma, di ba?
“Hotel Mirador, dinner theater, sina Celia Rodriguez, Marissa Delgado, ganun yung mga kasama namin.
“After that, gumawa ako ng movie with Direk Maryo and Ate Guy, musical din. Yung Rock n’ Roll (1981). After that, walang nangyari sa akin, so tumahimik ako."

RICKY RECALLS FIRST THEATRIC AUDITION
Turning point para kay Ricky ang pagsabak niya sa teatro.
Balik-tanaw pa niya: “Hanggang sa may nag-invite sa akin na mag-audition sa isang theater production.
“Tapos narinig ko, sabi ni Lino Brocka, ‘Naku, Ricky, mag-audition ka diyan. Kasi should work with this director. Nonon Padilla from PETA.’
“Sabi niya, ‘He is the only true artist in the Philippines.’ During that time, ha?! So, I met with him. Nakuha ko yung part. So nagawa ko.
“Felipe de las Casas ang title. It’s about the patron saint of Mexico na tumira dito bago naging santo. Marami siyang ginawa.
“It’s a three-hour play, halos monologue na pag-start, pag-open ng curtain, three hours, walang sub, sa stage ako nagbibihis.
“After that, parang nag-iba ang tingin ko sa acting. Gusto ko, theater na lang. So, sunud-sunod yung paggawa ko ng theater.
“May ginawa ako na Tagalog version ng Bent, Lihis. It’s a Broadway play. Ang original nun, si Richard Gere.
“Anyway, after that, nagpelikula na ako pero iba na yung trato sa akin. Kasi kahit na yung pelikulang gagawin ko, halimbawa bold, pero ‘Uy, Ricky Davao, Lihis...from theater.’
“So ibang-iba yung ano, lalo na yung Felipe de las Casas. Grabe yung opening night nun!
“Parang Manila’s Who’s Who, parang Manila’s 400 pagdating sa society at pagdating sa industry.”
Unang itinanghal ang production na iyon ng Felipe de las Casas sa Puerto Real sa Intramuros, Manila.
Pagpapatuloy ni Ricky, “Sina Lino Brocka nandoon. Si Mike de Leon, naalala ko, Ishmael Bernal, ahh Marilou Diaz-Abaya. Sina Behn Cervantes, basta lahat!
“Tapos talagang sinasabi nila, ‘Uy, bagay ka sa...’ Well, ayoko namang magbuhat ng bangko but may nagsabing great director, ‘I’m a big fan. You were asked to do the impossible.’ Kinikilabutan ako.”
Ayaw sabihin ni Ricky kung sino ang nasabing great director, pero napaluha siya sa pagbabalik-tanaw.
“Kasi ano, moment ko yun, actor… and then after that, sunud-sunod na,” pakli ni Ricky.
Memorable ang pagganap ni Ricky maging sa mga dulang Bongbong at Kris, Larawan, at Insiang.
“Siguro overall, nung nag-start ako after Felipe de las Casas, nag-Bulwagang Gantimpala na ako.
“So there was a time, siguro for two years… I’m playing a role, and then finishing a play, tapos rehearsing for one. Ganun, sunud-sunod yun.
“Hanggang sa nakuha na ako ng telebisyon, nagge-guest-guest na. Hanggang sa nagpelikula. Siguro all in all, naka-60+ plays na rin ako. Sixty to 70 na.”
Isa si Ricky sa mga pangunahing tauhan ng original Filipino musical na Silver Lining Redux, na itatanghal sa Nobyembre 8-10 at 15-17, 2024, sa Carlos P. Romulo Auditorium, RCBC Plaza, Makati City. Available ang tiket sa Ticket2Me.

Read: Kate Cassidy speaks out on passing of partner Liam Payne
GORGY RULA:
Ang kuwento ng Silver Lining Redux ay nakasentro sa tatlong lalaking magkakabarkada sa high school noong late 1960s.
“We had a band. Tapos noong senior citizens na kami, a-attend kami ng homecoming,” saad ni Ricky.
“So meron kaming mga original music, ganun. Bandang huli, we decided, instead of just doing a concert, why don’t we do a musical?
“And then nag-usap-usap. ‘Anong klaseng musical?’ ‘E di kuwento natin, yung buhay natin.’ ‘O, sige.’ “Tapos biglang… buhay natin, then, ‘We should get young actors to play our younger selves.’
