JERRY OLEA
Kasama si Tirso Cruz III sa MMFF 2023 entry na When I Met You In Tokyo, for which itinanghal na best actress si Vilma Santos.
Sa MMFF 2024 entry ni Vilma na Uninvited, mukhang pampa-good luck si Tirso!
“Siya ang good luck sa akin. Ha-ha-ha-ha!” pagtawa ni Tirso sa engrandeng mediacon ng Uninvited nitong Nobyembre 20, 2024, Miyerkules ng gabi, sa Solaire North, Quezon City.
“Masaya naman, masaya yung naging part ako nitong movie. And it’s really a nice movie.
“Sabi ko nga, bihira yung mga movies na ganito ngayon, e. We should take advantage, at saka sana makapag-set talaga ng trend na ganito na ngayon ang gawaan ng pelikula.
“Kailangan, hindi lang ang mga artista, kundi yung content. The important thing is the content.”
Maliban kina Vilma at Tirso, tampok sa Uninvited sina Aga Muhlach, Nadine Lustre, RK Bagatsing, Mylene Dizon, Lotlot de Leon, Gabby Padilla, Elijah Canlas, Ketchup Eusebio, Gio Alvarez, Cholo Barretto, Ron Angeles, at Nonie Buencamino.
Ipinagmamalaki ni Tirso Cruz III kapag nakakatrabaho niya ang magagaling na artista.
“Lalo na itong movie na ito. Kasama si Vi, kasama si Aga, kasama si Nadine,” sabi ni Tirso.
“And more importantly, the chance to be directed by Dan Villegas, which I would like to say, I’m very, very proud of.
“To be given the chance to be directed by an actor’s director. Ganun si Dan… direct to the point, sasabihin niya sa iyo kung ano ang gusto niya, at kung kaya mong itawid, kung kaya mong gawin.
“And everytime you’re given that chance, as an actor you get more excited. You get more interested in whatever role you’re playing, and you’d like to put your best foot forward.
“Dahil lahat ng kasama ko, naka-best foot forward lahat. So matatangay ka.”
Nakaka-trigger ang paksa ng Uninvited. Sensitibo.
“Very, very sensitive!” bulalas ng premyadong aktor.
Napapanahon ba ang sensitive topic ng movie?
“Actually, overdue na ito, e. This is an overdue scenario. Dahil unfortunately, masakit mang aminin, maraming istoryang ganito na natatakpan na lang,” pagmamatwid ni Tirso.
“Nakukubli ng ibang pangyayari, nadadaganan sa balita, pero ang kawawa, yung mga biktima. I mean, yung mga rape victim.
“Trauma talaga yan, e. Lifetime trauma. Sabi nga nila, yung iba, talagang ang nangyayari, nasisira na yung buong buhay for that one dastardly act, di ba?
“Nasisira na yung buong buhay nila. And may carry over ito minsan pati sa pamilya nila.
“Sabi ko, dapat mabigyan talaga ng tsansa na ma-expose yung ganito. At saka yung… well, medyo… medyo in a way gory, ha?
“Pero minsan, parang kailangan yung ano, e. Kailangan yung ganung klase ng revenge para kumbaga, kahit papaano makabawi yung nasaktan nang sobra.
“Not only emotionally but even psychologically.”
NOEL FERRER
Matapos mag-resign bilang chairman ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), nagkaroon ng panahon si Tirso para gumawa ng magagandang proyekto tulad ng Uninvited.
“Natiyempo lang siguro. I mean, I still miss FDCP and the only reward talaga na nakuha ko, most importantly, yung mga taong naiwan, magagaling and they know what to do,” lahad ni Tirso.
“Starting off with Direk Joey [Reyes], na ayaw magpatawag ng 'Chair.' Joey lang daw siya. Huwag ko raw siyang tatawaging Chair.
“Sabi ko, ‘Unfortunately, the hat you’re wearing right now, deserves the call Chair.’
“Then yun nga, kahit papaano, part of me was left behind sa FDCP. Yung anak ko, ayaw pakawalan ni Direk Joey.
“Then yung inaanak ko rin na executive director namin, ayaw ring pakawalan ni Direk Joey. Then may mga bagong addition sa staff nila na kakilala ko rin.
“And I’m just proud to say na I’m so happy that they became part of the FDCP. And I told you din naman, I will forever be part of the FDCP, sabi ko nga.
“All you have to do is shout. ‘Kailangan mo ako, andiyan ako! I’ll always be there for you!’
“And kanina nga, tuwang-tuwa rin ako. I mean, anlaking pampataba ng puso yung mga taga-CEAP (Cinema Exhibitors Association of the Philippines), nakita ko.
“Sabi nila, nami-miss daw nila ako. And sabi ko, the feeling is mutual.”
GORGY RULA
Maayos ang pamamalakad ngayon ni Direk Joey Reyes sa FDCP at sana nga, ma-extend pa siya, dahil nag-assume lang naman siya sa chairmanship ni Tirso Cruz III na matatapos na hanggang June 2025.
Sabi ni Direk Joey, kung i-extend iyun, patuloy pa rin siya sa paglilingkod, na sa tingin ko naman ay ma-extend pa ito.
Kahit nag-resign na si Tirso sa FDCP, nandiyan pa rin siya na umaalalay at nakikita ang suporta ng buong industriya sa lahat ng ginagawa ni Direk Joey.
Nakikita naman talagang nagkakaisa, kasama na ang iba pang mga grupo ng movie industry.
Masaya na rin tayo para kay Tirso dahil magaganda ang projects na napupunta sa kanya at mabuti na lang, kasama siya sa Uninvited, dahil alam nating kampante si Vilma Santos na katrabaho siya.
Bukod sa pag-arte, nagagawa pa rin ni Tirso ang pagkanta, at talagang hataw sila ni Christopher de Leon sa US tour nila kamakailan.
Ang daming naikot sa Amerika ng concert nilang Magical Night with the Legends.
Napapasaya nila ang mga kababayan natin doon na kapanahunan nila at mga tagahanga nila kasama sina Nora Aunor at Vilma Santos.
Ang ganda ng tandem nila ni Boyet sa kanilang concert tour.
Kaya since nauuso naman ngayon ang mga reunion project, posible kayang magka-reunion sa isang malaking pelikula sina Tirso at Boyet kasama sina Ate Vi at Ate Guy?
