GORGY RULA
Nagsimula nang ipina-review sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga pelikulang kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Tantiya namin, may ilang producers ang hindi natuwa sa ibinigay na rating sa kanilang pelikula.
Read: To abolish or to retain: Is MTRCB censorship still relevant in the digital age?
Pero tiyak na masaya ang mga taga-Regal Entertainment dahil binigyan ng General Patronage ang My Future You nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Parental Guidance ang ibinigay sa And The Breadwinner Is…, Green Bones, at Hold Me Close.
Binigyan ng R-13 ang Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital.
Ang Uninvited naman ay R-16, at ang Topakk ay R-18.
Read: MMFF 2024: Star power, plus factor sa pagpili ng official entries
TOPAKK TWO VERSIONS: R-18 AND R-16
Napag-usapan namin noon ni Sylvia Sanchez ng Nathan Studios, ang producer ng Topakk, na pinaghahandaan na nila kung sakaling bigyan ng R-18 ang pelikulang pinagbibidahan nina Arjo Atayde at Julia Montes.

Aminado ang actress-producer na bayolente ang Topakk, at ang mga matitinding action scenes ng pelikula ang panlaban nila sa siyam pang kalahok.
Kahit daw R-18 sila at hindi ito mapanood sa SM cinemas, ilalaban pa rin nila ang kanilang pelikula.
Pero may fallback sila — may ginawa silang R-16 version, at pasok ito sa SM cinemas.
Read: Topakk ni Arjo Atayde, R16 ang habol na MTRCB rating
“Sa lahat ng SM cinemas, R-16 po kami. Tapos outside SM cinemas, R-18 kami,” pakli ni Sylvia sa grand media launch ng MMFF 2024 na ginanap sa Quantum Skyview ng Gateway Mall 2, Cubao, Quezon City noong Biyernes, December 6, 2024.

Nagbawas sila ng matitinding action scenes para ma-R-16, pero tiniyak nilang hindi ito makakaapekto sa takbo ng kuwento ng Topakk.
Sabi ni Sylvia, “Same story pa rin, mga dugo lang talaga ang nabawas. Wala pong nabago sa istorya ng movie namin, hindi po nasakripisyo yun.
“Medyo nabawasan lang yung patayan, gilitan ng leeg, yung mga dugo-dugo.
“Pero alam ko maraming mga Pilipino na gusto nila yung matinding aksyon.”
Itong Topakk ang pinakamaaksyong entry sa MMFF ngayong taon. Inaasahang ito ang unang papanoorin ng mga kalalakihan lalo na ang mahihilig sa action movies.
Maliban kina Arjo at Julia, nasa cast ng Topakk (Triggered) sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Levy Ignacio, Bernard Palanca, Paolo Paraiso, Vin Abrenica, Cholo Barretto, Ivan Carapiet, Jeffrey Tam, Gerard Acao, Michael Roy, Elora Espano, at Maureen Mauricio, sa direksyon ni Richard V. Somes.
Read: Arjo Atayde considers cheating a dealbreaker: "There's no excuse for that."
JERRY OLEA
Noon pa man ay binabanggit na ni Mr. Bryan Diamante ng Mentorque Productions na ang tina-target nila ay R-13 para sa pelikulang Uninvited.
Pero R-16 ang ibinigay na rating ng MTRCB.
May temang revenge, corruption, at incest ang kuwento nito.
Kakaiba ito para sa bida ng pelikula na si Vilma Santos kaya ginawa niya ito.
Read: Vilma Santos "binantaan" si Aga Muhlach sa kanilang reunion movie
Pero ang daming naku-curious nang napanood nila ang trailer.
Ang lutong at ang galing ng pagbitaw ni Nadine Lustre ng pagmumura niya rito sa kanyang amang si Aga Muhlach.
Tingnan natin kung may epek ba ang R-16, dahil mukhang pang-mature audience talaga ang Uninvited.

Sa susunod na linggo ay nakatakda namang ipa-review ang tatlo pang entries na Espantaho, The Kingdom, at Isang Himala.
Kasabay ng pagtuntong sa 50th year ng MMFF, nag-mature na rin ang mga manonood. Hindi na mga pambata ang karamihan sa mga pelikulang kalahok.
NOEL FERRER
Nakapagpa-presscon na ang siyam sa sampung official entries ng 50th Metro Manila Film Festival.
Sa Lunes, Disyembre 9, 2024, nakatakda ang mediacon ng Espantaho.
Ratsada na sa mall tour ang mga pelikulang kalahok. Ikinakasa na ang kani-kanyang premiere o preview.
Imbitado ang MMFF 2024 stars, filmmakers, and producers sa Konsyerto sa Palasyo para sa Pelikulang Pilipino na nakatakda sa Disyembre 15, Linggo, sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace.
Ayon kay MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman Atty. Romando “Don” Artes, dalawa lamang sa major stars ng 50th MMFF ang nag-beg off dito dahil may conflict sa kanilang schedule.
Read: Vice Ganda, kumpirmadong dadalo sa MMFF 2024 event sa Malacanang
Tampok sa concert na ito ang theme songs ng mga pelikulang Pilipino.
Kaabang-abang ang Parade of Stars sa Disyembre 21, Sabado ng hapon, sa lungsod ng Maynila.
Mag-uumpisa ang parada ng mga bituin sa Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall, at magtatapos sa National Museum.
Asahang isasara ang Padre Burgos Avenue ng Maynila sa araw na iyon.
Ang awards night naman ng MMFF 2024 ay sa Disyembre 27, Biyernes, sa Solaire Resort sa Parañaque.
“Formal po iyan na event, barong Tagalog at Filipiniana. Nine hundred po yung seating capacity,” sabi ni Chairman Don Artes.
“Formal dinner. Malaking production po iyong ating inihanda. And reunion of sorts na rin po dahil we intend to invite po yung mga artista na naging parte sa loob ng limampung taon ng MMFF.
“Parang reunion na rin po. So we’ll invite po lahat po ng mga artista na once upon a time ay nagkaroon po ng pelikula…”
