GORGY RULA
Kahit anong piga ng ilang entertainment press kay Lorna Tolentino, wala talaga siyang sinabi at safe na safe ang sagot niya nang kinulit siya tungkol sa napapabalitang relasyon nila ni Senator Lito Lapid.
Nakatsikahan ng PEP Troika si Lorna sa media conference ng MMFF 2024 entry nila ni Judy Ann Santos, ang Espantaho, na idinirek ni Chito Roño.
Nabanggit ni Lorna na matatapos na ang taping nila ni Lito sa FPJ’s Batang Quiapo dahil hindi na puwedeng lumabas ang senador kapag magsisimula na ang kampanya nito sa 2025 mid-term elections.
“Matatapos na kami sa Batang Quiapo, kaya matatapos din yung loveteam,” nakangiting banggit ni Lorna.
Read: Lorna Tolentino, nililigawan ni Lito Lapid?

LORNA'S FRIENDSHIP WITH A "SENATOR"
Hindi man diretsahang si Lito ang tinutukoy, tinanong pa rin si Lorna tungkol sa magandang friendship niya sa "isang senador."
Paiwas na sagot ng multi-awarded actress: “Ang dami kong friends na senator, saan tayo magsisimula? Gusto mo, kamag-anak pa, meron din.
“Maraming nagmamahal, maraming tumutulong, kasi marami ring naging kaibigan si Daboy.
"Marami siyang naitanim na kabutihan dun sa mga tao sa showbiz na nagmamahal pa rin sa kanya, na nae-extend sa amin na pamilya niya.
“Iyon yung isa pang malaking blessing din.”
Ang tinutukoy na "Daboy" ni Lorna ay ang kanyang yumaong asawa na si Rudy Fernandez.
Read: May love life ba si Lorna Tolentino? “Saging lang ang may puso.”
NOEL FERRER
Mas game si Lorna Tolentino na pag-usapan ang tungkol sa kanyang mga apo.
Bininyagan noong December 3 ang pangatlong apo niyang si Rodolfo Victor, ang panganay na anak ng bunsong anak ni Lorna na si Renz Fernandez at ng misis nitong si Jef Gaitan.
“Ayun, yung two months niya ngayon, mukha na siyang six months sa laki niya,” bulalas ni LT bilang pagtukoy sa bagong apo.
Ibinahagi rin ng aktres na ilan sa mga nagninong sa binyag ng apo niya ay sina Coco Martin, Dingdong Dantes, at Dennis Trillo.
Hango sa pangalan nina Rudy at Lorna ang pangalan ng baby—Rodolfo mula sa namayapa niyang asawa at ang Victor ay galing sa pangalan niyang Lorna Victoria.
Saad ni Lorna: “Kasi ang desisyon ng mag-asawa, ang sabi nila, kapag lalaki, sa side ni Renz. Kapag babae, sa side ni Jef.
“Although ang pangalan ni Jef ay pangalan ng tatay niya, Jefftey, di ba? Marami nga ang nagsasabi, 'Babae ba siya [Jef]?' 'Opo, babae po siya.'"
Read: Lorna Tolentino, kinumpirmang buntis ang bagong manugang

LORNA TOLENTINO, PROUD GRANDMOM
Pagmamalaki pa ni Lorna: “I’m so happy sa mga apo ko, lahat sila gifted.
"Si Tori is 13 now. And nanalo yung choir nila, may competition sa Spain sa April.
"So, bale duet sila and with the choir na kasama. Yung song, may duet sila ng isang soprano at isang alto, nagko-combine.
“Pero hindi pa po muna siya… workshop lang muna siya. Pero nakikiusap kami, kasi nga medyo nung nagwo-workshop and all, medyo naapektuhan yung school niya.
“So, sabi namin, tapusin na muna yung school, kasi makakapaghintay naman.
"Yung talent niya, maho-hone nang maho-hone naman. Mag-i-improve lang siya nang mag-i-improve. Mas okay naman kapag ni-launch na siya,” saad ni Lorna.
Si Tori ang panganay na anak ni Raphael Fernandez sa una nitong karelasyon. Ang pangalawa nitong anak na si Andi ay mula sa kasalukuyan niyang karelasyon.
Read: Lorna Tolentino reveals sons plan to venture into politics
JERRY OLEA
Naka-grandslam si Lorna Tolentino bilang best actress para sa pelikulang Narito Ang Puso Ko (1992), kung saan first time siyang idinirek ni Chito S. Roño.
Pangalawang pagtatrabaho nina Lorna at Direk Chito ay sa horror movie na Patayin sa Sindak si Barbara (1995).
Ang kasunod na ay ang MMFF 2024 official entry na Espantaho, kung saan tampok din sina Judy Ann Santos, Chanda Romero, Eugene Domingo, Janice de Belen, JC Santos, Mon Confiado, Nico Antonio, Tommy Abuel, Kian Co, Donna Cariaga, at Archi Adamos.
Read: Lorna Tolentino happy to work with Espantaho co-stars

THIRD MOVIE WITH CHITO ROÑO
Kumustang katrabaho si Direk Chito noon at ngayon?
“Before, tatanungin mo ako sa before. Before, terror. Terror. Terror si Direk Chito,” kaswal na lahad ni Lorna.
“Oo, parang ano, talagang manenerbiyos ka. May tension exercise, ganyan. Consistent naman, di ba? Ha! Ha!
“Pero ngayon, talagang ano, kalmado lang. Dahil siguro kailangan na huwag siyang masyadong magagalit kaya nagtitimpi siya nang konti.
“Mas mahaba ang pasensiya niya ngayong mga panahong ito. Pero nandudun pa rin yung fire, yung passion, yung hunger for doing a great film.
“And I think, I feel… sa pagkakagawa namin, alam ko. Kasi ginather talaga lahat ni Direk yung lahat ng the best, ni Atty. Joji [Alonso], lahat ng the best dito.
“So parang alam mo na, na nandun ka sa magandang-magandang pelikula na nabuo, na magagaling na mga kasama.”
Personal na magkaibigan sina Lorna at Direk Chito. Pareho silang mina-manage ni Manay Lolit Solis.
Pagtatapat ni Lorna, “And at the same time, nagkasama kami abroad na kami lang. Nagkasama kami sa bahay. Pumupunta pati mga Streetboys noon.
“So, matagal na yung pagsasama namin ni Direk Chito. Kilala na namin ang isa’t isa.
“Buhay pa si Daboy, lahat yan, kasama siya sa lahat ng mga love stories and all, yan. Ganern!
“So, kung mahal niya kami, mahal na mahal din namin siya.”
Sa Espantaho, gumanap si Lorna bilang Rosa, ina ni Monette (Judy Ann Santos).
“Sa second family kami ni Juday, si Monette… ang pinaka para sa akin tumanim dito, yung pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak,” saad ni Lorna.
“Yun ang pinakaimportante. A mother’s love, and then yung lahat na ng mga pag-aaway namin ni Chanda, yung differences namin bilang pamilya, ipapakita rin dito.”
