GORGY RULA:
Magpapahinga ang PriManda (Primo + Amanda) love team nina Sen. Lito Lapid at Lorna Tolentino sa Kapamilya teleseryeng FPJ’s Batang Quiapo na pinagbibidahan at idinidirek ni Coco Martin.
"Kamukha lang po ng yung Probinsiyano, nung bago ako humabol at mag-i-start na po ang campaign, kailangan, bawal na po kasing lumabas [sa telebisyon at pelikula], e," paliwanag ni Lito.
Nakapanayam si Lito sa taunang Christmas lunch niya para sa entertainment press nitong Disyembre 11, 2024, Miyerkules, sa Max’s restaurant, Sct. Tuason St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Pagpapatuloy ni Lito, "Nasa batas po iyan ng Comelec. Hindi na po puwedeng magkomersyal ka.
"Kahit po yung mga billboard na may mga commercial diyan, kung halimbawa si Coco, marami siyang billboard, pag hahabol yan, tanggal lahat yun.
"Kahit yung mga commercial sa TV. Iyan po ay talagang batas. Kaya ito po, hindi po naman namin… ayaw namin talagang mawala sa Batang Quiapo, e, kailangang-kailangan talaga.
"Dahil nasa batas po iyan. Hindi na po puwedeng lumabas. E, nakakalungkot man po, pero kailangan, e. Pulitika po kasi yan, e."
Magbabalik ba at magtutuluy-tuloy ang PriManda tandem pagkatapos ng halalan next year?
"Sana po, sana magtuluy-tuloy. Kaya lang medyo naaano kami. Kasi, sinasabi ko kay Coco, nung itinambal ako kay Lorna, sabi ko, baka hindi na kami bagay,” pagsisiwalat ni Lito.
"Kasi nga, senior citizen na kami. E, sabi niya [Coco], ‘Hindi! Kailangan kasi para magkaroon ng love team ang senior citizens. May pag-asa pa sila!’
"Kay Angel Aquino, sa Probinsiyano, ganun din ang tema. Sabi, ‘E bakit kay Angel Aquino, dun sa Probinsiyano, kinagat ng tao? Baka ito, kakagatin.’
"Kasi yun nga, parang magkasing-edad kami… ka-level ko naman halos si Lorna. At yun nga, hindi pa kami nagtatambal kahit kailan nung araw. Dito lang sa Batang Quiapo.
Paliwanag pa ni Lito: "Mabuti naman at nagpapasalamat ako sa sumusuporta sa PriManda. Tinatangkilik nila.
"Kaya lang kung minsan, natsitsismis kami, di ba? Kasi, ang uso noong araw kasi, pagka itinambal ka, kamukha nung sa Regal, nung araw, ayan, nandiyan si Jesse Chua, iyan ang producer ko noong araw, saka sina Jessie Yu.
"Pag tinambal, kailangang magkaroon ng link, parang magli-link na kunwari nagliligawan, ganyan. Parang Edgar and Vilma, Nora-Tirso."
Ang tinutukoy niya ay ang dating tambalan nina Edgar Mortiz at Vilma Santos, at Nora Aunor at Tirso Cruz III.
Diin ni Lito: "Noong araw yun. Pero ngayon, meron din na… naabutan ko pa rin. Dahil senior citizen, may PriManda pa rin."
Read: Kuya Kim, may ba alam sa It's Showtime-TiktoClock timeslot rumor?
NOEL FERRER:
Parang walang masyadong pressure iyong PriManda loveteam nina Sen. Lito Lapid at Lorna Tolentino dahil sa edad nila.
Maganda ang kanilang friendship, ay may sari-sarili silang ginagawa. Ano ba ang love team nila kapag walang kamera?
Napangiting sabi ni Lito, "Kung gusto niyo, mas gusto ko sana!"
Tila ang tinutukoy ni Lito ay ang tanong ng iba kung may ugnayan sila ni Lorna.
Aniya, "Kaya lang, wala! Wala, e! Puro tuksu-tuksuhan lang, ganyan."
Katabi ni Lito nang mga sandaling iyon ang anak na si Mark Lapid, na COO ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
May blessing ba ni Mark ang PriManda tandem?