“So in the process, rehearsing and doing the story, parang nakakausap namin and nakikita namin yung younger selves.
“So, parang nare-realize, 'Ahh ganito nga pala ang nangyari sa amin,’ ganun-ganun. So may mga nabuksan na mga problema noong araw. Hindi na-resolve. Mga issues, yon.”
Paano maa-appreciate ng Gen-Z ang Silver Lining Redux? Paano sila makaka-relate sa mga kaganapan halimbawa sa First Quarter Storm noong 1970s?
Napabuntong-hininga si Ricky, “Well, masarap manood ng history, e. Kasi dito, yung mga young actors will be portraying us in the ‘60s and ‘70s.
“So, parang magkakaroon sila ng glimpse na, ‘O, ganito pala noong araw kami?’ Iyung generation namin ngayon, ganun pala noong araw.
“Ibang-ibang panahon, ibang-iba ang suot, pero pareho lang. Parang pareho lang iyung mga sitwasyon. Ganun pa rin talaga.”
Marcos ang presidente noong 1970s, Marcos pa rin ngayon… Natawa si Ricky, “Well, yes… Ha! Ha! Ha! Ha! During Martial Law.”
Ano ang na-miss niya sa panahong iyon?
“Iyung pagkasimple ng buhay. Simple pero siyempre, magulo rin, ano?!” bulalas ni Ricky.
“Pero mas simple noon. Less traffic, less pollution. Wala pang social media. Ano nga, e, papunta dito, kinikuwento ko sa kasama ko, ‘Ngayon naka-Waze tayo. Noong araw kami, dini-dictate iyan sa amin through phone.’ Black phone, di ba?
“‘O, punta ka dito. Baba ka ng EDSA. Tapos dalawang kanto, kakanan ka. Tapos pagdating mo doon sa unang kanto, may sari-sari store, kaliwa.’ Iyung ganoon.
“E ngayon, iba. Waze na! Marami nang changes talaga. Parang… because of technology, parang mas madali ang buhay ngayon.
“But at the same time, marami ring gulo na nadudulot ang technology’ng ito.”
Read: Simon Cowell, inuulan ng hate comments sa pagpanaw ni Liam Payne
NOEL FERRER:
RICKY ENCOURAGES SHOWBIZ COLLEAGUES TO TRY STAGE/THEATER ACTING
Laging sinasabihan ni Ricky ang mga co-stars sa TV at pelikula na sumubok sa teatro — hindi lang iyong mga baguhan kundi pati iyong mga sikat.
“Lalo na yung mga big stars na made na. ‘Give time, a month or two.’ Malayo ang kita, pero yung discipline, yung mararamdaman mo, yung experience, that’s God-given,” sabi ni Ricky.
“That’s priceless, na dadalhin mo. All great actors in the world, galing sa teatro. Lahat!”
Marami nang nasabihan si Ricky na mag-teatro noon pa man.
“Lahat ng mga kasama ko, pag nakakatrabaho ko, ‘Uy, mag-teatro ka pagka ano! Ang galing-galing mo, mag-teatro ka! Magaling ka!’
“Give time lang talaga. Kasi, unang-una, di ba, suweldo. Katulad yung kikitain ko dito, baka kitain ko lang in one taping day, or two taping days, di ba? Parang ganun.
“Pero hindi naman lahat, pera, e! It’s also about you know, food for your soul.”
Nasa cast din ng Silver Lining Redux sina Albert Silos, Jake Macapagal, Raul Montesa, Drei Sugay, Krystal Brimner, Jay Cortez, Don Anthony, Gina Respall, Johnnie Moran, Raflesia Bravo, Moi Gealogo, Sara Sicam, at Jamie Wilson bilang ka-alternate ni Ricky.
Bahagi ng ensemble sina Rodel Pingol II, Nayr de Luna, Nadia Tuviera, at Misha Fabian. Ang director ay si Maribel Legarda, with Jack Teotico as composer and lyricist, Vince Lim as musical director, and PJ Rebullida as choreographer.
Ang production na ito ay suportado ng College of the Holy Spirit Alumni Foundation, La Salle Green Hills Alumni Association, UP School of Economics Alumni Association at iba pa.
