JERRY OLEA:
Patuloy na sumisira ng box-office records ang pelikulang Hello, Love, Again nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Ayon sa ABS-CBN, ang reunion movie ng KathDen ay humamig ng PHP90M sa ikatlong araw nito sa local cinemas, kaya umabot na sa PHP245M ang ticket sales nito sa loob ng three days.
Ang Hello, Love, Again ay nag-open sa 656 sinehan nationwide noong Nobyembre 13, 2024, Miyerkules, at nagtala ng record-setting opening-day gross na PHP85M (hindi adjusted sa inflation) sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.
Record-setting din ang dami ng sinehang pinagpalabasan para sa isang pelikulang Pinoy.
On its second day, November 14, Thursday, bumaba ng halos 18% ang kinita ng Hello, Love, Again — PHP70M. Umabot sa PHP155M ang two-day gross nito.
Fastest Filipino film to reach the PHP150M-mark ang sequel ng Hello, Love, Goodbye (2019).
Hindi maitatatwa, good luck charm si Joross Gamboa!
On its third day, November 15, Friday… payday! Tumaas ng 28% ang hinamig ng Hello, Love, Again. Naka-PHP90M ito sa 726 cinemas, at umabot na nga sa PHP245M ang cumulative gross sa mga sinehan ng lupang hinirang.
Iyang PHP90M ang pinakamalaking single-day box-office gross para sa isang local film. Needless to say, iyan din ang pinakamalaking third-day gross for a Filipino film.
Iyong 726 cinemas sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang tinatayang pinakamalawak na pagpapalabas sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.
Siyempre pa, fastest to reach the PHP200M-milestone ang pelikulang ito na idinirek ni Cathy Garcia-Sampana.
Konting kembot at kandirit lang, pinakamabilis ding umabot sa PHP250M at PHP300M.
Bukod sa Pilipinas, napapanood na rin ang sequel ng Hello, Love, Again sa Australia, New Zealand, US, Canada, Guam, at Saipan. Ipapalabas din ito sa London simula ngayong Sabado, Nobyembre 16. Nakatakda rin itong ipalabas sa Singapore, Malaysia, the Middle East, Cambodia, at Hong Kong ngayong buwan.

HELLO, LOVE, AGAIN GETS PG RATING
Dalawang araw nang bumalik ang Hello, Love, Goodbye sa Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix. Nasa ikaapat na puwesto ito kahapon at ngayon.
Ngayong Nobyembre 16, Sabado ay agad pumuwesto sa number 1 ang reunion movie nina Joshua Garcia at Julia Barretto na Un/happy For You.
Ang Top 10 Movies sa Netflix PH today: 1. Un/happy For You 2. Alita: Battle Angel 3. Morbius 4. Hello, Love, Goodbye 5. A Place Called Silence 6. Hanna 7. Ipar Adalah Maut 8. XXX State of the Union 9. Hot Frosty 10. Time Cut
Siyanga pala, ang Hello, Love, Again ay binigyan ng PG rating ng Movie and Television Review and Classification Board MTRCB) galing kina MTRCB Board Members Katrina Angela Ebarle, Eloisa Matias at Maria Carmen Musngi. Nabigyan din ng PG rating ang Hello, Love, Goodbye noong 2019.

Read: Hello, Love, Again naka-P155M sa first two days of showing
NOEL FERRER:
I am hoping the best for this movie as it opens the door for more local hits! Sana rin, wala nang mamirata or sumuporta sa pirata ng pelikula. Nakakainis lang na pinagpaguran ito ng mga tao ay gaganunin lamang ng mga nanamantala.
Naglabas ng artcards ang GMA Pictures na ang paalala, “Pinipigilan ng pamimirata ang pagbangon ng industriya ng pagpepelikula.”
May panawagan sa netizens na i-report ang pirated copies ng Hello, Love, Again.
Sabi pa sa Tagalog version ng artcard, “MARIING TINUTUTULAN NG MGA PRODUCER NG HELLO, LOVE, AGAIN ANG ANUMANG URI NG PAMIMIRATA.
“Patuloy ang aming team sa pagtanggal ng mga ilegal na kopya ng aming pelikula.
“Ang Star Cinema at GMA Pictures ay kasalukuyang gumagawa ng mga legal na aksyon laban sa mga indibidwal na nakikiisa sa anumang uri ng pagbebenta, pagpo-post, at pagshe-share ng pelikula.
“Ang sinumang mapatunayang lumabag ay haharap sa parusang aabot ng siyam (9) na taong pagkakakulong at pagmumultahin ng hanggang isang milyon at limang daang libong piso (Php 1,500,000.00).”
Pag-usapan din natin sa susunod kung paano pa pagagandahin ang pelikula later on.
Pero for now, let us show our support sa pelikulang ito which is on its way to gaining new records! Tuloy lang!!! Tulungan pa nating mas pasiglahin ang ating industriya ng pelikula!
Read: Hello, Love, Again naka-P85M sa first day; palabas sa 656 cinemas
GORGY RULA:
Sa kabila ng negative reviews mula sa ilang nakapanood, lalo pang tumaas pala ang kinita ng Hello, Love, Again sa pangatlong araw.
Wala pa kasi akong nakuhang exact figures mula sa ating reliable source, dahil mas inaabangan nila itong sa weekend.
Inaasahang tataas pa ito dahil mas marami ngayon ang nasa labas, lalo na’t bagong suweldo. Kaya mas naniniwala ako sa review ng nakararami na mas gusto nila itong sequel kesa sa original, dahil lalo pang tumataas ang kita nito.
Maganda talagang pag-usapan ang box-office success nitong Hello, Love, Again dahil iilan lang talaga ang kumikita na pelikula. Kaya kahit paano ay nakakagaan sa pakiramdam na pinag-uusapan ito.
Pero sa nangyayaring sunud-sunod na bagyo, parang ang hirap magdiwang, lalo na’t apektado ang mga kababayan natin sa Kabikulan na kasalukuyang binabayo ng super typhoon Pepito.
Ang bilis ng storm surge sa Camarines Sur at Virac, Catanduanes, at hindi pa nakaahon ang mga kababayan natin doon na lupaypay na sa sunud-sunod na bagyong tumatama sa kanila.
Pag-uusapan pa ba nila ang love story nina Joy at Ethan? Hello, bagyo, again!