Sagot ni Mark, "Actually, yun pong love team nila, pinadaan po sa amin. Andaming names na binigay.
"So, tiningnan naman nina Direk Coco kung sino ho yung pupuwede sa kanya. Kasi it was very successful during the time of Probinsiyano, with Angel Aquino.
"That was the first na nakita nila na puwede. So, although siyempre, number one on the list during that time, it was Angel Aquino ulit to bring back, to continue yung love team.
"But yun nga, kakatapos lang. So baka para magkaroon ng difference. So, I think it [PriManda] worked.
"Ano ba yon, RoAna (Romulo + Diana) ba yung love team na una? Sa Probinsiyano.
"And now it’s PriManda naman, di ba? So, I think it worked, and it’s an inspiration for everyone."
Ayon kay Mark, trabaho lamang ang pagtatambal kina Lito at Lorna.
Paliwanag ng anak ni Lito: "And kami naman, we laugh at it because it’s work. Trabaho, part of our job. And nothing personal.
"And of course, I’m the one who’s explaining to my mom. 'And mom, this is his job. Trabaho namin ito.'
"So, it’s part of it, di ba? So trabaho namin yan. So yun yon. Kung tatanungin mo yun, ako na ang nagsasabi. Ako na ang nagsasabi sa nanay ko."

JERRY OLEA:
Sa pagtatapos ng taong 2024, ano ang ipinagpapasalamat niya sa buhay?
"Ako, unang-una, yun nga, nagpapasalamat ako, buo ang pamilya ko," malumanay na lahad ni Sen. Lito Lapid.
"At sa showbiz naman, siguro ako na ang pinakamatandang may ka-love team. Mabuti at tinatanggap pa ako. E, lolo na ako. Senior citizen na.
"Tinatanggap pa rin na may ka-love team ako, ano? Di ba? Isang karangalan yan na icon na nga ako pagkatapos ni Eddie Garcia, e.
"Pagkatapos ni Eddie Garcia, ako na ang pinakamatandang action star kung tutuusin, di ba?
"Seventy na po tayo, at yun nga, tinatangkilik pa rin. Parang ang tingin ko, akala teenager pa kami, e. Yung PriManda.
"Ang lakas-lakas, laging napapag-usapan. Yun nga, nagpapasalamat din ako sa pamilya ko, naiintindihan naman nila yung trabaho ko."
Bakit kaya nag-click sa mga manonood ang PriManda?
"Siguro sa istorya. Tapos kasi, may drama, may action. Ang galing talaga ni Coco’ng mag-twist ng istorya," sambit ni Lito.
"Ako, talagang iniisip ko, hindi kami magki-click, e, kasi, may edad na. Tapos sabi ko sa sarili, ‘Cute pa ba ako?’ Di ba? Hindi na, e…
"Hindi ko rin ma-imagine na andidito pa rin ako, na meron pa rin akong ka-love team. Andami nang naghiwa-hiwalay diyan, pero yung PriManda, matibay."
Sabay diin pa ni Lito: "Matibay ang love team, di ba? Love team lang, ha?!”
Sambot ni Mark Lapid, "May biruan nga kami sa set diyan, e, kapagka nandun kami. Tawag namin, ‘Wow! Kinakagat yung Jurassic World!’ Ha! Ha! Ha! Ha! Tawa kami. Tawa kami nang tawa!"
Editor's Note: Noong June 8, 2024 unang ibinalita ng PEP Troika tungkol sa bali-balitang nanliligaw umano si Lito kay Lorna.
Ang mismong manager ni Lorna na si Lolit Solis, tinanong tungkol sa isyu at ang sagot nito ay, "Siguro nagpapahaging-haging, kung makalusot, OK. Kung hindi makalusot, OK din."
Read: Lorna Tolentino, nililigawan ni Lito Lapid?
Noong Hulyo, naiulat ang pambubuking ni John Estrada kay Lorna tungkol sa anito'y boyfriend ni Lorna, na ayaw aminin ng aktres.
Read: John Estrada grills Lorna Tolentino about her secret boyfriend
Pilit pa rin ang iwas ni Lorna nang usisain siya uli rito ng PEP Troika noong Setyembre.
Read: May love life ba si Lorna Tolentino? “Saging lang ang may puso.”
