GORGY RULA:
Hindi maipaliwanag ni Judy Ann Santos ang eksaktong nararamdaman niya pagkatapos niyang matanggap ang Best Actress trophy sa Gabi ng Parangal ng 50th MMFF sa Solaire Resort, Parañaque noong Biyernes, December 27 ng gabi.
Pagpasok niya sa Grand Ballroom galing sa red carpet ay nilapitan na namin siya.
Tinanong namin kung ano ang eksaktong nararamdaman niya, excited o kabado.
“Mas gutom ako, pero wala kaming table,” napahalakhak niyang sagot sa amin.
“May nakaupo sa table namin, table 46. Wala kaming table. Kaya nakikiupo lang kami,” sabi pa niya.
Nakita na lang naming inayos na ang isang table para sa kanila, dahil may ilan nang nakaupo sa mesang talagang naka-reserve sa kanila.
Ang sabi sa amin, mga pulitiko raw iyung nakaupo, pero hindi namin nakilala.
Nagpaka-cool na lang sila, pero hindi na naitago ni Juday ang sobrang kaba habang hinihintay ang announcement ng nagwaging Best Actress.
“Para akong hihimatayin,” bulalas niya habang hawak-hawak niya ang mabigat na trophy.
“Hindi ko ma-explain. Hindi ko ma-explain.
“Ahhh… because it could be anyone. Thank you.
“Hindi ko pa mawari yung nararamdaman ko, parang hindi pa siya totoo. Ahhh… but I’m happy for Espantaho. This is for my film, for everyone’s film. We all worked hard,” dagdag ni Juday.

Mabigat nga raw ang trophy, at higit sa lahat, may kasama pang 100 thousand pesos.
“May 100 thousand! Ngayon lang ako nanalo na may perang kasama!” natatawa pa niyang sabi.
Tinanong na rin ang aktres kung lalo ba siyang nakumbinseng mag-produce pa ng pelikula.
Co-producer si Judy Ann dito sa Espantaho kasama ang Quantum Films at Cineko Productions.
“It really depends on a beautiful story. Hindi ka naman puwedeng mag-produce nang basta-basta lang, di ba?
“I’m very well-guided by Atty. Joji [Alonso]. It depends with Atty. Joji,” sambit ni Juday.

JUDY ANN, DI PA READY MAGING FULL-TIME MOVIE PRODUCER
Noong nagpa-lunch si Juday sa isang restaurant sa Alabang, napag-usapan itong pag-co-produce ng production nila ni Ryan Agoncillo na Purple Bunny Productions.
Para sa kanya, hindi pa talaga siya handang mag-full time producer. Sinubukan lang daw niya ito sa Espantaho.
"Actually, sa pagpo-produce, nag-o-observe lang talaga yung buong team. Kasi wala naman talaga kaming alam technically, especially sa movies," napangiti niyang pakli.
“Yung ngayon, we just really want to try it out what is out there when it comes to producing. Ahhh, kaya ko ba? Parang hindi ko masyadong kaya,” sabi pa ni Juday.
Kaya hindi pa raw niya masabi kung itutuluy-tuloy ba niya ang pakikipag-co-produce sa pelikula.
Read: Dennis Trillo, Judy Ann Santos lead MMFF 2024 Gabi ng Parangal
NOEL FERRER:
Para kay Judy Ann Santos, marami pa raw siyang dapat pag-aralan.
Wala pa raw sa puso at isip niya iyung talagang producer na mas naiisip kung paano kikita ang pino-produce niya.
"Nag-enjoy naman ako. Pero masyado kasing makatao yung puso ko, e," pakli niya.
JUDY ANN, MAS NANAIG ANG MAKATAONG PUSO KESA SA kagustuhang kumita
Ipinaliwanag niya yung sinasabi niyang makatao, dahil mas nanaig pa rin daw talaga yung nararamdaman niya sa mga tao, hindi yung pagtitipid o kung paano kumita.
"Yung hindi ko kaya, halimbawa bumabagyo. Automatic para sa akin, sige, huwag na lang tayo mag-shoot ngayon, kasi kawawa naman yung mga tao.
"Kumbaga, hindi ko pa naiisip yung part na yun ng producer's brain na yung deadline mo, may mga babayarang tao, yung location, yung ganyan.
"Automatic ako talaga na kikitain naman natin yun at some point. Mas importante yung safety ng mga tao," sabi pa ni Juday.
Nanaig pa rin daw sa kanya ang kapakanan ng mga taong nagtatrabaho, kesa sa kung paano niya makontrol ang gastos.
JERRY OLEA:
May natutunan naman daw si Judy Ann kay Atty. Joji Alonso ng Quantum. Pero sa ngayon ay hindi pa raw masasabing puwede na siyang maging producer.
"Siguro bago ako makarating sa brainwave ng isang producer, kailangan ready ako. Kailangan parang handa akong maging may slight pusong bato when it comes to calamities and all.
“Siyempre may mga moments naman na napa-pack up naman kami. Lalo na dito sa Espantaho dahil inabot kami ng apat na bagyong sunud-sunod.
"Napanood niyo naman yung Espantaho na, di ba, na nakita niyo na may mga eksena kami na may ulan, basa. Hindi naman talaga dapat kasama yun, pinanindigan na lang namin. Kasi kung hindi, hindi kami aabot, di ba?
"Kumbaga, dumating na kami sa puntong gusto na namin ipa-CGI [computer-generated imagery] yung basang kalsada.
"So, hindi nga ako puwede maging producer kasi… ‘O, sige i-CG na natin.’ ‘Juday, mahal ang CG,’ ‘O, sige huwag na natin i-CG,’" saad ng MMFF 2024 Best Actress.
Ang concern pa raw niya ay kung nakakakain ba ang mga tao, lalo na't pagod na pagod sila sa set.
"Gusto ko kasi busog sila, nakakain sila. Kasi sinusunod namin yung working hours na ibinaba ng DOLE, saka yung Eddie Garcia bill.
"Kasi nga para sa akin, kung hindi kasi... kung hindi masaya yung mga tao sa set ko na nagtatrabaho, hindi siya worth it sa akin. Gusto ko, happy set. Para sa akin kasi, hindi mabibili yung happiness sa set, e. Yung.. pagod kasi talaga silang lahat.
“Tapos, ang tindi ng mga sets namin, ang pinakabawi na lang sa kanila is yung makakain sila pag nakaupo sila, pag ka halimbawa mag-change ng set up, yung nakakasubo sila. Para walang magreklamo.
"Willing to learn... pero siguro sa ngayon, hindi ako puwedeng maging artista at producer at the same time," sabi pa ni Juday.
Read: Judy Ann Santos reacts to potential Best Actress win at MMFF 2024
