JERRY OLEA
As of December 31, 2024, Tuesday, 4:45 P.M., pasok na ang pelikulang Jose Rizal sa Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.
Pumuwesto sa pangatlo ang 1998 Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na pinagbidahan ni Cesar Montano, sa direksyon ni National Artist Marilou Diaz-Abaya.
Ang Jose Rizal ay nag-umpisang mag-streaming sa Netflix nitong Disyembre 30, Rizal Day. Ito lamang ang gawang Pinoy sa Top 10 Movies ng Netflix PH as of this writing.
Ang huling Pinoy movie sa naturang talaan ay ang MMFF 2017 entry nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman na Deadma Walking, na nasa number 10 noong Disyembre 22.
Sa Enero 2, Huwebes ay streaming na sa Netflix PH ang Cinemalaya 2024 movie nina Jane Oineza at RK Bagatsing na prinodyus ng Regal, ang Love Child.
Sa talaan ng Top 10 TV Shows sa Netflix PH ay nananatili ang Lavender Fields nina Jodi Sta. Maria, Jericho Rosales, at Janine Gutierrez.
Ang Pulang Araw ay noong Disyembre 13 huling napasama sa Top 10 Movies list, sa pansampung puwesto.
Umere sa Kapuso primetime ang finale ng Pulang Araw noong Disyembre 27. Hindi na bumalik sa Top 10 TV Shows ang nasabing serye na tinampukan nina Alden Richards, Sanya Lopez, Barbie Forteza, David Licauco, at Dennis Trillo.
Ang second season ng Squid Game ay nag-umpisang mag-streaming noong Disyembre 26, Huwebes. Mula Disyembre 28, Sabado hanggang ngayon ay number 1 ang Squid Game.
Sa Episode 1 (“Bread and Lottery”) ng Season 2 ng Squid Game, may butt exposure ang bidang si Lee Jung-jae na gumaganap bilang Seong Gi-hun, Player 456.

Bongga ang exposure dito ni Gong Yoo bilang salesman na nagre-recruit ng mga manlalaro.

Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix:
1) Meg
2) The Trench 2 It Ends With Us
3) Jose Rizal
4) Carry-On
5) Dungeons & Dragons: Honor Among Thieves
6) Scream
7) Harold and the Purple Crayon
8) The Six Triple Eight
9) Animal
10) Terminator: Dark Fate
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix:
1) Squid Game
2) When The Phone Rings
3) La Palma
4) Blue Lock vs. U-20 Japan
5) Check in Hanyang
6) Lavender Fields
7) Thicha
8) All of Us Are Dead
9) The Tale of Lady Ok
10) Squid Game: The Challenge
GORGY RULA
Marami ang nabitin sa second season ng Squid Game. Ang pangatlo at huling season nito ay kumpirmadong sa 2025 ilalabas.
Back-to-back na kinunan ang Season 2 at Season 3 ng South Korean survival thriller series na ito.
Samantala, napapag-usapan naman namin ng isang showbiz analyst ang kasalukuyang Metro Manila Film Festival.
Parang nabitin din daw siya sa sampung pelikulang kalahok.
Ang inaasahan daw nila para sa 50th edition ay mala-Jose Rizal o malalaking pelikula na nababagay sa pagdiriwang.
Maganda naman daw ang itinanghal na Best Picture na Green Bones, pero mas malaki pa sana rito na puwede mong ihanay sa mga klasikong pelikulang produkto ng MMFF kagaya ng Jose Rizal, Himala, Burlesk Queen, Ang Panday, Kisapmata, Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?, at Tanging Yaman.
Siyanga pala, may ilan nang producers na nakikipag-deal na sa Netflix para sa kanilang MMFF entry.
Malaking tulong din nito para makabawi sila ng malaking ipinuhunan sa kanilang pelikula.
NOEL FERRER
Eere ang finale episode ng Lavender Fields sa Enero 17, 2025, Biyernes, sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
Sa araw na iyon mag-uumpisa ang Netflix streaming ng kapalit nitong serye, ang Incognito starring Daniel Padilla, Richard Gutierrez, Maris Racal, Anthony Jennings, Baron Geisler, Ian Veneracion, and Kaila Estrada.
Waiting tayo kung kailan mag-i-streaming sa Netflix yung The Delivery Rider nina Baron Geisler at Jake Cuenca, pati yung Dear Satan aka Dear Santa nina Paolo Contis at MMFF 2024 best child performer Sienna Stevens.
