JERRY OLEA
Kabi-kabila ang mga hanash at kuda ng netizens o sour grapes sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Laksa-laksa rin ang pa-clickbaits ng content creators upang pagkakitaan ang mga ganap sa golden edition ng December filmfest.
Naglabas ng statement ang MMFF ExeComm kaugnay sa production number nina John Arcilla, Mark Bautista, Robert Seña, at Arman Ferrer kung saan inawit nila ang "Minsan Ang Minahal Ay Ako."
Facebook post ng MMFF, “We've noted concerns regarding the video tribute featuring Ms. Eugene Domingo at the recent Gabi ng Parangal. This was intended as a tribute to luminaries both living and passed, and who have contributed to the MMFF over its 50-year history — not an In Memoriam segment.
“The tribute included MMFF Icons like Joseph Estrada, Christopher de Leon, Hilda Koronel, Ruel Vernal, Amy Austria, Vilma Santos, Charo Santos, Nora Aunor, Eugene Domingo.
“We hope this clears up any misunderstandings and allows us to focus on celebrating the film industry's achievements.”

Bago pa man ang awards night ng golden edition ng MMFF, marami na ang humuhulang si Dennis Trillo ang magbe-best actor para sa Green Bones, at si Judy Ann Santos ang magbe-best actress para sa Espantaho.
Napag-alaman ng PEP Troika na runaway winner si Juday sa labanan sa pagka-best actress.
Kapansin-pansin ang pagkaligwak kay Aga Muhlach sa kategoryang best actor para sa Uninvited.
Desisyon iyon ng majority ng 13-member board of jurors na kinabibilangan nina Dr. Nicanor Tiongson, Direk Jose Javier Reyes, Sec. Amenah Pangandaman, John Arcilla, Direk Paolo Villaluna, Roy Iglesias, Jesse Ejercito, Lee Briones-Meily, Thomas Orbos, Atty. Cesar Ona Jr., Marinel Cruz, Racquel Wong, at Evylene Advincula.
Ang mga huradong sina Orbos, Javier Reyes, Ejercito, Advincula, at Iglesias ay kabilang sa 25 bumubuo ng MMFF Executive Committee.
Take note na ang presenters sa kategoryang best actor ay sina Mayor Abby Binay, Tirso Cruz III, at ang isa sa mga hurado na si Arcilla.
Heartfelt ang speech ni Ruru Madrid bilang best supporting actor para sa Green Bones.
Pero sa dami ng pinasalamatan ni Ruru, hindi niya binanggit ang pangalan ng namayapang direktor na si Maryo J. de los Reyes na nag-manage noon sa kanyang career.
Sa darating na Enero 27, 2025 ay ikapitong anibersaryo ng pagpanaw ng kaibigang Direk Maryo J.
Naaalala ko pa ang pagpupunyagi noon ni Direk Maryo J. upang isulong ang career ni Ruru.
Sa pagkapanalo ng theater actress na si Kakki Teodoro bilang best supporting actress para sa rock musical na Isang Himala, nagpakilala siya sa audience.
Ganoon din ang ginawa ng theater actor na si Cedrick Juan sa MMFF 2023 Gabi ng Parangal nang magwagi itong best actor para sa GomBurZa.
Ang Isang Himala at GomBurZa ay parehong idinirek ni Pepe Diokno.
Ang isang malaking pang-iisnab ng mga hurado sa 50th MMFF ay sa best director nominee na si Zig Dulay.
Matatandaan na sa 49th MMFF, best picture ang Firefly na idinirek ni Zig Dulay mula sa panulat ni Angeli Atienza, at prinodyus ng GMA Pictures.
Pero ang itinanghal na best director nang taong iyon ay si Pepe Diokno para sa GomBurZa.
Sa MMFF 2023 ay pinakamaraming award ang GomBurZa, PITO — 2nd best picture, best director, best actor, best cinematography, best production design, best sound, at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Tig-apat ng tropeo ang Mallari at When I Met You In Tokyo.
Tatlo lamang ang tropeo ng Firefly — best picture, best screenplay, at best child performer.
Sa 50th MMFF, itong Green Bones ang may pinakamaraming award, ANIM — best picture, best actor (Dennis Trillo), best supporting actor (Ruru Madrid), best child performer (Sienna Stevens), best screenplay (Ricky Lee, Angeli Atienza), at best cinematography.
Ang NKKLK pa, tabla bilang best director sina Mike Tuviera (para sa 2nd best picture na The Kingdom) at Crisanto Aquino (para sa 3rd best picture na My Future You).
Ay!!! Hindi man lang napasama sa tie si Direk Zig Dulay?!
Kina-tie?!
NOEL FERRER
The results of the awards stay.
They were borne out of a very transparent process and thorough deliberations ng members ng jury.
Kung hindi sila nasama sa nomination at awards, ang sagot lang diyan ng jury ay “They simply didn’t make the grade.”
Sooner, when emotions simmer down, all biases aside, sana ma-appreciate at marespeto ng mga tao ang desisyon ng inampalan.
But the awards was just one of the many things na nangyari ngayong Golden Year ng MMFF na talagang LEVEL UP naman.
The MMFF this year has initiated major efforts, like reviving the Student Short Film Caravan and Festival, Film Master Classes, the Multi-Agency Serbisyo Fair, the level up announcement of the official entries, the Celebrity Golf Tournament to raise funds for Mowelfund, the Konsyerto sa Palasyo, the Grand Media Con and Fans Day sa Gateway, the Spectacular Parade of Stars, and Musicfest from the Kartilya Ng Katipunan to the Manila Central Post Office hanggang sa special edition trophy, red carpet, at souvenir program.
Pati ang food at pag-estima sa lahat sa finale event, aminin natin na level up ang naging pagdiriwang natin ng 50th MMFF.
Kaya heto na nga, bilang pagbabalik-tanaw sa makasaysayang 50th MMFF, inaanyayahan naming mag-post tungkol sa pinaka-memorable na kuwentong MMFF50 mo, using the hashtag: #SalamatMMFF50 and tag on IG @MMFFofficial & @iamnoelferrer and FB - MMFF & Manuel Noel Ferrer and have a chance to win MMFF50 Season Passes pa rin.

