JERRY OLEA
Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Romando “Don” Artes at San Juan Mayor Francis Zamora ang ceremonial tee off sa first-ever MMFF Celebrity Golf Tournament nitong Disyembre 3, 2024, Martes, sa Wack Wack Golf and Country Club, Mandaluyong City.
Read: MMFF chairman, tinawanan ang intrigang may pinapaborang entries
Mahigit 40 celebrities ang lumahok sa golf tournament, kung saan takaw-pansin si Marco Gumabao at ang girlfriend niyang si Cristine Reyes na isa sa mga bida sa pelikulang The Kingdom.
Read: Cristine Reyes, starstruck pa rin kina Vic Sotto at Piolo Pascual

Tropa-tropa namang nalitratuhan natin sina Ivan Carapiet, Paolo Paraiso, Christian Bautista, Epy Quizon, at Cholo Barretto na kasama sa Uninvited.

Namataan din natin ang executive producer ng Uninvited na si Bryan Diamante ng Mentorque Productions.

MMFF CELEBRITY GOLF TOURNAMENT
Nagpaunlak ng interbyu si Chairman Artes bago ang ceremonial tee off.
Aniya, ang celebrity golf tournament ay bahagi ng ika-50 anibersaryo ng Metro Manila Film Festival (MMFF), at ito ay isang fundraising event.

“Ang proceeds po nito ay mapupunta unang-una sa Mowelfund. And second po ay ido-donate po natin sa CineGang,” pagsisiwalat ni Chairman Artes.
“Ito [CineGang] po ay isang non-profit at non-stock organization na binubuo po ng ating Unang Ginang, First Lady Liza Araneta Marcos.
“Na ang pangunahin pong layunin ay dalhin yung pelikulang Pilipino sa international scene.
“Hopefully we can have a nominee at least, or eventually winner sa mga international award-giving body tulad ng Oscars or Golden Globes or ano pang prestigious na international award-giving body.”
Read: Movie industry leaders, nakipagpulong kay First Lady Liza Marcos
KONSYERTO SA PALASYO
Sa Disyembre 15, Linggo, ay gaganapin naman ang Konsyerto sa Palasyo para sa Pelikulang Pilipino sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace.
“Ito po ay handog ni President Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta Marcos,” sabi ni Chairman Artes.
“Na ang layunin po nitong Konsyerto sa Palasyo… ay para po bigyan ng pagpupugay ang industriya ng pelikulang Pilipino.”
Gaano karaming artista ang dadalo sa Konsyerto sa Palasyo?
“Well, in-invite po namin yung sampung pelikulang kalahok sa taon na ito,” tugon ni Chairman Artes.
“Dalawa lang po out of lahat ng artista ang hindi makakarating dahil conflict po sa schedule nila.
“Pero doon po sa nakita kong listahan — except nga po sa dalawang artista na yon — lahat po ng major stars and support doon sa sampung pelikula ay dadalo po doon po sa Konsyerto sa Palasyo.
“Tapos po ang concert na yon ay puro theme song ng mga movies ang ipe-perform.”

For the record, ang pinakabidang artista ng And The Breadwinner Is… na si Vice Ganda ay kumpirmadong dadalo sa nasabing event sa Malacañang Palace na handog nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta Marcos.
Inusisa pa namin si Direk Perci Intalan ng The IdeaFirst Company (co-producer ng And The Breadwinner Is…) kung confirmed ba talaga si Vice sa Konsyerto sa Palasyo.
“Oo confirmed, inaayos pa sino sa cast pupunta pero definitely si Jun kasama ni Vice,” sabi ni Direk Perci via Messenger.
Ang "Jun" na tinutukoy ni Direk Perci ay si Direk Jun Robles Lana na direktor ng And The Breadwinner Is…
Kumpirmado ring darating sa Konsyerto sa Palasyo ang mga artista ng Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital na sina Alexa Miro, Rob Gomez, MJ Lastimosa, at Raf Pineda.
Read: MMFF 2024: Star power, plus factor sa pagpili ng official entries
GORGY RULA
Ang saya ng tsikahan at kantiyawan sa ceremonial tee off ng naturang golf tournament.
Si Cristine Reyes ang unang pumalo, at sumunod si San Juan Mayor Francis Zamora.

Pagkatapos nito ay si Caloocan Mayor Along Malapitan, at si MMDA Chairman Atty. Don Artes.
Sabi ni Mayor Zamora, kapag maganda ang palo sa tee off, ibig sabihin, wala gaanong trabaho at hindi abala.
Wala na raw kasi silang panahon maglaro ng golf kaya hindi na sila ganun kagaling maglaro. Pero ang galing pa rin naman nilang maglaro, sa totoo lang.
Ang daming celebrities na naglaro at mukhang nakahiligan nila ang larong ito.
Ilan sa mga namataan naming naglaro ay sina Derek Ramsay, Epy Quizon, Christian Bautista, Alex Santos, Zanjoe Marudo, at Emilio Garcia.
Nandoon din si Neil Arce na gusto sana naming kumustahin sa kanya si Angel Locsin, pero hindi kami makatiyempong makapag-interview.

NOEL FERRER
Salamat sa lahat ng mga tumulong at tumangkilik sa fundraising celebrity golf tournament ngayon. Malaking tulong ito sa mga beneficiary ng MMFF na Mowelfund at CineGang.
Ang susunod na 50th MMFF event ay ang grand media event sa Disyembre 6, Biyernes.
Malaking tulong ito sa entries na medyo kumahog sa pagpapa-book sa TV shows ngayon.
Tapos sa December 15, Sunday, may concert sa Palasyo.
At katulad ng sinabi ng kausap natin kanina, go siya sa Malacañang … pati nga si Vice Ganda ay confirmed na pupunta sa Palasyo.
Aabangan natin ito!
MMFF 2024 PARADE OF STARS AND AWARDS NIGHT
Ang Grand Parade of Stars ay sa December 21, Saturday, na mag-uumpisa sa Kartilya ng Katipunan na malapit sa Manila City Hall.
Magtatapos ang Parada ng mga Bituin sa National Museum, at may concert doon tampok ang iba’t ibang sikat na banda.
Ang awards night ay sa December 27, Friday, sa Solaire Resort sa Parañaque City.
Hayyyyy, sana mag-mount talaga ng interes at suporta ng mga manonood para sa mga pelikula sa 50th MMFF!
