GORGY RULA
Proud si Zanjoe Marudo sa bagong silang na baby nila ng misis niyang si Ria Atayde.
Masaya rin siyang ipinakita sa amin ang video ng kanilang anak, nang nakatsikahan namin ang aktor sa story conference ng bagong movie project niyang How To Get Away From My Toxic Family na ipo-produce ni Ogie Diaz.
Read: Zanjoe Marudo and Ria Atayde welcome first child
ZANJOE MARUDO RETURNS TO THE BIG SCREEN
Matagal na ring hindi nakagawa ng pelikula si Zanjoe, dahil medyo namimili na raw siya ng film project na talagang gusto niyang gawin.
Sabi ni Ogie, si Zanjoe talaga ang gusto nilang kuning bida sa How To Get Away From My Toxic Family kaya bago sila nag-casting, tiniyak muna nilang tatanggapin ito ng Kapamilya actor.
Nang okay na sa aktor na gawin ang pelikula, saka nila binuo ang cast na dapat ay magkakamukha sila bilang isang pamilya.
Sina Susan Africa at Nonie Buencamino ang kinuhang magulang ni Zanjoe, at sina Lesley Lina, Richard Quan, Juharra Asayo, at Keena Pineda ang mga kapatid niya rito.

“Kung mapapansin ninyo, isa silang pamilya dito. Kaya kinuha namin yung mga halos kahawig ni Zanjoe,” pakli ni Ogie sa story conference na ginanap sa Max’s Restaurant noong Sabado, November 9, 2024.
Si John Bedia ang nagsulat ng script, at si Law Fajardo ang direktor.
May playdate na sila na nakatakda sa January 22, 2025 para sa SM cinemas lamang.

ZANJOE AND RIA'S FIRST BABY
Pagkatapos ng storycon ay tinanong na namin si Zanjoe tungkol sa baby nila ni Ria.
Ipinakita niya sa amin ang video at sinabi niya ang pangalan ng kanilang baby, pero nangako kaming huwag muna itong isusulat.
Napaka-cute ng baby na laging nakatawa at kamukha ni Zanjoe, pero napakaputi na nakuha sa pamilya Atayde.
“Maputi talaga, masyado siyang maputi… pero may hawig siya sa akin. Yung birthmark namin, parehas na parehas na puwesto, parehas na kulay. Yun dito sa right [arm],” napangiting pakli ni Zanjoe.
Read: Sylvia Sanchez, ibinahagi ang pagiging first-time lola

JERRY OLEA
Hindi naman daw sa ipinagkakait nila ni Ria na ipakita sa publiko ang kanilang baby. Masyadong bata pa raw ito.
“Hindi ko iniisip yung face reveal o name reveal. Pag may gustong makita, pinapakita ko, sinasabi ko yung pangalan. Pero hindi naman sa ia-announce ko sa buong… sa online,” saad ni Zanjoe.
“Yung iba naman, gusto ba nilang malaman, gusto ba nilang… kung sino ang may gusto, pinapakita ko naman.
“Masyado pa siyang bata, masyado pa siyang maliit. Wala pa siyang two months, e. Parang… I don’t think… hindi ko makita yung point kung bakit siya i-expose sa online.
“Proteksiyon din e, kasi alam niyo naman ngayon marami na ring nag-identity theft sa social media, ang dami nang mga fake news. So, huwag na lang.
“Hindi natin maiwasan and malay mo, next week o next month, sa Christmas may family photo kami. Siguro mas magandang timing, mas maganda, mas proper at mas tamang set-up as family.
“Kung gusto niyong makita, ipapakita ko naman sa inyo. Hindi ko naman siya tinatago, e,” sabi pa ng Kapamilya actor.
Read: Zanjoe Marudo, DJ Durano, Cai Cortez nagsumite rin ng COC
NOEL FERRER
Hindi raw maipaliwanag ni Zanjoe ang eksaktong nararamdaman niya nang iniluwal ni Ria ang kanilang baby.
Kuwento niya: “Hindi ako naiyak right after, kasi iniintindi ko rin yung asawa ko, yung misis ko. Pero nung narinig ko yung iyak, dun ako parang na-stun.
“Sa totoo lang, may bata, may umiiyak na, may anak na kami. Ayan na siya. Kabadung-kabado ako, nanginginig ako nung time na yun.
“Nung nakita ko yung face na, okay na. Ang sarap ng feeling. Hindi ko ma-explain.
"Hindi ko alam kung saan ko kukunin yung kasiyahan, yung kaba, yung ganung feeling bilang ama.
“So, iba yung pakiramdam. Hindi ko pa naramdaman ever, kung ano yung feeling. Kahit na umaarte ako na may ganung eksena, hindi pala ganun, yung ginagawa ko sa mga ganung scenes,” saad ni Zanjoe.
Read: Zanjoe Marudo and Ria Atayde are now married
Ayon sa aktor, malaki ang ipinagbago nila ni Ria ngayong may baby na silang palalakihin.
“Sobrang laki. Mas nag-mature, mas naging ano kami sa mga decision namin. Mas tumibay yung pagiging partner namin. Mas naging kakampi kami sa lahat ng bagay.
“Alam mo yung parang hindi niyo pinag-usapan, pero biglang may isa kayong…meron kayong common ano na may poprotektahan tayong bata.
"Meron tayong isang tao na mahal na mahal natin na gagawin natin para dito para maprotektahan para suportahan,” seryosong pahayag ni Zanjoe.
Si Ria raw ang mas nakatutok sa pag-aalaga sa baby, dahil back to work na si Zanjoe.
Bukas, November 11, ay sisimulan na nila ang shooting ng How To Get Away From My Toxic Family.
Pero excited pa rin siyang umuwi sa kanyang mag-ina pagkatapos ng trabaho.