Truly, let us end the eventful year with gratitude. HAPPY NEW YEAR at HAPPY MMFF 50 pa rin sa ating lahat!
GORGY RULA
Sabi nga ng karamihan, hindi nawawala ang kuda at hanash tuwing MMFF, lalo na pagkatapos ng Gabi ng Parangal.
Final na ang decision ng mga hurado, hindi na mababago iyon. Walang bawian ng award, kagaya noong panahon ng Burlesk Queen (MMFF 1977).
Dapat nang tanggapin ang desisyon ng mga hurado kahit may mga nagtataka at nagtatanong.
Ang pinakamahalaga ngayon ay kung may ilalakas pa ba ang sampung pelikulang kalahok sa ngayong taong MMFF?
Parang hindi kasi kagaya nung nakaraang taon, na nasa labas ang karamihan para manood ng sine.
Ngayon ay marami silang pinagkakaabalahan, at umaaray ang ilan sa mahal na presyo ng tiket.
Nang nakausap ko nga si Sen. Bong Revilla noong nakaraang Pasko, sinabi niyang malaking bagay yung presyo ng tiket sa mga sinehan.
Kaya dapat na isa ito sa pag-uusapan kung paano maayos ang presyo ng ticket sa sinehan na kakayanin ng lahat.
Kaya kung napapansin, mas marami pa ring nanonood sa mga sosyal na malls dahil kaya nilang bumili ng mahal na ticket.
Ang hirap pa ngayon kumuha ng update pagdating sa box office dahil wala pang lumalabas na figures kung magkano talaga ang kinita ng mga pelikula.
Pero nangunguna pa rin ang And The Breadwinner Is…, na sinasabi nilang mahigit PHP200M na raw, pero kinontra ito ng ilang reliable source namin.
Pero malayo ang kinita nito sa pumapangalawa na The Kingdom, pangatlo ang Espantaho, at pumang-apat na ang Green Bones.
Nalagpasan na nito ang Uninvited na pumuwesto sa panlima.
Kaya todo pa rin ang block screening ng ilang entries na marami ang nag-sponsor ng screening.
Kagaya ni Ms. Rhea Anicoche-Tan ng Beautederm, na talagang suportado niya ang pelikula ng endorsers niya.
Una niyang ini-sponsor-an ng block screening sa Pampanga ang Green Bones na dinaluhan mismo ni Ruru Madrid na endorser niya.
Sinamahan ito ni Dennis Trillo na tiyak na magiging endorser din niya.

Kahapon, December 30 ay itinodo na niya ang block screening sa mga pelikula ng endorsers niya, kagaya ng Espantaho para kay Lorna Tolentino, ang Hold Me Close na dinaluhan ng endorser niyang si Carlo Aquino na sinamahan naman ni Charlie Dizon.
Nagpa-block screening din siya sa The Kingdom na dinaluhan ni Piolo Pascual.

“Wala po dito ang Topakk, e. Nag-request na po ako, next year pa raw po puwede,” text sa akin ni Ms. Rhea.
Nagpasalamat si Ruru sa ganung effort para suportahan ang kanilang pelikula.
“Very grateful sa lahat na mga kaibigan ko, sa lahat po na nagmamahal sa akin na sinusuportahan po nila itong Green Bones. Sobrang salamat po.
“Ngayon ay punung-puno po ng pagmamahal at pasasalamat ang puso ko. Gusto ko lang pong sabihin, maraming-maraming salamat po,” pahayag ni Ruru nang nakatsikahan namin sa nakaraang Gabi ng Parangal.
